Showing posts with label Malolos City. Show all posts
Showing posts with label Malolos City. Show all posts

Sunday, August 3, 2014

Tubeeeeeeg!


 

Nakatutuwang nakakainis ang mga huling kaganapan sa pagpapadaloy ng tubig ng City of Malolos Water District (CMWD) sa kanilang mga konsesyunaryo.

 Nakatali ito ngayon sa mga argumento ng pag-aakusa na pilit na pinabubulaanan ng CMWD, ngunit mga konsesyunaryo na ang nagsasatinig ng tunay na sitwasyon.

Mahina o walang tulo sa kanilang mga gripo, kaya’t napipilitan silang bumili ng tubig inumin sa mga water refilling stations; at yung panggamit naman nila sa pagluluto, paliligo at paglilinis sa araw-araw ay pinapupuyatan ng mga konsesyunaryo na nagsabing madaling araw na tumutulo ang kanilang gripo.

Ang kalagayang ito ay ilang taon ng pinatitiisan ng mga konsesyunaryo.  Ang totoo, karaniwang nararanasan ang kakapusan ng pinadadaloy na tubig ng CMWD kapag tag-araw; at nitong mga buwan ng Marso at Abril at idinahilan nila na ito ay hatid ng kawalan ng ulan at natutuyo ang ground water o balong ng tubig sa ilalim ng kalupaan ng lungsod na ito na nagsisilbing kabisera ng Bulacan.


Ang hindi matanggap ng mga konsesyunaryo ngayo ay ang kalagayang tag-ulan na at panay ang buhos ng ulan na hatid ng mga bagyo ay habagat, ngunit kapos pa rin sila sa tubig.  Ito ay nagpapahiwatig ng mas malaking problema sa kakulangan tubig.

Dahil sa kapos na tubig, ilang konsesyunaryo na ang nagpahayag na “namamaho” at “namamanghe” na sila.  Ang iba naman ay nagpahayag nakailang naka-iskedyul ang pagsakit ng tiyan nila dahil kung alanganing oras sasakit ang tiyan nila ay baka walang tubig na magamit para sa paghuhugas ng palikuran.

Katulad ng aralng mga matatanda, ang bawat pagtitiis ay mayroon hangganan. Dahil dito, ilang konsesyunaryo na ang nagsulong ng pag-iiponng mga lagda para sa petisyon na humahamon sa pamunuan ng CMWD na mabitiw sa tungkuling kung hindi maiaayos ang pagpapadaloy ng sapat na tubig.

Isang petisyon ang sinimulansa Barangay Bagna, ngunit  lingid sa kaalaman ng marami ay may mas naunang petisyong pinalagdaan sa mga Barangay ng San Pablo  at Tikay.  Nagyon, may mga nagsusulong na rin ng katulad na petisyon sa mga barangay ng Canalate, Mabolo, samantalang ang mga konsesyunaryo sa ibang barangay tulad ng Matimbo, Guinhawa,Longos at iba pang barangay ay humihingi ng kopyua upang sila ay makalagda rin.

Kaugnay nito,ipinahayag ni Mayor Christian Natividad na ayon sa impormasyong ipinahatid sa kanya,ang CMWD ay may kabuuang assets na umaabot sa mahigit P200-M. 

Ang kabalintunaan sa kalagayang nabanggit ay may pera pala ang CMWD, bakit hindi maiayos o mapaunlad ang pagpapadaloy ng tubig sa kanialng konsesyunaryo?
Kailangan pa bang magpetisyon ang mga konsesyunaryo upang mag-isip ng solusyon at kumilos ang pamunuan ng CMWD?

Nawa ay huwag humantong sa ganoong kalagayan. Ngunit ang malaking problema ng CMWD ngayon ay kung paano papapaniwalain ang mga konsesyunaryo na may sapat silang kakayahan upang maiayos ang pagpapadaloy ng tubig sa mga tahanan ng konsesyunaryo nito.  


(Ito ang Editoryal ng pahayagang Mabuhay na inilathala noong Hulyo 25-31)

Tuesday, March 19, 2013

Pagpapatupad sa paggamit ng eco-friendly campaign materials depende sa LGUs





MALOLOS CITY—Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na ang mga pamahalaang lokal ang may kapangyarihan sa pagpapatupad ng paggamit ng mga eco-firendly campaign materials sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Ito ay kaugnay ng paglulunsad ng eco-friendly campaign materials sa lungsod na ito noong Marso 5 sa pangunguna ni Mayor Christian Natividad.

Kaugnay nito, wala pang malinaw na tugon ang mga kandidatong senador ng Team PNoy at ng United Nationalist Alliance (UNA) hinggil sa nasabing usapin nang makapanayam ng mga mamama-hayag sa lalawigan.

Ayon kay Abogado Elmo Duque, ang provincial election supervisor sa Bulacan, sa panahon ng kampanya sa halalan, ang kanilang responsibilidad ay tukuyin ang mga common poster area at mga lugar na dapat paglagyan ng mga campaign poster.

Sinabi ni Duque na kung ang pag-uusapan ay kung makakalikasan o hindi ang mga campaign materials, nasa kapangyarihan iyon ng mga lokal na pamahalaan.

“Kung may mga local law or ordinances na nagbabawal sa di makakalikasang campaign materials, sakop iyon ng local government,”ani Duque.

Iginiit pa niya bukod sa pinagtibay na local na batas ay may mga pambansang batas din na dapat ipatupad ang mga lokal na opisyal.

Kabilang dito ay ang Ecological Solid Waste Act of 2000, Clean Air Act, Clean Water Act at iba.

Matatandaan na noong 2011, pinagtibay ng sangguniaqng panlalawigan ang bagong Environmental Code ng Bulacan. Noong nakaraang taon, pinagtibay din ng SP ang pagbabawal sa paggamit ng plastic sa lalawigan.

Gayunpaman, hindi pa rin naipatutupad ng Kapitolyo at ng iba pang pamahalaang lokal ang plastic ban at ang kanilang idinadahilan ay wala pa raw implementing rules and regulation.

Batay sa naunang pahayag ni Mayor Natividad, gagamit sila ng mga eco-friendly campaign materials sa nalalapit na halalan.

Nilinaw niya na sa halip na tarpaulin na yari sa plastic ang kanilang gamitin ay gagamit sila ng eco-cloth na karaniwang ginagamit sa mga eco-shopping bag.

Ayon kay Natividad, kapag halalan,ang mga kandidaton ang pangunahing lumalabag sa batas pangkalikasan.

Ngunit sa pagtatanong ng Punto kung ipagbabawal ng pamahalang lungsod ang paggamit ng tarpaulin at iba pang campaign poster na yari sa plastic,sinabi ng alkalde na hindi muna.

Ito ay dahil daw sa wala namang batas na nagbabawal sa paggamit ng tarpaulin.

“Pero sa aming grupo, eco-fiendly ang gagamitin namin,” ani Natividad.

Kaugnay nito, kinapanayam ng mga mamamahayag sa Bulacan hinggil sa nasabingusapin ang ilang kandidatong senador,partikular na ang mga nagsusulong ng adbokasiyang makakalikasan.

Kabilang dito sina Miguel Zubiri ng UNA at sina Loren Legarda at Bam Aquino ng Team PNoy.

Sa pahayag ni Zubiri sa panayam sa Guiguinto, sinabi niya na pag-uusapan pa nila sa partido ang paggamit ng eco-friendly campaign materials.

Gayundin ang naging pahayag ni Aquino nang makapanayam sa Malolos noong Marso 8.

Sa panig naman ni Legarda na isa sa mga unang nagsulong ng green advocacy, wala siyang naisagot.

Ito ay nanganghulugan na ang mga poster na kanilang ginagamit ay yari sa tarpaulin.

Batay sa naunang pahayag ni Natividad, ang paggamit ng tarapaulin ng mga nagsusulong ng green advocacies ay isang kabalintunaan.

“Maraming ganyan, puro green advocacy ang sinasabi pero tingnan mo ang gamit sa poster puro tarpaulin.

Para naman sa mga tagamasid sa pulitika sa Bulacan, ang paggamit sa halalan ng makakalikasan materials tulad ng mga eco-friendly campaign materials ay isang malaking hamon kay Gob. Wilhelmino Alvarado na isa sa pangunahing nagsulong ng mga programang pangkalikasan sa Bulacan. Dino Balabo

Saturday, February 16, 2013

Dumadalang ang bilang ng dayong ibon sa Candaba, ngunit dumarami sa ibang lugar



Mga ibon sa isang asinan sa Barangay Pamarawan, Malolos.



MALOLOS—Halos magdilim ang kalangitan ng magliparan ang mga ibong namamahinga at nanginginain sa isang asinan sa Barangay Pamarawan ng lungsod na ito ng bugawin ng mga mamamahayag upang makunan ng larawan.

 Ngunit sa kabila ng pagkabulabog ay hindi pa rin naghiwa-hiwalay angmga ibon, sa halip ay lumipat lamang ng lugar na malayo sa tao.

Ang kalagayang ito ay masasalamin sa Candaba Swamp sa bayan ng Candaba sa Pampanga, ang itinuturing na sangtwaryo ng mga dayong ibon na nagmumula sa malalamig na bansa kapag panahon ng tag-lamig.

Batay say tala na inilabas ng Wild Birds Club of the Philippines (WBCP) at ang Protected Areas and Wildlife Bureau (PAWB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Gitnang Luzon, umabot lamang ang 5,745 ang mga ibong namataan sa Candaba Swamp.

 Ito ay higit na mas mababa sa naitalang bilang na 8,725 matapos magsagawang water bird census noong Enero 2011.

 Ayon kay Michael Lu ng WBCP, ang pagbaba ng bilang ng mga idayong ibon na nanantili sa Candaba Swamp ay sanhi ng pagkabulabog ng mga ibon.

Ito ay dahil sa Nobyembre pa lamang ay nagsimula ng magpatuyo at maglinang ng bukirin ang mga magsasaka sa nasabing bayan.

Ayon kay Lu, ang mga bukirin sa Candabawa Swamp ay lumubog sa baha na hatid na malakas na ulan ng hanging habagat noong Agosto.

 Dahil dito, napinsala ang mga pananim at namahagi ang Department of Agriculture (DA) ng binhi bilang subsidiya sa napinsala ng baha.

Ayon kay Lu, sinamantala ng mga magsasaka ang subsidiya upang maitanim agad kaya Nobyembre pa la,ang ay abala na ito sa bukrikin at nabulabog ang mga ibon.

 “Ang argument nila ay anong mas importante, ibon o tao?  Well, tingnan natin kung ano ang epekto nito.  Have we not learned well enough that we better not tamper with nature,” sabi ni Lu sa kanyang mensahe sa Mabuhay na ipinahatid sa pamamagitan ng e-mail noong Martes, Enero 5.

Ang mga magsasaka sa Candaba Swamp karaniwang nagsisimulang magpatuyo ng bukirin at magtanim kung Enero.

Ayon kay Lu, ang maagang pagtatanim ng mga magsasaka sa Candaba ay nakaapekto sa mga ibon kaya;’t lumipat ng lugar ang mga ito.

 “Nabawasan ang feeding area ng mga ibon, therefore the birds have to go elsewhere. I hope it does not stress them out and affect their survival rate,” sabi pa ni Lu.

Kaugnay ng pagbaba ng bilang ng mga dayong ibon sa Candaba Swamp, tumaas naman ang bilang ng mga ibong sa lungsod ng Balanga sa lalawigan ng Bataan.

Ayon sa WBCP, ang mga ibon sa lungsod ng Balanga ay umabot sa 25,935 nitong Enero kumpara sa naitalang bilang na 14,899 noong Enero 2012.

Ang mga nasabing ibon ay namataan sa mga barangay  Tortugas, Lote Itaas, Lote Ibaba at Sibacan-Tuyo.

Bukod rito, sinabi ng PAWB-DENR na marami ding ibong namamataan ngayon sa mga barangay ng Batang I at Batang II sa bayan ng Sasmuan, Pampanga.

Sa kabila ng pagtaas ng bilang mga ibong namamataan sa mga baybaying bahagi ng Gitnang Luzon katulad ng Lungsod ng Balanga, Sasmuan sa Pampanga at Barangay Pamarawan sa lungsod na ito, nilinaw ni Lu na hindi sa mga nasabing lugar lumipat ang mga ibong nawala sa Candaba Swamp.

Sinabi niya sa magkaiba ang sitwasyon sa Candabwa Swamp at sa baybaying dagat ng Gitnang Luzon.

“Candaba is freshwater. Balanga is saltwater.  They may share certain species but these are two different habitats,” paliwanag pa ni Lu.

Nagpahayag din siya ng kasiyahan sa agresibo at seryosong pagtugon ng pamahlaang Lungsod ng Balanga sa pangangalaga sa nga dayong ibong.

Ayon kay Lu, nakikipag-ugnayan sa WBCP ang pamahalaang Lungsod ng Balanga, at kinumbinse pa ng mga ito ang mga namamalaisdaan sa nasabing lungsod na baguhin pamamaraan ng pag-ani ng isada sa palaisdaan kung migration season ngmga ibon na nasasakop ng mga buwan ng Nobyembre, Disyembre, Enero at Pebrero.

Samantala, ipinagmalakai ng lungsod na ito ang plano na higit na palawakin ang mangrove sanctuary nila upang higit na maraming dayong ibon ang mamalagi doon.
Ayon kay Romeo Bartolo, ang nanunuparang fisheries officer ng lungsod na ito, ipagbabawal na rin nila ang pangunguhang itlog ng ibon sa loob ng kanilang may 13-ektaryang mangrove sanctuary sa Barangay Pamarawan.

 Inayunan ito ni Mayor Christian Natividad na nagsabi plano rin nilang gawing isang eco-tourism destination ang nasabing mangrove sanctuary.  Dino Balabo