Saturday, September 8, 2012

Hindi lahat ng tubig na nagpalubog sa Hagonoy at Calumpit ay nagmula sa Candaba Swamp





HAGONOY, Bulacan—Hindi lahat ng tubig na nagpalubog sa bayang ito at sa Calumpit noong ikalawang linggo ng Agosto ng Agosto ay nagmula sa Candaba Swamp sa Pampanga.

Ito ang paliwanag ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning System (PRFFWC) na ipinadala sa Mabuhay noong Agosto 16.

Iginiit naman ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), na “hindi sa Candaba Swamp ang backflooding dahil hindi ito umapaw.”

Ngunit para sa mga residente ng bayang ito at ng Calumpit, ang Candaba Swamp at Ilog ng Pampanga ay iisa ang kahulugan dahil sa pananaw na ang bahagi ng kailugan ay dumaan sa bahagi ng Candaba Swamp.

“Not all flooding in your area is attributed to Candaba Swamp, ani Hilton Hernando ng PRFFWC na nakabase sa Lungsod ng San Fernando sa Pampanga sa isang email na ipinahatid sa Mabuhay noong Agosto 16.

Ipinaliwanag niya na bago lumubog sa backflood ang Hagonoy at Calumpit noong Agosto10 ay mababa ang tubig sa Candaba Swamp.

Sa tulong ng mapa, ipinakita ni Hernando sa Mabuhay ang kinalalagyan ng Candaba Swamp at ipinaliwanag na sa kabila na ang bahagi ng Ilog ng Pampanga ay naka-ugnay doon, hindi basta tumataas ang tubig sa Swamp.

Ayon kay Hernando at sa mapang kanyang ipinakita, higit na tataas ang tubig sa Swamp kung ang Ilog ng Pampanga ay aapaw sa bahagi ng Cabiao Floodway sa Nueva Ecija, at ang tubig sa Ilog ng Pampanga sa bahagi ng bayan ng Arayat ay aabot sa 9.5 meters.

Idinagdag niya na ang tubig na nagpalubog sa Calumpit at Hagonoy ay dahil sa pag-apaw ng Ilog ng Pampanga sa bahagi ng Calumpit.

“Hagonoy is flooded thru the spill-over of Pampanga River at Calizon (Calumpit) corresponding to an estimated level at Sulipan gauge station at above 3.60 to 3.65 meters,” ani  Hernando.

Ang Cabiao Floodway at bayan ng Arayat ay matatagpuan sa hilaga ng Candaba Swamp, samantalang ang Sulipan na bahagi ng Apalit, Pampanga, at ang Barangay Calizon sa Calumpit ay nasa timog kanluran ng Candaba Swamp.

Batay pa rin sa mapang ipinagkaloob ni Hernando,  ipinakita niya na maraming ilog ang dumadaloy sa Ilog Pampanga na ang dulong itaas ay nasa Nueva Ecija, ang dulong ibaba ay nasa Manila Bay.

Ayon kay Hernando, sa silangan ng Candaba Swamp ay makikita ang mga Ilog ng Bulu at Maasim na matatagpuan sa mga bayan ng San Miguel at San Ildefonso ayon sa pagkakasunod.

Sa hilagang kanluran naman ng Swamp ay ang Rio Chico na dumadaloy mula
sa Tarlac at Nueva Ecija.

Ayon kay Hernando higit na problema ang hinaharap kapag
nagakasabay-sabay na umapaw ang mga nasabing ilog kasama ang mga Ilog
ng Coronel at Penaranda sa Nueva Ecija, at ang Ilog Angat.

Ito ay dahil sa ang mga tubig na dumadaloy sa Ilog ng Pampanga at
Angat ay nagsasalikop sa bahagi ng Calumpit bago maghiwalay patungo sa
Manila Bay.

Ang tubig na dumadaan sa Bulacan ay dumadaloy sa labangan Channel at Ilog Angat sa bayan ng Hagonoy; samantalang ang dumadaloy sa Pampanga pababa ng Manila Bay ay dumadaan sa bahagi ng Macabebe at Masantol.

Batay sa karanasan, kapag dumadaloy na antub og sa mga nasabing ilog, lalong tumatagal ang pagbaha sa mga bayan sa baybayin ng Manila Bay kapag nasalubong ito ng high tide at ng malakas na hanging habagat na naghahatid ng malalaking alon na nakakapagpabagal sa paglabas ng tubig
sa Manila Bay.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Liz Mungcal, hepe ng PDRRMO na hindi sa Candaba Swamp nagmula ang tubig na nagpalubog sa Hagonoy at Calumpit.

Ngunit para sa mga residente ng bayang ito at ng Calumpit halos magkasingkahulugan ang Candaba Swamp at Ilog ng Pampanga.

Binigyan diin ng ilan na pamilyar sa mapa ng Ilog ng Pampanga na ang bahagi ng ilog ay dumadaloy sa Candaba Swamp.

Una rito, binatikos ng ilang residente ang PDRRMO dahil sa kakulangan ng babala hinggil sa posibilidad ng back flood noon ikalawang linggong Agosto.

Ngunit iginiit ni Mungcal na ang impormasyong ipinahatid ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Hagonoy noong panahong iyon ay sa kanila nanggaling.

No comments:

Post a Comment