Nakatutuwang
nakakainis ang mga huling kaganapan sa pagpapadaloy ng tubig ng City of Malolos
Water District (CMWD) sa kanilang mga konsesyunaryo.
Nakatali ito ngayon sa mga argumento ng
pag-aakusa na pilit na pinabubulaanan ng CMWD, ngunit mga konsesyunaryo na ang
nagsasatinig ng tunay na sitwasyon.
Mahina
o walang tulo sa kanilang mga gripo, kaya’t napipilitan silang bumili ng tubig
inumin sa mga water refilling stations; at yung panggamit naman nila sa
pagluluto, paliligo at paglilinis sa araw-araw ay pinapupuyatan ng mga
konsesyunaryo na nagsabing madaling araw na tumutulo ang kanilang gripo.
Ang
kalagayang ito ay ilang taon ng pinatitiisan ng mga konsesyunaryo. Ang totoo, karaniwang nararanasan ang
kakapusan ng pinadadaloy na tubig ng CMWD kapag tag-araw; at nitong mga buwan
ng Marso at Abril at idinahilan nila na ito ay hatid ng kawalan ng ulan at
natutuyo ang ground water o balong ng tubig sa ilalim ng kalupaan ng lungsod na
ito na nagsisilbing kabisera ng Bulacan.
Ang
hindi matanggap ng mga konsesyunaryo ngayo ay ang kalagayang tag-ulan na at
panay ang buhos ng ulan na hatid ng mga bagyo ay habagat, ngunit kapos pa rin
sila sa tubig. Ito ay nagpapahiwatig ng
mas malaking problema sa kakulangan tubig.
Dahil
sa kapos na tubig, ilang konsesyunaryo na ang nagpahayag na “namamaho” at
“namamanghe” na sila. Ang iba naman ay
nagpahayag nakailang naka-iskedyul ang pagsakit ng tiyan nila dahil kung
alanganing oras sasakit ang tiyan nila ay baka walang tubig na magamit para sa
paghuhugas ng palikuran.
Katulad
ng aralng mga matatanda, ang bawat pagtitiis ay mayroon hangganan. Dahil dito,
ilang konsesyunaryo na ang nagsulong ng pag-iiponng mga lagda para sa petisyon
na humahamon sa pamunuan ng CMWD na mabitiw sa tungkuling kung hindi maiaayos
ang pagpapadaloy ng sapat na tubig.
Isang
petisyon ang sinimulansa Barangay Bagna, ngunit
lingid sa kaalaman ng marami ay may mas naunang petisyong pinalagdaan sa
mga Barangay ng San Pablo at Tikay. Nagyon, may mga nagsusulong na rin ng katulad
na petisyon sa mga barangay ng Canalate, Mabolo, samantalang ang mga
konsesyunaryo sa ibang barangay tulad ng Matimbo, Guinhawa,Longos at iba pang
barangay ay humihingi ng kopyua upang sila ay makalagda rin.
Kaugnay
nito,ipinahayag ni Mayor Christian Natividad na ayon sa impormasyong ipinahatid
sa kanya,ang CMWD ay may kabuuang assets na umaabot sa mahigit P200-M.
Ang
kabalintunaan sa kalagayang nabanggit ay may pera pala ang CMWD, bakit hindi
maiayos o mapaunlad ang pagpapadaloy ng tubig sa kanialng konsesyunaryo?
Kailangan
pa bang magpetisyon ang mga konsesyunaryo upang mag-isip ng solusyon at kumilos
ang pamunuan ng CMWD?
Nawa
ay huwag humantong sa ganoong kalagayan. Ngunit ang malaking problema ng CMWD
ngayon ay kung paano papapaniwalain ang mga konsesyunaryo na may sapat silang
kakayahan upang maiayos ang pagpapadaloy ng tubig sa mga tahanan ng konsesyunaryo
nito.
(Ito ang Editoryal ng pahayagang Mabuhay na inilathala noong Hulyo 25-31)
No comments:
Post a Comment