Showing posts with label hagonoy. Show all posts
Showing posts with label hagonoy. Show all posts

Tuesday, July 29, 2014

Mga bahay winasak ng storm surge sa baybayin ng Bulacan


 

HAGONOY, Bulacan—Mahigit 60 na taon nilang inalagaan ang kanilang bahay na itinayo ng kanilang magulang, ngunit sa loob lamang ng dalawang minuto ito ay naglaho.

Ito ang patunay balasik ng malalaking alon na hatid ng storm surge matapos tahakin ng bagyong Glenda ang Manila Bay noong Miyerkoles, Hulyo 16 patungo sa West Philippine Sea.

Sa kabuuan, hindi bababa sa 60 bahay sa mga coastal barangay ng Pugad at Tibaguin ang winasak ng malalaking alon na hatid ng bagyo.

Sa panayam kay Joey Gregorio, 44, ng Barangay Pugad, inilarawan niya kung paano nawasak ang kanilang bahay.

 “Wala kaming nagawa, dalawang minuto lang nawala na yung bahay dahil sa laki ng alon,” aniya at iginiit pa na pati bahay ng kanyang tatlong nakatatandang kapatid na nakatayo sa gilid ng kanilang ancestral house ay  nawasak din ng storm surge.

Ang mga nasabing bahay ay yari sa concrete hollow blocks.

Sa oras ng panayam noong Biyernes, Hulyo 18, tanging tumpok na lamang ng kahoy at nasirang kagamitan ang nalabi sa mga nasabing bahay, bukod sa konkretong comfort room ng bahay ng kuya ni Gregorio.

Sa katabing barangay ng Tibaguin, napaluha si Yolanda Geronimo ng ikuwento kung ano ang nangyari sa kanilang bahay na itinayo may tatlong taon na ang nakakaraan.

“Twenty minutes lang wala na yung bahay namin,”  sabi ng ginang.


Ayon kay Geronimo, ang nawasak nilang bahay ay kapalit lamang ng kanilang bahay na winasak dinng storm surge sa pananalasa ng bagyong Quiel noong 2011.

“Dalawang sunod na po iyan mula noong Quiel,” ani Geronimo habang pinipigil ang luha.

Samantalang, ipinagdadalamhati nina Gregorio at Geronimo ang pagkawasak ng kanilang mga tahanan, nagpasalamat din sila na walang nasawi sa kanilang kapamilya, maging sa kanilang mga ka-barangay.

Gayunpaman, nilinaw nila na ang pananalasa ng storm surge sa kanilang barangay ay dulot ng pagkasira ng may 200 ektaryang pambayang palaisdaan na dati ay nagsisilbing panangga ng dalawang barangay sa malalaking alon mula sa Manila Bay.

Kinatigan naman nina Kagawad Gilbert Tamayo at Alfredo Lunes ng Barangay Pugad ang kanilang pahayag.

Ayon sa dalawang Kagawad ng Barangay, nawasak ang mga pilapil ng pambayang palaisdaan may anim na taon na ang nakakaraan matapos na ito ay mapabayaan.

Dahil dito, hindi nila maiwasan ang mangamba sa tuwing mananalasa ang mga bagyo.

“Natatawag po naming ang lahat ng Santo sa simbahan kapag bumabagyo na dahil walang humaharang sa alon mula sa dagat,” sabi ni Tamayo.


Inayunan din ito nina Kagawad Ariel Dela Cruz at Renato Gregorio.

Katunayan, napaluha din si 60-na taong gulang na si Gregorio habang ikinukuwento ang kaniyang karanasan.

“Napagrabe pong nangyari sa aming barangay.  Animnapung taon na ko dito, ngayon lang nangyari ang ganito,” ani ng Kagawad.

Inilarawan niya na umabot sa mahigit pitong talamapakan ang laki ng mga alon na humapas sa mga tahanan sa baybayin ng Pugad.

Ito ay dahil sa walang humaharang na panangga sa alon.

Iginiit pa ni Gregorio na ang pagkasira ng napabayaang propius ang sanhi ng pananalasa ng alon sa kanilang Barangay.

Dahil dito, iginiit ni Dela Cruz na dapat ay bigyang diin ng mga ahensiya ng gobyerno ang pagbibigay protektsyon sa baybayin ng Bulacan.

“Madalas kasi, sa kabayanan lang nakatutok ang mga proyekto ng mga nasa matataas na posisyon sa gobyerno at nakakalimutan ang mga coastal barangay,” aniya.

“Lalong kailangan namin ang panangga sa alon ngayon, sana ay magjkaroon hg dike okaya ay simulan na ang rehabilitasyon ng propius sa tabi ng Pugad,” sabi dela Cruz.

Kaugnay nito, tiniyak ni Mayor Raulito Manlapaz ng bayang ito na masisimulan ang rehabilitasyon ng nasabing palaisdaan sa Disyembre.


Si Manlapaz ay bumisita sa dalawang barangay upang mamahagi ng relief goods noong Biyernes, o dalawang araw matapos manalasa ang bagyong Glenda.

Inabutan niya ang mamamahayag na ito na noo’y naghahanda ng umalis upang magbalik sa kabayanan ng Hagonoy.

Ayon kay Manlapaz, inihahanda na nila ang pondo para sa rehabilitasyon at nakipag-ugnayan na sila kay Gob. Wilhelmino Alvarado upang hiramin ang dredging machine ng kapitolyo.

Iginiit pa ni Manlapaz kailangan nilang tulong sa pagsasagawa ng rehabilitasyon sa 13-kilometrong coastline ng bayang ito na ang malaking bahagi ay winasak na ng alon.
Dino Balabo

Thursday, March 20, 2014

Libong ektaryang palaisdaan nilamon ng dagat



Napinsalang pilapilng palaisdaan na ginawang fishpen.  Dino Balabo



HAGONOY, Bulacan—Nagpahayag ng pangamba ang mga residente at opisyal ng bayang ito dahil sa patuloy na nilalamon ng Manila Bay ang baybaying bahagi nito.

Apektado na ang halos 800 ektaryang pribadong palaisdaan bukod pa sa mahit 400 ektaryang propius o palaisdaang pag-aari ng pamahalaang bayan ng Hagonoy.

Ayon kay Louie Libao, fishery officer ng bayang ito, ang pagkawasak ng mga pilipil ng 800-ektaryang pribadong palaisdaan ay nagsimula may tatlong taon na ang nakakaraan.

Ito ay nangangahulugan na umaabot sa 266.6 ektarya ng palaisdaan ang nilalamon ng dagat bawat taon, o 22.2 ektarya bawat buwan sa nagdaang tatlong taon.

Sa kasalukuyan, kabilang sa mga palaisdaang nawasak ang pilapil ay matatagpuan sa mga Barangay ng Tibaguin, Pugad, San Roque at San Pascual sa bayang ito.

 Ayon kay Libao, ang mabilis na pagkasira ng mga palaisdaan sa bayang ito ay sanhi ng epekto ng climate change na pinalubha pa ng kapabayaan at pagka-ubos ng mga bakawan at iba pang puno sa baybayin na nagsisilbing panangga sa mga alon.

Inihalimbawa ni Libao ang mahigit sa 400 ektaryang propius ng bayang ito na nilamon ng dagat may anim na taon na ang nakakaraan.

Ang nasabing propius ay dating nirerentahan ng mga malalaking fishpond operator na sila na ring nagsasagawa ng rehabilitasyon sa mga pilapil nito.

Ngunit ng matapos ang kontrata sa renta ng nasabing propius, hindi agad narentahan ito dahil ang nais ng dating punong bayan ng Hagonoy ay maging mas mataas ang renta bawat taon.

Ngunit isa sa argumento ng mga rerentang fishpond operator ay ang malaking gastos sa buong taong rehabilitasyon ng pilapil ng propius.

Ang kalagayang ito, ayon kay Libao ay malaking banta hindi lamang sa kabuhayan ng mga residente at mga namamalaisdaan.

Ito ay banta rin sa mga pamayanan, partikular na samga barangay na malapit sa baybayin.

Inayunan din ito nina Konsehal Elmer Santos at Maximo Crisostomo, ang tagapamuno ng Municipal Cooperative Development Council (MCDC), isa sa mga pangunaging grupo na nagsusulong ng malawakang pagtatanim ng bakawan sa baybayin dagat ng bayang ito.

Iginiit ni Santos ang madaliang rehabilitasyon sa mga palaisdaang nakaharap sa Manila Bay na karaniwang hinahampas ng along kapag tag-ulan.

 Para naman kay Crisostomo, dapat ring magsagawa ng malawakang pagtatanim ng bakawan upang magsilbing proteksyon.

Igininiit pa niya na maging mga pilapil ng mga palaisdaang nasira ay dapat taniman ng bakawan.

Ito ay dahil sa mga nasalantang palaisdaan ay nai-convert na fishpen ng ilang malalaking fishpond operator.

Ito ay sa pamamagitan ng pagbabakod ng mataas na lambat sa paligid ng palaisdaan upang kahit wasak ang ilang bahagi ng pilapil ay mapanatiling nakakulong sa loob ang mga isdang alaga tulad ng bangus, sugpo at iba pang produkto.

Sa kabila naman ng patuloy na operasyon ng palaisdaang ginawang fishpen, nagpahayag din ng pangamba ang maliliit na mangingisda dahil sa epekto ng aqua feeds na ginagamit ng mga operator ng fishpen.  (Dino Balabo)

Saturday, November 16, 2013

Paghahanda sa Angat Dam break, ilalahad sa mga alkalde



 
LA MESA DAM, QUEZON CITY—HUwag nating hintayin ang delubyo bago kumilos, maghanda tayo ngayon.

Ito ang buod ng mensahe ng bumbuo ng Technical Working Group (TWG) para sa paghahanda sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam.

Ang nasabing TWG ay binubuo ng  mga kinatawan mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) kapitolyo, mga opisyal ng National Power Corporation (Napocor) na namamahala sa Angat Dam, Common Purpose Facilities (CPF) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na namamahala sa Ipo Dam.

Kasama rin ang mga kinatawan ng National Irrigation Administration (NIA) na namamahala sa Bustos Dam, Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCop) na nagsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam, at Office of the Civil Defense sa Gitnang Luzon.

Ang mga kasapi ng TWG ay nagpulong sa ikapitong pagkakataon sa La Mesa Dam Novaliches, Lungsod ng Quezon noong Martes, Nobyembre 12 o apat na araw matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa Visayas.

Tampok sa pagpupulong ay ang impormasyong ilalahad nila sa mga alkalde at mga namumuno sa mga Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) sa 21 bayan at talong lungsod sa lalawigan ng Bulacan.

Makakasama rin ang mga kinatawang alkalde at mga opisyal ng DRRMO mula sa mga bayan sa Pampanga na sinasabing maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam.

 Ayon kay Liz Mungcal, pinuno ng PDRRMOng Bulacan,ang paghahanda sa posibilidadng pagkasira ng Angat Dam ay lubhang mahalaga dahil sa lawak ng posibleng maging pinsala nito.

“Hindi pwedeng iilan ang nakakalam sa paghahanda, dapat ay buong lalawigan at lahat ng taong posibleng maapektuhan,” sabi ni Mungcal sa isang panayam matapos ang pulong.

Inihalimbawa niya ang malawakang pinsalang hatid ng bagyong Yolanda sa mga lalawigan sa Visayas.

“Pag malawakan ang disaster, sino ang magre-rescue? Hindi lahat ay matutugunan ng PDRRMO, kailangan handa rin ang mga lokal na pamahalaang mula samga bayan, lungsod at maging mga barangay,” paliwanag niya.

Ayon pa kay Mungcal, mahalaga rin na maunawaan ng taumbayan ang dapat gawin bago dumating ang delubyo, kaya kailangang makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapaliwanag at pagpapabatid sa taumbayan ng mga tamang hakbang.

Hinggil sa pananalasa ng bagyong Yolanda, nilinaw ni Mungcal na hindi sila kumikilos ngayon para sa paghahanda sa pagjkasira ng Angat Dam dahil sa bagyogn Yolanda.

“Noon pang isang taon kami naghahanda at nagpupulong. Katunayan bago pa lumindol sa Bohol noong October 15 ay naka-schedule na yung pulong naming noong October 16; at itong pulong na ito ay naitakda nab ago pa dumating ang Yolanda,” sabi niya.

Gayunpaman, inamin ni Mungcal na ang katatapos na pamiminsala ng bagyong Yolanda ay higit na nagtutulak sa kanila upang pabilisin ang paghahanda ang mga bayan sa Bulacan.

Dahil dito, itinakda nila ang paglalahad ng mga paghahanda sa mga aklade ng Bulacan sa Nobeymbre 21.

Ipinaliwanag pa niya na ang posileng pagkasira ng Angat Dam ay maaaring mangyari anumang oras.

Ito ay dahil na rin sa pag-aaral ng Philippines Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na anumang oras ay maaring gumalaw ang West Valley Faultline at maaaring lumikha ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ayon pa sa Phivolcs, ang nasabing lindol ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng Angat Dam.

Batay naman sa pag-aaral ng Edcop, kapag nasira ang dam, raragasa sa kahabaan ng Ilog Angat Ang 10 hangang 30 metrong lalim ng tubig mula sa Norzagaray hanggang sa bahagi ng Baliwag at Plaridel.

Ang nasabing tubig ay kakalat at tinatayang magpapalubog sa 20 bayan ang lungsod sa Bulacan, pito sa Pampanga at tatlong lungsod sa kalakhang Maynila.

Inaasahang din ang mas mahabang problema sa kalakhang Maynila kapag nasira ang Angat dam dahil sa posibilidad na kapusin ng tubig inumin.

Ito ay dahil sa ang Angat Dam ang pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila. Dino Balabo

Saturday, August 24, 2013

Calumpit at Hagonoy apektado na ng backflood





CALUMPIT, Bulacan—Bukod sa bahang hatid ng pinatapong tubig mula sa dam, pinangangambahan ng ng mga resident eng Calumpit ang Hagonoy ang epekto ng backflood na nagmumula sa Pampanga River.

Ngunit ayon sa mga opisyal ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), magiging maliit lamang ang epkto ng backflood na hatid ng bagyong Maring kumpara sa habagat noong nakaraang taon.

Kaugnay nito, patuloy ang pagmamasid ng Bustos Dam sa taas ng tubig sa dam at sa taas ng tubig sa ilog sanhi ng high tide,kaya’t naging maingat sila sa pagpapatapon ng tubig batay na rin sa payo ni Gob. Wilhelmino Alvarado.

Ayon kay Hilton Hernando, pinuno ng PRFWC, nagsimulang maramdamang ang epekto ng back flood sa Calumpit at Hagonoy noong Miyerkoles, Agosto 21.

Ngunit nilinaw niya na magiging maliit lamang ang epekto nito sa kasalukuyang baha sa mga nasabing bayan,kumpara noong nakaraang taon.

“Mas mababaw ang baha sa Calumpit at Hagonoy kahit na dumating ang back flood,” ani Hernando noong Huwebes, Agosto 22.

Ipinaliwanag niya na ito ay dahil sa mas maraming ulan ang bumuhos sa baybayin ng Bulacan at Pampanga nitiong nakaraang linggo, kumpara noong nakaraang taon.

Batay sa tala ng PRFFWC, sinabi ni Hernando na mas malakas at kalat ang ulan noong nakaraang taon sa bahagi ng silangang Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac at Pampanga.

Inayunan din ito ni Liz Mungcal, ang hepe PDRRMO na nagsabing mula noong Miyerkoles ay nagsimula ng bumuti angpanahon sa Bulacan.

Ipinaliwanag niya na ang pangunahing  baha na nagpalubiog sa bayan ng Calumpit at Hagonoy ay sanhi ng high tide.

Nadagdagan lamang ito ng malakas na buhos ng ulan, kaunting tubig na pinatapon mula sa dam at backflood.

Hinggil sa pagpapatapon ng tubig mula sa Dam,nilinaw ni Inhinyero Prescioso Punzalan ng National Irrigation Administration na skiyang namamahala sa Bustos Dam na unti-unti lamang angkanilang pagpapatapon ng tubig.

Iginiit pa niya na itinatapat nilaito sa pagbaba ng high tide upang hindi masyadong makapekto sa binbahang bahagi ng Calumpit at Hagonoy.

Samantala, nanawagan ng tulong angmga resident eng Sitio Pulo barangay San Jose sa bayan ng Calumpit dahil sa halos talong linggo na silang nakalubog sa baha.

Ito ay nagsimula sapananalasa ng bagyong Labuyo noong  Agosto 12.

Higit pang lumalim ang tubig sanhi ng bagyong Maring noong Agosto 18 hanggang 22

Ayon sa mga residente, sila ang nagsisilbing catch basin ng bayan ng Calumpit.

Kaugnay nito, agad na isinailalim sa  state of calamity ang mga barangay ng Sapang Bayan,Meysulao, Frances, San Miguel sa Calumpit,maging ang buong bayan ng Hagonoy dahil sa pagbaha. (Dino Balabo)