Sunday, August 18, 2013

“O BuMaHa Ca Pa Pu” at 7 pang bayang laging binabaha sa Bulacan





MALOLOS—Kung ang kalakhang Maynila ay may Camava na kinabibilangan ng mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na madalas sagasaan ng pagbaha, mayroon din grupo ng mga bayan at lungsod sa Bulacan na laging binabaha.

Ngunit hindi lang isang klase pagbaha ang nananalasa sa lalawigan, sa halip ay halos lahat ng klase.

Ang mga grupo ng mga bayan at lungsod na laging binabaha sa Bulacan ay  tinatawag na  “O BuMaHa Ca Pa Pu Mame BoMaBa Guimi.”

Ito ay ang pinagsama-samang unang mga letra ng pangalan ng mga bayan ng Obando, Bulakan, Lungsod ng Malolos, Hagonoy, Calumpit, Pulilan, Marilao, Lungsod ng Meycauayan, Bocaue, Sta. Maria, Balagtas, Guiguinto at San Miguel.

Sa kabuuan, umabot sa 12 bayan at dalawang lungsod sa 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan ang laging sinasagasaan ng baha.

Hindi pa kasama rito ang mga bayan ng Plaridel at Bustos na sa dalawang nagdaang taon ay nakarnas ng pagbaha na isinisisi ng mga magsasaka sa konstruksyon ng Balagtas-Bustos by-pass road.

Ang pinagsama-samang pangalan ng mga binabahang bayan sa lalawigan ay unang nabuo ng mamamahayag na ito may limang taon na ang nakakaraan.


Ngunit iyon ay limitado lamang sa “O Bumaha Ca Pa Pu” o mga bayan ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Calumpit, Paombong at Pulilan.

Sa paglipas ng mga taon, nagdagdagan ang bilang ng mga bayan sa grupo na nagpapahiwatig na higit na lumalawak ang bahagi ng lalawigan na apektado ng ibat-ibang uri ng pagbaha.

Kabilang sa mga uri ng baha ng nagpapalubog sa mga barangay sa iba-ibang bayan at lungsod sa Bulacan ay ang bahang hatid ng bagyo, flash flood o biglaang pagbaha, back flood, high tide at bahang sanhi ng malakas na ulan at pinalulubha ng mga baradong  daluyan ng tubig tulad ng mga kanal.

Ang bahang hatid ng bagyo ay karaniwang tinatampukan ng unti-unting pag-apaw ng tubig sa kailugan at pinalulubha ng pagpapatapon ng tubig mula sa mga dam tulad ng Angat, Ipo, at Bustos Dam.

Apektado nito ang ilang barangay sa bayan ng Bustos, Baliwag, Pulilan at Plaridel na matatagpuan sa gilid ng Ilog Angat.

Ngunit mas apektado mga bayan ng Calumpit at Hagonoy na noong 2011 at 2012 at kapwa lumubog.

Sa mga biglaang pagbaha, apektado ang mga bayan ng San Miguel, Santa Maria, Bocaue at Balagtas, maging ang bahagi ng Marilao at Lungsod ng Meycauayan.


Sa back flood na nagmumula sa mga lalawigan ng Auroa, Tarlac, Nueva Ecija at Pampanga, apektado ang mga bayan ng Hagonoy, Calumpit Pulilan at ilang bahagi ng Baliwag, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel.

Ang back flood ay karaniwang nananalasa limang hanggang pitong araw matapos ang may isang linggong pag-ulan sa silangang bahagi ng Gitnang Luzon.

Sa high tide, ang karaniwang apektado ay ang mga bayang matatagpuan sa baybayin ng Manila tulad ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Paombong, Marilao, Lungsod ng Meycauayan at ilang bahagi ng Bocaue.

Ayon sa mga dalubhasa, ang epekto ng high tide at pinalulubha pa ng land subsidence o paglubog ng lupa sa baybayin ng Manila Bay.

Batay pag-aaral nina Dr. Kelvin Rodolfo at Dr. Fernando Siringan, ang land subsidence ay hatid ng over water extraction of sobrang paghugot ng tubig mula sa ilalim ng lupa.

Ipinaliwanag naman ni Hilton Hernando ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC) na ang  high tide o pagtaas ng tubig sa karagatan ay hatid ng paglausaw ng niyebe sa malalamig na bansa.

Bukod sa mga nabanggit na uri ng baha, nakakaapekto din sa mga bayan at lungsod sa lalawigan ang pagbahang hatid ng malakas na ulan ngunit pinalulubha ng mga baradong kanal at iba pag daluyan ng tubig.

Kabilang sa mga bayang apektado ay ang bayan ng Guiguinto, Plaridel, Bustos, Bocaye, Balagtas at iba pa.

Ang kalagayang ito higit na natampok sa pananalasa ng bahang hatid ng malakas na ulang hatid ng hanging habagat noong nakaraang taon kung kailan, ang mga lugar na dati ay di lumulubog at lumubog sa tubig baha.

Ilan sa mga lugar na ito ay ang bahagi ng Balagtas, Bustos at Plaridel kung saan ay nasalanta ang mga pananim na palay.

Ayon kay Marangal Ruiz, municipal agriculture officer ng Balagtas, sinisisi ng kanyang kababayang magsasaka ang konstruksyon ng Balagtas-Plaridel-Bustos by-pass road.

Ito ay dahil sa napigil ng nasabing by-pass road ang daloy ng tubig dahil sa kapos sa mga box culver ang by-pass road.


Ayon kay Ruiz, “pag-tag-ulan, sobra-sobra ang tubig sa amin, pero wala naman kaming mapagtapunan, pag tag-araw, wala namang tubig.”

Binanggitdin niya na ilang bahagi ng bayan ng Balagtas ay naaapektuhan na rin ng high tide.
Bilang tugon naman sa epekto ng pagbaha, pinplano ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan ang pagpapahukay sa kailugan.

Ayon kay Mayor Ambrosio Cruz ng Guiguinto, kailangang muling mapalalim ang mga kailugan upang may madaluyan ang tubig ulan.

Inayunan din iyon ni Gob. Wilhelmino Alvarado na una nang nagpahayag ng panawagan sa Department of Public Works and Highways na buhayin ang Pampanga River Control System upang pangunahan angpamamahala sa kailugan at mga daluyang tubig. Dino Balabo

Saturday, August 3, 2013

Palaisdaang nilamon ng dagat, kukumpunihin na




HAGONOY, Bulacan—Nagagalak ang mga residente ng islang Barangay Pugad sa bayang ito dahil sa nalalapit na rehabilitasyon ng pambayang palaisdaan na katabi ng kanilang pamayanan.

Ngunit ang kanilang kagalakan ay hindi lamang dahil sa dagdag kita na ihahatid nito sa barangay o kaya ay ang dagdag na oportunidad sa trabaho at hanapbuhay.

Sa halip, higit nilang ikinagagalak ang posibilidad na mabigyan sila ng proteksyon ng itatayong pilapil ng palaisdaan laban sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay.

Ayon kay Ramon Atienza Jr., kapitan ng Pugad, nagkausap sila noong Lunes, Hulyo 22 ni Mayor Raulito Manlapaz at tiniyak sa kanya na masisimulan ang rehabilitasyon ng pambayang palaisdaan bago matapos ang taon.

“Baka daw sa November ay masimulan na,” sabi ni Atienza patungkol sa napipintong rehabilitasyon ng pamabayang palaisdaan na may sukat na 98 ektarya.

Sinabi pa ng kapitan na gagamitan ito ng draga upang mapabilis ang pagtatayo ng pilapil.

Sa pagtatanong ng mamamahayag na ito, nilinaw niya na hindi lamang lambat ang ilalagay sa pilapil, sa halip ay lupa na gagawing dike.

Ngunit ilang residente ng Pugadang nagpahayag ng posibilidad na ang lot number 2 lamang nag propius ng Hagonoy ang isailalim sa rehabiltasyon.

Ang lot number 2 ay ang may sukat na 98 ektarya, at ang lot number 1 ay ang mas malaki na may sukat na 108 ektarya.

Ayon kay Atienza, kapag muling naitayo ang pilapil ng propius na tinatawag na lot number 2, mabibigyan sila ng proteksyon nito sa malalaking alon na hatid ng storm surge kapag tag-ulan.

Ngunit para makumpleto ang proteksyon ng Barangay Pugad sa malalaking alon mula sa Manila Bay, kailangan ding makumpuni ang lot number 1.

Inayunan ito ni Kagawad Alfredo Lunes na nagsabi na halos 10 taon na rin ng abandonahin ng dating namamahala ang dalawang lote ng pambayang palaisdaan.

Dahil sa pag-abandona, napabayaan ang mga palaisdaan at tuluyang dinurog ng alon ang mga pilapil nito.

Sa pagkawasak ng mga pilapil ng propius ng Hagonoy, nalantad sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay ang Barangay Pugad lalo na kung umiihip ang hanging habagat kapag tag-ulan na pinalulubha pa ng epekto ng climate change.

Sa paglalarawan ni Lunes, sinabi niya na ang mga alon mula sa dagat ay humahampas sa bubong ng kanyang bahay na bungalow-typeoisang palapag.

Ang bahay ng kagawad ay matatagpuan sa gilid ng sea-wall dike ng barangay na nakaharap sa Manila Bay.

Hinggil sa napipintong rehabilitasyon, ipinayo ng mga residente ng Pugad pamamaraan sa pagtatayo ng dike na kanilang natutunan sa kanilang mga ninuno.

Ito ay ang pagtutulos ng mga istakang kawayan upang magsilbing pamigil sa putik at mga batong itatambak upang maging pilapil.

Ipinaliwanag nila na kung walang istaka ang itatayong pilapil, madudurog din ito katulad ng isinagawang proyekto sa nasabing barangay na ginugulan lang halos P5-M.

Ito ay ang proyektong pagtatambak sa gilid ng  barangay sa pamamagitan ng draga, ngunit nadurog din ng alon ang itinambak, maging ang tinanim na may 140,000 binhi ng bakawan ay naglaho, kaya nasayang lamang ang perang ginugol sa dalawang proyekto.

Una rito, ipinangako ni Manlapaz sa kanyang pasinayang talumpati noong Hulyo 1 na muli niyang bubuhayin  ang propius ng Hagonoy, ngunit hindi niya sinabi kung lahat ng lote ay kanilang isasailalim sa rehabilitasyon.

Noong nakaraang linggo, pinasimulan ang pagtatambak ng mga lansangan ng Pugad upang itaas iyon maging ang pagdadagdag ng apat na patong ng hollow block sa hanay ng sea wall dike.

Ngunit sa pagmamasid noong Hulyo 23 ng mamamahayag na ito, lumubog sa kasagsagan ng high tide na may lalim na 4.6 feet above sea level ang bahagi ng kalsada na pinatambakan ni Manlpaz.

Sa kabila ng tambak, umabot pa rin sa halos dalawang talampakan ang lalim ng tubig sa  ilang bahagi ng lansangan ng Pugad.

Kaugnay nito, nagpahayag ng tiwala si Bokal Felix Ople sa kakayahan ni Manlapaz na masolusyunan ang problema sa Barangay Pugad.

Sa panayam, sinabi ni Ople na dating alkalde ng bayang ito na ang pamilya ng maybahay ni Manlapaz ay ang pinakamalalaking namamalaisdaan sa bayang ito.

“They have the resources and they can do it,” ani ng Bokal na isa sa mga anak ng yumaong si Senador Blas F.Ople.  (Dino Balabo)

Higit sa P1-M halaga ng tablon, nakumpiska, pero walang naaresto





MALOLOS—Tinatayang mahigit sa P1-Milyon ang halaga ng nakumpiskang tablon o mga tablang tinistis ng mga timber poachers sa Angat at Ipo watershed kaugnay ng pinaigting na kampanya laban dito.

Ngunit sa kabila nito, walang naarestong timber poacher  at wala ring nakumpiskang chainsaw.

Kaugnay nito, nanawagan si Gob. Wilhelmino Alvarado sa mga kongresistang Bulakenyo  para amyendahan batas na sumasakop sa pangangalaga sa kagubatan at punong kahoy upang higit na lagyan iyon ng ngipin.

Batay sa ulat ng Provincial Anti-IllegalLogging Task Force (PAILTF), umabot sa mahigit 20,000 boardfeet ng tablon ang kanilang nakumpiska sa pinaigting na operasyon sa Angat at Ipo watershed.

Ang operasyon ay nagsimula noong Hulyo 16 at nagpatuloy hanggang noong Linggo, Hulyo 21.

Ang pinakuhuling nakumpiska ay ang 3,857 board feet na tablon sa bahagi ng Ipo Watershed sa bayan ng Norzagaray, Bulacan.

Kabilang dito ay mga tinistis na tablon ng lawaan, kamagong, bagtikan at guijo.

Ayon kay Bro. Martin Francisco, ang presyo ng bawat isang board feet ng tablon ay nagkakahalaga ng P50, kaya’t ang 20,000 boardfeet ay nagkakahalaga ng P1-M.

Si Francisco ay ang tagapagtatag ng Sagip Sierra Madre Environmental Society (SSMES) at kasapi ng  PAILTF.

Sa kabila naman ng malaking bilang ng tablon na nakumpiska, wala naarestong timber poacher at wala ring nakumpiskang chain saw ang mga kasapi ng PAILTF.

Ito ay dahil sa diumano’y pagiging sopistikado ng mga timber poachers.

Ayon kay Francisco, malaki ang posibilidad na papasok pa lang sila sa watershed ay naimpormahan na ang mga timber poacher ng kanilang mga tagamasid sa mga Barangay Ipo, San Mateo at San Lorenzo sa bayan ng Norzagaray.

“Mas sopistikado sila ngayon, well financed and well equipped,” ani Francisco patungkol sa mga timber poacher.

Binanggit din niya na sinasamantala ng mga timber poacher ang pagkakaroon signal ng telepono sa kabundukan kaugnay ng pagtatayo ng mga celluar tower ng ilang kumpanya ng telepono sa Hilltop,Norzagaray.

Kaugnay nito, sinabi ni Gob. Alvarado na dapat dagdagan ng ngipin ang mga forestry law sa bansa.

Sinabi niya na makikipag-ugnayan siya sa mga kongresitang Bulakenyo upang isulong ang pagdadagdag ng parusa sa mga taong lumalabag sa batas pangkalikasan.

Tiniyak din ng punong lalawigan na na ipagpapatuloy nila ang pagpapaigting ng kampanya sa pangunguna ng PAILTF.

Ayon sa gobernador, ipinagbabawa ng batas ang pagputol sa mga punong kahoy sa mga watershed katuladng Angat at Ipo Dam watershed na itinakda ng batas bilang “wilderness area.”

Sinabi pa ni Alvarado na pinag-aaralan nila ang pagkansela sa pertmit ng mga sash factory sa Norzagaray, at Lungsod ng San Jose Del Monte na hinihinalang bumibili ng mga ilegal na tablon na nagmula sa watershed.  (Dino Balabo)

Friday, June 28, 2013

Localized weather forecasting, target ng Pagasa






HAGONOY, Bulacan—Malakas ba ang magiging buhos ng ulan sa inyong lugar?

May posibilidad ba ng pagkulog, pagkidlat at pagbaha sa mga susunod na araw?

Ang mga katanungang ito ay malapit ng matugunan ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) dahil sa patuloy na pagpapaunlad ng kakayahan nito salayuning makapaghatid ng localized weather forecasting.

Ang layuning ito ay bahagi ng mas malawak na programang Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH) pinasimulan noong nakaraang taon ng Department of Science and Technology (DOST).

“We will soon be capable of localized weather forecasting,” sabi ni Dr. Flaviana Hilario, deputy head for research and development Pagasa.

Si Hilario ay nagmula sa Barangay Sta.Rita sa bayan ng Guiguinto at nakapanayam sa telepono ng mamamahayag na ito noong nakaraang linggo.

Sa nasabing panayan, ipinaliwang ng dalubahsa na ang localized weather forecasting ay maghahatid ng malaking tulog sa mga lokalna opisyal sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad na hatid ng masungit na panahon.

Ayon kay Hilario, ang local weather forecasting ay naglalayon na matukoy ang kalagayan ng panahon sa isang bayan, lungsod at lalawigan.

Ito ay nasimulan na ng Pagasa sa pamamagitan ng paghahatid ng mga taya sa panahon sa ilang mga lalawigan at bayan sa bansa.

“Very soon, pwede na sa lahat ang localized weather forecasting,” ani Hilario at bibigyang diin na ito ay dahil sa patuloy nilang pagdadagdag ng mga instrumentong makakatulong sa pagtaya ng panahon sa ibat-ibang bahagi ng bansa.

Kabilang dito ay ang paglalagay ng mga Dopple Radar, kasama ang may 200 automatic weather stations (AWS) at 1,000 rain gauges.

Ayon kay Hilton Hernando ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC), ang mga AWS ay bahagi ng early warning system ng gobyerno o mga instrumentong ginagamit sa pagsukat ng ulan upang makapaghatid ng mga babala.

Binigyang diin niya na ang mga instrumentong kaakibat ng AWS ay may kakayahang masukat temperatura, humidity, bilis, lakas at direksyon ng hangin at magi gang bubuhos na ulan.

Ayon pa sa kanya ang mga impormasyong naiipon ng mga instrumento ay inaanalisa nila at ng mga namaumuno sa mga Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).

Kaugnay nito,ang bulang ay mayroon nang dalawang AWS, bukod pa sa 42 rain gauges na nakakalat sa mga istratehikong lugar sa 21 bayan at tatlong lungsod ng lalawigan.

Ayon kay Liz Mungcal, tagapamuno ng PDRRMIO, ang mga nasabing instrumento ang nagsisilbing batayan nila sa pagtaya sa panahon tulad ng ulat at baha sa lalawigan.

Sa tulong ng PRFFWC,inaanalisa nilaangmga impormasyong naipon bago magpahatid ng mga babala sa mga apektadong bayan at pamayanan. (Dino Balabo)