Thursday, March 20, 2014

Kapabayaan mitsa ng pagkaubos ng bakawan


Ang nalalabing hanay ng bakawan sa baybayin ng Barangay Pugad, Hagonoy, Bulacan. Dino Balabo



HAGONOY, Bulacan—Laging nasa huli ang pagsisisi.

Ito ang aral  na ibinahagi ng mga residente ng Barangay Pugad sa bayang ito hinggil sa pagkaubos ng bakawan sa baybayin ng barangay.

Dahil sa pagkaubos ng bakawan, nawasak ang pilapil ng palaisdaang bayan o propius na dati ay nagsisilbing pananggalang ng barangay sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay lalo na kung tag-ulan.

Tinukoy din ng mga residente na lubhang mahalaga para mga mangingisda ang mga bakawan dahil ito ay nagsisilbing itlugan o sangtwaryo ng mga isda.

“Siguro, dahil na rin sa aming kapabayaan kaya naubos ang bakawan dito sa amin,” sabi ni Kagawad Edgardo Baltazar ng Barangay Pugad.

Si Baltazar ay isa sa mga opisyal ng barangay na humarap at nagpaliwanag sa mga mag-aaral ng Bulacan State University (BulSU) kaugnay ng isinagawang Lakbay Coastal na inorganisa ng pamahalaang bayan ng Hagonoy.

Ikinuwento niya na sa mga nagdaang panahon ay makapal ang bakawan sa baybayiong dagat.

Ngunit hindi nagtagal ito ay unti-unting naubos ay ilang tumpok na lamang ang natira.

Ayon kay Baltazar, may mga taong pumutol ng mga bakawan upang ito ay ipanggatong.

Bukod dito, may mga pumutol upang gawin itong bahagi ng kanilang bangka.

“Hindi naming pinansin noon ang pamumutol, marami pa kasi noon ang mga bakawan,” sabi ng kagawad.

Dahil sa pagkaubos ng bakawan, nagpipilit namang magtanim ngayon sa baybayin ng barangay.
 
Ang parola at nalalabing bakawan sa Pugad. Dino Balabo
Ito ay upang magsilbing panangga sa mga alon.

“Kaya ngayon kapag may nag-alok sa amin ng bakawan upang itanim, hindi kami tumatanggagi,” sabi Baltazar.

Bilang patunay, isang grupo ang nagtanim ng bakawan sa baybayoinng barangay isang linggo bago isagawa ang Lakbay Coastal.

Kinumpirma ito nina Kagawad Alfredo Lunes at Maximo Crisostomo, ang pinuno ng Hagonoy Municipal Cooperative Development Council.

Ayon kay Lunes, maging mga mag-aaral ng Bulacan State University at mga kasapi ng ibat-ibang simbahan ay nagsasasagawa ng pagtatanimng bakawan sa kanilang lugar.

Ito ay karaniwang isinagawa mula Nobyembre hanggang tag-araw o buwan ng Marso at Abril.
 
Mga mag-aaral ng BulSU.  Dino Balabo
Ito kasi angmga panahon na ang low tide o mababaw ang tubig sa karagatan, bukod pa sa ang hanging umiihip ay amihan o palayo sa dalampasigan.

Para naman kay Crisostomo, halos dalawang beses isang taon ay nakikiisa ang MCDC sa pagtatanim ng bakawan.

Subalit, marami sa mga itio ay namamatay dahil sa naaanod ng tubig.

Iginiit paniya na maging ang mga namamalaisdaan sa bayang ito ay naghahanap ng bakawan upang maitanim sa pilapil ng palaisdaan upang iyon ay hindi mapinsala ng alon.

Una rito, pinlano ni Gob. Wilhelmino Alvarado na magtanim ng daan libong bakawan sa baybayin ng Pugad.

Ito ay dahil samay inialokna donayasyong bakawan ang Eco-Shield Development Corporation na bakawan sa kapitolyo noong huling bahagi ng 2012.

Ngunit ang nasabing plano ay hindi natuloy at hindi naitanim ang donasyong bakawan ng Eco-Shield.  Dino Balabo

Libong ektaryang palaisdaan nilamon ng dagat



Napinsalang pilapilng palaisdaan na ginawang fishpen.  Dino Balabo



HAGONOY, Bulacan—Nagpahayag ng pangamba ang mga residente at opisyal ng bayang ito dahil sa patuloy na nilalamon ng Manila Bay ang baybaying bahagi nito.

Apektado na ang halos 800 ektaryang pribadong palaisdaan bukod pa sa mahit 400 ektaryang propius o palaisdaang pag-aari ng pamahalaang bayan ng Hagonoy.

Ayon kay Louie Libao, fishery officer ng bayang ito, ang pagkawasak ng mga pilipil ng 800-ektaryang pribadong palaisdaan ay nagsimula may tatlong taon na ang nakakaraan.

Ito ay nangangahulugan na umaabot sa 266.6 ektarya ng palaisdaan ang nilalamon ng dagat bawat taon, o 22.2 ektarya bawat buwan sa nagdaang tatlong taon.

Sa kasalukuyan, kabilang sa mga palaisdaang nawasak ang pilapil ay matatagpuan sa mga Barangay ng Tibaguin, Pugad, San Roque at San Pascual sa bayang ito.

 Ayon kay Libao, ang mabilis na pagkasira ng mga palaisdaan sa bayang ito ay sanhi ng epekto ng climate change na pinalubha pa ng kapabayaan at pagka-ubos ng mga bakawan at iba pang puno sa baybayin na nagsisilbing panangga sa mga alon.

Inihalimbawa ni Libao ang mahigit sa 400 ektaryang propius ng bayang ito na nilamon ng dagat may anim na taon na ang nakakaraan.

Ang nasabing propius ay dating nirerentahan ng mga malalaking fishpond operator na sila na ring nagsasagawa ng rehabilitasyon sa mga pilapil nito.

Ngunit ng matapos ang kontrata sa renta ng nasabing propius, hindi agad narentahan ito dahil ang nais ng dating punong bayan ng Hagonoy ay maging mas mataas ang renta bawat taon.

Ngunit isa sa argumento ng mga rerentang fishpond operator ay ang malaking gastos sa buong taong rehabilitasyon ng pilapil ng propius.

Ang kalagayang ito, ayon kay Libao ay malaking banta hindi lamang sa kabuhayan ng mga residente at mga namamalaisdaan.

Ito ay banta rin sa mga pamayanan, partikular na samga barangay na malapit sa baybayin.

Inayunan din ito nina Konsehal Elmer Santos at Maximo Crisostomo, ang tagapamuno ng Municipal Cooperative Development Council (MCDC), isa sa mga pangunaging grupo na nagsusulong ng malawakang pagtatanim ng bakawan sa baybayin dagat ng bayang ito.

Iginiit ni Santos ang madaliang rehabilitasyon sa mga palaisdaang nakaharap sa Manila Bay na karaniwang hinahampas ng along kapag tag-ulan.

 Para naman kay Crisostomo, dapat ring magsagawa ng malawakang pagtatanim ng bakawan upang magsilbing proteksyon.

Igininiit pa niya na maging mga pilapil ng mga palaisdaang nasira ay dapat taniman ng bakawan.

Ito ay dahil sa mga nasalantang palaisdaan ay nai-convert na fishpen ng ilang malalaking fishpond operator.

Ito ay sa pamamagitan ng pagbabakod ng mataas na lambat sa paligid ng palaisdaan upang kahit wasak ang ilang bahagi ng pilapil ay mapanatiling nakakulong sa loob ang mga isdang alaga tulad ng bangus, sugpo at iba pang produkto.

Sa kabila naman ng patuloy na operasyon ng palaisdaang ginawang fishpen, nagpahayag din ng pangamba ang maliliit na mangingisda dahil sa epekto ng aqua feeds na ginagamit ng mga operator ng fishpen.  (Dino Balabo)