MALOLOS—Kinumpirma ng mataas na opisyal ng samahan ng mga
namamalaisdaan sa Gitnang Luzon na nakakaapekto sa kalidad ng tubig sa kailugan
ang sobrang paggamit ng aqua feeds.
Kaugnay nito, iginiit din ng opisyal na matapos ang isang
taon ay hindi pa naibibigay ng Department of Agriculture (DA) ang makinaryang
kanilang hiniling para sa rehabilitasyon ng mga palaisdaang napinsala ng
pagbahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011.
Ayon kay Lito Lacap, pangulo ng Integrated Services for the
Development of Aquaculture (ISDA), hindi lingid sa kanilang hanay ang epekto ng
sobrang paggamit ng aqua feeds sa industriya ng pamamalaisdaan partikular na sa
Bulacan.
Sinabi niya na “na-realize din ng mga kasama naming ang
epekto nito sa kalidad ng tubig at pamamalaisdaan.”
Dahil dito,
marami sa mga kasapi ng ISDA ay unti-unting nagbabalik sa tradisyunal na
pamamaraan sa pamamalaisdaan.
“Totoo na
nakakaapekto yung aqua feeds, kaya marami sa amin ngayon ang sumusunod sa
ipinapayo ng Bureau of Fisheries ang Aquatic Resources (BFAR),” ani Lacap.
Kabilang sa mga payo ng BFAR sa mga namamalaisdaan ay ang
pagbabawas ng isdang inihuhulog sa palaisdaan o reduction of stocking density.
Ito ay upang hindi masyadong marami ang aqua feeds na
gagamitin sa pagpapalaki ng isda katulad ng bangus at tilapia.
Bukod dito, ipinayo na rin ng BFAR ang salitang paggamit ng
tradisyunal na pamamaraan sa pamamalaisdaan at intensive fish farming na
nangangailangan ng mas maraming aqua feeds.
Ayon kay Lacap, nauunawaan na ng mga namamalaisdaan na ang
patuloy na polusyon sa kailugan sanhi ng sobrang paggamit ng aqua feeds ay
makakasira sa industriya.
Una rito, ibinulgar ng mas maliliiit na namamalaisdaan sa
bayan ng Hagonoy na isa sa nagiging sanhin ng polusyon sa kailugan ay ang
sobrang paggamit ng aqua feeds ng mga palaisdaang mahigit sa 100 ektarya ang
sukat.
Ayon kay Pedro Geronimo, isang beteranong namamalaisdaan,
mas daig ng polusyong hatid ng aqua feeds ang polusyong hatid ng basurang hindi
nasinop.
Inayunan din ito ni Patrocinio laderas, ang dating Bokal ng
lalawigan na beterano rin sa pamamalaisdaan.
Dahil sa patuloy
na polusyon sa kailugan, unti-unti namang bumaba ang kabuuang produksyon sa
isda ng Bulacan mula 2004 hanggang 2011.
Batay sat ala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS),
ang kabuuang produksyonng isda ng Bulacan noong 2004 ay umabot sa 53,804.3 metriko tonelada ngunit ito
ay bumaba sa 40,790.91 metriko tonelada noon 2011.
Kaugnay nito, idinaing ni Lacap na hanggang sa kasalukuyan
ay hindi pa naipapagkakaloob ng DA ang hiniling nilang makinarya para sa
rehabilitasyoh ng mga pilapil ng palaisdaan na napinsalang ng bahang hatid ng
bagyong Pedring noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga makinaryang hiniling ng ISDA kay Agriculture
Secretary Proceso Alcala noong nakaraang taon ay ang mga crane at backhone na
magagamit sa pagpapalalim ng ilog.
Binigyang diin niya
na bukod sa rehabilitasyon ng mga pilapil, ang mga makinarya ay magagamit din
sa pagpapatibay ng mga ito at pagapapalalim sa mga kailugan upang mas mabilis
na mapalabas ang tubig baha sa dagat.
“Kung naibigay lang yung equipment, naging mas matibay sana ang mga palaisdaan sa
pagbaha nitong Agosto,” ani Lacap.
Matatandaan na sa
pagbisita ni Alcala sa lalawigan matapos ang pananalasa ng bahang hatid ng
bagyong Pedring noong nakaraang taon ay iginiit nila na lubhang kailangan nila
ng mga nasabing makinarya.
Sa kanyang pahayag kay Alcala, sinabi pa ni Lacap noong
nakaraang taon na nakahanda rin sila na gastusan ang suweldo ng operator at
krudo na makokonsumo ng mga makinarya.
(Dino Balabo)