Monday, January 21, 2013

Malawakang pagtatanim ng bakawan ikinakasa ng kapitolyo



MALOLOS—Libo-libong Bulakenyo kabilang ang mga mag-aaral at kasapi ng ibat-ibang priobadong samahan ang inaasahang makikilahok sa malawakang pagtatanim ng bakawan sa baybayin ng lalawigan.

Sa kasalukuyan, matatapos na anf planong inihahanda ng kapitolyo para sa pagpapatupad ng proyektong nakadisenyo sa proteksyon ng mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan.

Samantala, nakatakda namang magsagawang isang fund raising campaign ang Sigla Movement of the Philippines (SMP) bilang suporta sa nasabing proyekto kaugnay ng panawagan samga kandidato sa halalan sa Mayo na isama sa kanilang plataporma ang pangangalaga at pagpapaunlad sa mga barangay sa tabing dagaty na karaniwang nakakalimutan.

Ayon kay Gob. Wilhelmino Avarado, aabot sa 300,000 binhi ng bakawan ang nakahandang itanim ng kapitolyo sa taong ito.

Ang mga nasabing binhi ay donasyon ng Eco-Shield Corporation, ang kumpanya nangunguna sa pagtatayo ng Bulacan sanitary landfill sa barangay Salambao sa bayan ng Obando.

Sa kanyang pahayag sa Radyo bulacan noong Sabado, Enero 12, sinabi ng punong lalawigan na ang unang dalawang buwan ng taon ang tamang panahon sa pagtatanimng bakawan.

“The months of January and February are the best time to plant mangroves on the coast of Manila Bay because we still have the northeast monsoon winds or amihan,”  ani Alvarado sa kanyang luingguhang palantuntunang isinasahimpapawid sa Radyo Bulacan tuwing Sabado.

Ipinaliwanag niya na kung buwan ng Enero at Pebrero, ang hanging amihan ay umiihip sa direksyong palayo sa dalamapasigan ng Manila Bay.

Kung kalagitnaan naman ng taon, ang direksyon ng ihip ng hanging habagat ay patungo sa dalampasigan kaya’t ang alon ay humahampas doon at posibleng mapinsala ang mga bagiojng tanim na binhi ng bakawan.

Bilang isang beterano sa larangan ng pamamalaisdaan, iginiit ng gobernador na mas malaki ang posibilidad ng ma mabuhay ang mga binhi na itinanim sa unang dalawang buwan ng taon dahil mas mababa ang tubig sa araw o low tide.

Ito ay inayunan din nina Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Puigad sa bayan ng Hagonoy na nagsabing kung mas maagang maitatanim ang mga binhi ng bakawan ay malaki ang psobilidad na mabuhay ito dahil sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan ay nakakapit na ang mga ugat nito sa lupa.

Dahil sa nalalapit na ang pagbabago ng ihip ng hangin o ang pagdating ng hanging habagat, sinabi ni Alvarado na dapat madaliin ang pagtatanim.

“We really have to accelerate the transplanting to ensure high survival rate of the seedlings,” aniya.

Dahil dito, itinalaga niya si Provincial Administrator Jim Valerio bilang tagapamuno ng isang Task Force na mangunguna sa pagtatanim ng bakawan, na siya ring makikipag-ugnayan sa mga non-governmental organizations NGO at kinatawan ng iba pang sektor.

Sa mas naunang panayam ng Mabuhay kay Valerio noong Miyerkoles, Enero 9, sinabi niya na kakailanganin nila ng tulong ng mga mag-aaral mula sa ibat-ibang pamantasan sa lalawigan para sa pagtatanim.

Bukod dito, sinabi niya na nakikipag-ugnayan na rin siya sa ibat-ibang samahan o NGO para sa pakikilahok sa nasabing proyekto.

Nagpahayag naman ng pagsuporta at pakikiisa ang Sigla Movement of the Philippines (SM) sa nasabing proyekto.

Ayon kay Gorssman Dax Uy, tagapangulo ng ng SMP, napapanahon ang pagtatanim ng bakawan dahil sa unti-unting nasisira ng malalaking alon mula sa dagat ang mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan.

Batay sa impormasyong naipon ng SMP, sinabi ni Uy na sa loob ng nagdaang 10 taon, mahigit sa 100 ektaryang palaisdaan sa baybayin ng Bulacan ang napinsala at lumubog dahil sa nadurog ng mga alaon ang mga pilapil nito.

Ayon kay Uy, ang pagkadurog ng mga pilapil ng palaisdaan ay dahil sa unti-unting pagkaubos ng mga puno ng bakawan na nagsisilbing panangga sa mga alon.

 “Bumibilis ang pagkasira ng mga palaisdaan at barangay sa coastal area ng Bulacan dahil sa nauubos din ang mga bakawan kaya kailangang magtanim uli tayo,” ani Uy.

Dahil sa kalagayang ito, sinabi ni Uy na magsasagawang isang fund raising campaign ang SMP para makaipon ng pondo na gagamitin sa pagtustos sa pagtatanim ng bakawan.

Ipinagmalaki naman ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito na umabot na sa mahigit 10,000 binhi ng bakawan ang kanilang naitanim sa baybayin ng Malolos, Paombong at Hagonoy mula noong 2010.

Inilarawan ni natividad ang nasabing proyekto bilang “tagumpay” dahil sa pakikisa ng mga resident eng baybayin ng Malolos at mga mangigisda.

Iginiit pa niya na patuloy ang kanilang pagtatanim dahil may sariling mangrove nursery ang pamahalaang lungsod ng Malolos.

Samantala, nanawagan sa kapitolyo ang mga residente ng mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan bigyan ng pantay na pagtingin ang mga Bulakenyong nakatira sa baybayin ng lalawigan.

Ito ay dahil sa mas maraming proyekto ang ipinapatupad sa mga kabayan kumpara sa mga dulong barangay katulad sa coastal area.

Ayon sa mga resident eng barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy, higit ang pangangailangan nila sa kalinga ng kapitolyo ngayon dahil nararamdaman na nila ang epekto ng climate change.

Inihalimbawa nila ang pagtaas ng tubig mula sa dagat o high tide at malalaking alon kung may bagyo o storm surge bilang epekto ng climate change.  (Dino Balabo)

Wednesday, December 5, 2012

Kontribusyon ng aqua feeds sa polusyon sa kailugan, kinumpirma


 MALOLOS—Kinumpirma ng mataas na opisyal ng samahan ng mga namamalaisdaan sa Gitnang Luzon na nakakaapekto sa kalidad ng tubig sa kailugan ang sobrang paggamit ng aqua feeds.

Kaugnay nito, iginiit din ng opisyal na matapos ang isang taon ay hindi pa naibibigay ng Department of Agriculture (DA) ang makinaryang kanilang hiniling para sa rehabilitasyon ng mga palaisdaang napinsala ng pagbahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011.
Ayon kay Lito Lacap, pangulo ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (ISDA), hindi lingid sa kanilang hanay ang epekto ng sobrang paggamit ng aqua feeds sa industriya ng pamamalaisdaan partikular na sa Bulacan.

Sinabi niya na “na-realize din ng mga kasama naming ang epekto nito sa kalidad ng tubig at pamamalaisdaan.”

Dahil dito, marami sa mga kasapi ng ISDA ay unti-unting nagbabalik sa tradisyunal na pamamaraan sa pamamalaisdaan.

“Totoo na nakakaapekto yung aqua feeds, kaya marami sa amin ngayon ang sumusunod sa ipinapayo ng Bureau of Fisheries ang Aquatic Resources (BFAR),” ani Lacap.
 
Kabilang sa mga payo ng BFAR sa mga namamalaisdaan ay ang pagbabawas ng isdang inihuhulog sa palaisdaan o reduction of stocking density.

Ito ay upang hindi masyadong marami ang aqua feeds na gagamitin sa pagpapalaki ng isda katulad ng bangus at tilapia.

Bukod dito, ipinayo na rin ng BFAR ang salitang paggamit ng tradisyunal na pamamaraan sa pamamalaisdaan at intensive fish farming na nangangailangan ng mas maraming aqua feeds.

Ayon kay Lacap, nauunawaan na ng mga namamalaisdaan na ang patuloy na polusyon sa kailugan sanhi ng sobrang paggamit ng aqua feeds ay makakasira sa industriya.

Una rito, ibinulgar ng mas maliliiit na namamalaisdaan sa bayan ng Hagonoy na isa sa nagiging sanhin ng polusyon sa kailugan ay ang sobrang paggamit ng aqua feeds ng mga palaisdaang mahigit sa 100 ektarya ang sukat.

Ayon kay Pedro Geronimo, isang beteranong namamalaisdaan, mas daig ng polusyong hatid ng aqua feeds ang polusyong hatid ng basurang hindi nasinop.

Inayunan din ito ni Patrocinio laderas, ang dating Bokal ng lalawigan na beterano rin sa pamamalaisdaan.

Dahil sa patuloy na polusyon sa kailugan, unti-unti namang bumaba ang kabuuang produksyon sa isda ng Bulacan mula 2004 hanggang 2011.

Batay sat ala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), ang kabuuang produksyonng isda ng Bulacan noong 2004 ay  umabot sa 53,804.3 metriko tonelada ngunit ito ay bumaba sa 40,790.91 metriko tonelada noon 2011.

Kaugnay nito, idinaing ni Lacap na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naipapagkakaloob ng DA ang hiniling nilang makinarya para sa rehabilitasyoh ng mga pilapil ng palaisdaan na napinsalang ng bahang hatid ng bagyong Pedring noong nakaraang taon.

Kabilang sa mga makinaryang hiniling ng ISDA kay Agriculture Secretary Proceso Alcala noong nakaraang taon ay ang mga crane at backhone na magagamit sa pagpapalalim ng ilog.

 Binigyang diin niya na bukod sa rehabilitasyon ng mga pilapil, ang mga makinarya ay magagamit din sa pagpapatibay ng mga ito at pagapapalalim sa mga kailugan upang mas mabilis na mapalabas ang tubig baha sa dagat.

“Kung naibigay lang yung equipment, naging mas matibay sana ang mga palaisdaan sa pagbaha nitong Agosto,” ani Lacap.

 Matatandaan na sa pagbisita ni Alcala sa lalawigan matapos ang pananalasa ng bahang hatid ng bagyong Pedring noong nakaraang taon ay iginiit nila na lubhang kailangan nila ng mga nasabing makinarya.

Sa kanyang pahayag kay Alcala, sinabi pa ni Lacap noong nakaraang taon na nakahanda rin sila na gastusan ang suweldo ng operator at krudo na makokonsumo ng mga makinarya.  (Dino Balabo)

Friday, October 26, 2012

Dagdag na instrumento para sa babala kasama sa rehabilitasyon ng dam



Angat Dam

MALOLOS— Sasangkapan ng mga instrumentong gamit sa paghahatid ng babala angang nalalapit na pagkukumpuni sa Angat Dam, ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado.

Bukod sa mga instrumento, inilahad din ng punong lalawigan ang plano sa pagpapatibay sa mga pampangin ng Ilog Angat sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga kongretong dike o riprap.

Layunin ng pagkukumpuni sa dam ay mapatibay ito at maihanda sa inaasahang malakas na lindol at maging sa malakas na pag-ulan na tinawag na probable maximum flood (PMF).

Sa kanyang lingguhang palatuntunang isinahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado, Oktubre 14, sinabi ni Alvarado na nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino ang paglalabas ng pondong P5.7-Bilyon para sa pagkukumpuni ng dam.

Nilinaw niya na kasama sa paggugugulan ng nasabing pondo ay ang pagdadagdag ng mga instrumentong gamit sa early warning system o paghahatid ng panunang babala sa mga mamamayan.

Kabilang sa mga instrumentong idadagdag ay ang mga raingauge na magagamigt sa pagsukat ng buhos ng ulan at mga weather stations na may kakayahang sumukat sa antas ng temperatura at lakas ng ihip ng hangin.

Ang mga nasabing instrument ay lubhang kailangan sa patukoy ng kalagayan ng panahon na maaaring maging sanhi ng pagbaha sa lalawigan lalo kung darating ang pinangangambahang PMF.

“Importante ang mga rain gauge at weather stations sa ating pagtaya ng panahon,” ani Alvarado.

Bukod rito, sinabi niya na pauunlarin ang mga kasalukuyang linya ng telekomunikasyon tulad ng telepono at mga radyo.

Hinggil sa mga pampang ng Ilog Angat sinabi ni Alvarado na magtatayo ng mga kongkretong dike, partikular na sa mga lugar na mababa kung saan ay umaapaw ang tubig mula sa ilog.

Ayon pa sa gobernador, ang pagpapatibay ng pampang ilog at isang pagahahanda rin sa posibilidad ng pagguho o pagkaagnas ng lupa doon.

“Nagpapasalamat ang Bulacan  kay Pangulong  Aquinosa pagdinig sa ating karaingan at pagbibigay ng pondo para sa rehabilitasyon ng dam,” ai ng punong lalawigan.

Iginiit niya na matagal din siyang nag-ingay san a nasabing usapin ngunit hindi binigyang pansin ng pamahalaang pambansa.

“Congressman pa ko nuong una kong tinawag ang pansin ng Malakanyang pero walang nangyari.  Mabuti na lang at binigyang pansin ni Pangulong Noynoy (Aquino),” ani Alvarado.

Nagpasalamat din siya kay Arkitekto Gerry Esquivel, ang administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na nagbigay ng suporta sa Bulacan upang makumbinse ang Pangulo na pondohan ang proyekto.

Sa mas naunang panahayag ni Esquivel, sinabi niya na ang lubhang mahalaga ns makumpuni ang Angat Dam dahil batay sa mga pag-aaral ay nakaupo ito di kalayuan sa West Valley Fault Line system na kung gagalaw ay lilikha na lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ayon kay Esquivel, kapag nasira ng lindol ang dam ay mawawalan naman ng tubig ang kalakhang Maynila na isa sa kanilang pinangangambahan.

Engineer Rodolfo German
Kaugnay nito, inihayag ni Inhinyero Rodolfo German ng Angat River Hydro Electric Power Plant ng (Arhepp) ng National Power Corporation (Napocor) na namamahala sa dam na sisimulan sa buwang ito ang pagsusubasta para sa pagkukumpuni.

Ayon pa kay German, inaasahang masisimulan sa Enero ang pagkukumpuni na  matatapos sa 2017.

Ang Angat Dam ay itinayo noong dekada 60 at ito ang pinagkukunan ng 97 porsyento ngtubig inumin ng kalakhang Maynila, bukod pa sa pagpapatubig sa 28,000 ektaryang bukirkin sa Bulacan at Pampanga.

Ang Arhepp naman na aymay kakayahang lumikha ng 246 megawatt ng kuryente na pinadadaloy sa Luzon Grid ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na siyang naman pinagkukunan ng Meralco ng kuryente na pinadadaloy sa bawat tahanan. (dino balabo)

Tuesday, October 16, 2012

Gawad Kalasag 2012 nasungkit ng Bulacan

 
LUNGSOD NG MALOLOS—Tinanggap ng Bulacan ang pambansang parangal na Gawad Kalasag para sa Best Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa taong 2012 noong Miyekroles, Oktubre 9.

Ang parangal ay pormal na tinanggap nina Gob. Wilhelmino Alvarado at Bise Gob. Daniel Fernando mula kina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, Defense Secretary Voltaire Gazmin, ang pinuno ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Undersecretary Benito Ramos, ang punong tagapagpaganap nito.

Ang parangal ay ipinagkaloob sa simpleng seremonya sa Armed Forces of the Philippines Commissioned Officers’ Club sa loob ng Camp General Emilio Aguinaldo sa Lungsod ng Quezon ay nakasabay ng paglulunsad ng National Disaster Risk Reduction and Management Plan para sa taong 2011-2028.

Ang nasabing plano ay naglalayon na maipatupad ang Republic Act No. 10121 of 2010 na nagtakda ng mga basehang legal para sa mga polisiya, plano at mga programa sa pagtugon ng bansa sa mga kalamidad.

Ayon kay Alvarado, ang parangal ay isang pagkilala ng pamahalaang pambansa sa kahusayan ng lalawigan sa disaster risk reduction and management at sa epektibong pagbibigay direksyon sa mga lokal at ahensiya ng pamahalaang pambansa hinggil pagpapatapon ng tubig mula sa mga dam sa lalawigan.

Matatandaan na muling lumubog sa malawak na pagbaha ang malaking bahagi ng lalawigan nitong Agosto matapos ang pagbuhos ng malakas na ulan na hatid ng hanging habagat.

Dahil dito, agad tinutukan ni Alvarado ang pagpapatapon bg tubig ng Angat, Ipo at Bustos Dam upang maiwasan ang mas malalaim na baha sa Hagonoy at Calumpit. Ito ay dahil sa ang dalawang bayan ay dinadaluyan ng tubig na nagmumula sa Ilog ng Pampanga.

Dahil sa kalagayang ito, pinigil ni Alvarado ang maagang pagpapatapon ng tubig mula sa Angat Dam upang mapababa muna ang tubig na nagmula sa Ilog ng Pampanga na kaugnay ng Candaba Swamp.

Ayon sa punong lalawigan, ang pansamantalang pag-antala ng pagpapatapon ng tubig mula sa dam at pagpaparaan ng tubig na galing sa Ilog ng Pampanga ay nakakatulad ng pagpapadaloy ng trapiko.

Binigyang diin niya na upang hindi tuluyang lumalim ang baha sa Hagonoy at Calumpit, kinailangan muna na magpalipas ng ilang araw bago magpawala ng tubig ang Angat Dam.

Sa kabila nito, binigyang diin ng punong lalawigan ang di mapigil na pag-abuso sa kalikasan sa lalawigan, partikular na kabunduan na siyang isa sa mga dahilan ng pagbaha.

“Ang pinakamalaking kalamidad sa buhay ng tao ay ang araw-araw at oras-oras na pagpatay natin sa ating Inang Kalikasan tulad ng paglason sa dagat at ilog, pagsinsil sa kabundukan na parang nagpapalaki na lang ng isang aksidenteng inaantay na lamang na maging kalamidad tulad ng pagbaha at paglindol.

And in Bulacan, we are working together in good faith na mapagtagumpayang maprotektahan ang Bulacan laban sa mga kalamidad na nilikha ng tao,” sabi ng gobernador.

Hinggil sa parangal na tinanggap ng lalawigan, sinabi niya na magsisilbing inspirasyon ito sa PDRRMC lalo na at ang lahat ay may pananagutan at responsibilidad na hindi matatakasan sa panahon ng kalamidad.

Sabi pa ng gobernador, kapit-kamay na nagtatrabaho ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at lokal na komunidad at mga opisyal sa paghahanda laban sa kalamidad bukod sa patuloy na binabantayan ng kapitolyo ang estado ng mga kailugan at watershed na ayon sa kanya ay maaaring makaapekto sa pagbaha sa tuwing may malakas na bagyo o pag-ulan sa nasabing lalawigan.

Saturday, October 13, 2012

ANGAT REHAB: Bagyo mas pinangangambahan kaysa lindol




Angat Dam sa Hilltop, Norzagaray, Bulacan

NORZAGARAY, Bulacan—Mas nangangamba sa malakas na buhos ng ulan na hatid ng bagyo ang mga namamamahala sa Angat Dam sa bayang ito kaysa lindol.

Nilinaw din ng opisyal na ito ang pangunahing dahilan kung bakit isasailalim sa rehabilitasyon ang dam na inaasahang masisimulan sa 2013 at matatapos sa 2017.

Ang pagsusubasta para sa rehabilitasyon ng Angat Dam ay sisimulan sa buwang ito.  Ang rehabilitasyon na pinondohan na ng Malakanyang ay nagkakahalaga ng P5.7-Bilyon.

Ayon kay Inhiyero Rodolfo German, ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) na siyang namamahala sa dam, matibay ang Angat Dam at hindi basta masisira ng lindol na ihahatid ng paggalaw ng west valley fault line system.

Tinatayang aabot sa magnitude 7.2 ang lakas ng lindol na lilikhain ng paggalaw ng nasabing fault line.

Ngunit sa kabila nito, sinabi ni German na ang mas pinangangambahan nila ay ang probable maximum flood (PMF) na posibleng magbuhos ng ulan na aabot sa mahigit 12,000 cubic meters per second (CMS).

“Kung lindol lang ay kaya ng dam, pero yung PMF ang kinakabahan kami,” ani German.

Ipinaliwanag niya na ang PMF ay nakabatay sa pinakamalakas na pag-ulan na darating sa loob ng susunod na 10,000 taon.

Sa kasalukuyan, ang Angat Dam ay nakadisensyo para sa 5,800 cms na PMF sa loob ng 5,000 taon.

Subalit ang disenyong ito ay nalampasan na ng malakas ng ulan na hatid ng mga bagyong Winnie aty Yohyong noong nobyembre at Disyembre 2004.

Ayon kay German, umabot sa 11,000 cms ang tubig ulan na dumaloy sa Angat Dam sa panahon ng pananalasa ng magkasunod na bagyo noong 2004.

Matatandaan na sa pananalasa ng mga nasabing bagyo, naging dahilan ito upang mabarahan ng mga troso, putik at malalaking tipak ng bato ang 13 kilometro Umiray-Angat Transbasin tunnel.
Inhinyero German

“Yung PMF ang pangunahing dahilan kung bakit magkakaroon ng rehabilitation ang Angat Dam,’ ani German.

Ipinaliwanag niya na bahagi ng P5.7-Bilyong rehabilitasyon ng dam ay ang pagpapalapad sa mga matatarik na dike nito at konstruksyon ng dagdag na spillway.

Sa kasalukuyan, ang 45 taong Angat Dam ay may isang spillway  na may tatlong gate.  Ito ang ginagamit para sa mabilisang pagpapatapon ng tubig sa Ilog Angat.

Ayon kay German, kung darating ang PMF na magbubughos ng ulan na may 12,000cms, ang itatayong auxiliary spillway ng dam ay kanilang bubuksan para sa mabilisang pagpapatapon ng tubig.

Ito ay upang mabawasana ng tubig sa dam at maiwasan ang posibilidad ng pagkasira ng mga dike nito kung sakaling aapaw sa ibabaw ang tubig palabas.

 “It will be safe for another 10,000 years, but we have to pray that there will be no PMF during the construction,” ani German patungkol sa dam kapag natapos ang rehabilitasyon.

Hinggil naman sa posibilidad na pagkasira ng dam kung lilindol ng may lakas na 7.2 magnitude,”muling iginiit ng inihinyero na matibay ang dam.

“Angat Dam is designed to withstand that earthquake,” aniya at iginiiit na matapos ang dalawang malalakas na lindol sa kasysayan ng dam, hindi ito napinsala.

Ang kanyang tinutukoy ay ang malakas na lindol noong 1969 na naging sanhi ng pagguho ng Ruby Tower; at ang lindol noong Hulyo 16, 1991 na naging sanhi ng pagguho ng mga gusali sa mga Lungsod ng Baguio at Cabanatuan sa Nueva Ecija.
(Dino Balabo)