MALOLOS CITY—Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec)
na ang mga pamahalaang lokal ang may kapangyarihan sa pagpapatupad ng paggamit
ng mga eco-firendly campaign materials sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Ito ay kaugnay ng paglulunsad ng eco-friendly campaign
materials sa lungsod na ito noong Marso 5 sa pangunguna ni Mayor Christian
Natividad.
Kaugnay nito, wala pang malinaw na tugon ang mga
kandidatong senador ng Team PNoy at ng United Nationalist Alliance (UNA)
hinggil sa nasabing usapin nang makapanayam ng mga mamama-hayag sa lalawigan.
Ayon kay Abogado Elmo Duque, ang provincial election
supervisor sa Bulacan, sa panahon ng kampanya sa halalan, ang kanilang
responsibilidad ay tukuyin ang mga common poster area at mga lugar na dapat
paglagyan ng mga campaign poster.
Sinabi ni Duque na kung ang pag-uusapan ay kung makakalikasan
o hindi ang mga campaign materials, nasa kapangyarihan iyon ng mga lokal na
pamahalaan.
“Kung may mga local law or ordinances na nagbabawal sa di
makakalikasang campaign materials, sakop iyon ng local government,”ani Duque.
Iginiit pa niya bukod sa pinagtibay na local na batas ay
may mga pambansang batas din na dapat ipatupad ang mga lokal na opisyal.
Kabilang dito ay ang Ecological Solid Waste Act of 2000,
Clean Air Act, Clean Water Act at iba.
Matatandaan na noong 2011, pinagtibay ng sangguniaqng
panlalawigan ang bagong Environmental Code ng Bulacan. Noong nakaraang taon,
pinagtibay din ng SP ang pagbabawal sa paggamit ng plastic sa lalawigan.
Gayunpaman, hindi pa rin naipatutupad ng Kapitolyo at ng
iba pang pamahalaang lokal ang plastic ban at ang kanilang idinadahilan ay wala
pa raw implementing rules and regulation.
Batay sa naunang pahayag ni Mayor Natividad, gagamit sila
ng mga eco-friendly campaign materials sa nalalapit na halalan.
Nilinaw niya na sa halip na tarpaulin na yari sa plastic
ang kanilang gamitin ay gagamit sila ng eco-cloth na karaniwang ginagamit sa
mga eco-shopping bag.
Ayon kay Natividad, kapag halalan,ang mga kandidaton ang
pangunahing lumalabag sa batas pangkalikasan.
Ngunit sa pagtatanong ng Punto kung ipagbabawal ng
pamahalang lungsod ang paggamit ng tarpaulin at iba pang campaign poster na
yari sa plastic,sinabi ng alkalde na hindi muna.
Ito ay dahil daw sa wala namang batas na nagbabawal sa
paggamit ng tarpaulin.
“Pero sa aming grupo, eco-fiendly ang gagamitin namin,”
ani Natividad.
Kaugnay nito, kinapanayam ng mga mamamahayag sa Bulacan
hinggil sa nasabingusapin ang ilang kandidatong senador,partikular na ang mga
nagsusulong ng adbokasiyang makakalikasan.
Kabilang dito sina Miguel Zubiri ng UNA at sina Loren
Legarda at Bam Aquino ng Team PNoy.
Sa pahayag ni Zubiri sa panayam sa Guiguinto, sinabi niya
na pag-uusapan pa nila sa partido ang paggamit ng eco-friendly campaign
materials.
Gayundin ang naging pahayag ni Aquino nang makapanayam sa
Malolos noong Marso 8.
Sa panig naman ni Legarda na isa sa mga unang nagsulong
ng green advocacy, wala siyang naisagot.
Ito ay nanganghulugan na ang mga poster na kanilang
ginagamit ay yari sa tarpaulin.
Batay sa naunang pahayag ni Natividad, ang paggamit ng
tarapaulin ng mga nagsusulong ng green advocacies ay isang kabalintunaan.
“Maraming ganyan, puro green advocacy ang sinasabi pero
tingnan mo ang gamit sa poster puro tarpaulin.
Para naman sa mga tagamasid sa pulitika sa Bulacan, ang
paggamit sa halalan ng makakalikasan materials tulad ng mga eco-friendly
campaign materials ay isang malaking hamon kay Gob. Wilhelmino Alvarado na isa
sa pangunahing nagsulong ng mga programang pangkalikasan sa Bulacan. Dino Balabo