Thursday, March 20, 2014

Kapabayaan mitsa ng pagkaubos ng bakawan


Ang nalalabing hanay ng bakawan sa baybayin ng Barangay Pugad, Hagonoy, Bulacan. Dino Balabo



HAGONOY, Bulacan—Laging nasa huli ang pagsisisi.

Ito ang aral  na ibinahagi ng mga residente ng Barangay Pugad sa bayang ito hinggil sa pagkaubos ng bakawan sa baybayin ng barangay.

Dahil sa pagkaubos ng bakawan, nawasak ang pilapil ng palaisdaang bayan o propius na dati ay nagsisilbing pananggalang ng barangay sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay lalo na kung tag-ulan.

Tinukoy din ng mga residente na lubhang mahalaga para mga mangingisda ang mga bakawan dahil ito ay nagsisilbing itlugan o sangtwaryo ng mga isda.

“Siguro, dahil na rin sa aming kapabayaan kaya naubos ang bakawan dito sa amin,” sabi ni Kagawad Edgardo Baltazar ng Barangay Pugad.

Si Baltazar ay isa sa mga opisyal ng barangay na humarap at nagpaliwanag sa mga mag-aaral ng Bulacan State University (BulSU) kaugnay ng isinagawang Lakbay Coastal na inorganisa ng pamahalaang bayan ng Hagonoy.

Ikinuwento niya na sa mga nagdaang panahon ay makapal ang bakawan sa baybayiong dagat.

Ngunit hindi nagtagal ito ay unti-unting naubos ay ilang tumpok na lamang ang natira.

Ayon kay Baltazar, may mga taong pumutol ng mga bakawan upang ito ay ipanggatong.

Bukod dito, may mga pumutol upang gawin itong bahagi ng kanilang bangka.

“Hindi naming pinansin noon ang pamumutol, marami pa kasi noon ang mga bakawan,” sabi ng kagawad.

Dahil sa pagkaubos ng bakawan, nagpipilit namang magtanim ngayon sa baybayin ng barangay.
 
Ang parola at nalalabing bakawan sa Pugad. Dino Balabo
Ito ay upang magsilbing panangga sa mga alon.

“Kaya ngayon kapag may nag-alok sa amin ng bakawan upang itanim, hindi kami tumatanggagi,” sabi Baltazar.

Bilang patunay, isang grupo ang nagtanim ng bakawan sa baybayoinng barangay isang linggo bago isagawa ang Lakbay Coastal.

Kinumpirma ito nina Kagawad Alfredo Lunes at Maximo Crisostomo, ang pinuno ng Hagonoy Municipal Cooperative Development Council.

Ayon kay Lunes, maging mga mag-aaral ng Bulacan State University at mga kasapi ng ibat-ibang simbahan ay nagsasasagawa ng pagtatanimng bakawan sa kanilang lugar.

Ito ay karaniwang isinagawa mula Nobyembre hanggang tag-araw o buwan ng Marso at Abril.
 
Mga mag-aaral ng BulSU.  Dino Balabo
Ito kasi angmga panahon na ang low tide o mababaw ang tubig sa karagatan, bukod pa sa ang hanging umiihip ay amihan o palayo sa dalampasigan.

Para naman kay Crisostomo, halos dalawang beses isang taon ay nakikiisa ang MCDC sa pagtatanim ng bakawan.

Subalit, marami sa mga itio ay namamatay dahil sa naaanod ng tubig.

Iginiit paniya na maging ang mga namamalaisdaan sa bayang ito ay naghahanap ng bakawan upang maitanim sa pilapil ng palaisdaan upang iyon ay hindi mapinsala ng alon.

Una rito, pinlano ni Gob. Wilhelmino Alvarado na magtanim ng daan libong bakawan sa baybayin ng Pugad.

Ito ay dahil samay inialokna donayasyong bakawan ang Eco-Shield Development Corporation na bakawan sa kapitolyo noong huling bahagi ng 2012.

Ngunit ang nasabing plano ay hindi natuloy at hindi naitanim ang donasyong bakawan ng Eco-Shield.  Dino Balabo

Libong ektaryang palaisdaan nilamon ng dagat



Napinsalang pilapilng palaisdaan na ginawang fishpen.  Dino Balabo



HAGONOY, Bulacan—Nagpahayag ng pangamba ang mga residente at opisyal ng bayang ito dahil sa patuloy na nilalamon ng Manila Bay ang baybaying bahagi nito.

Apektado na ang halos 800 ektaryang pribadong palaisdaan bukod pa sa mahit 400 ektaryang propius o palaisdaang pag-aari ng pamahalaang bayan ng Hagonoy.

Ayon kay Louie Libao, fishery officer ng bayang ito, ang pagkawasak ng mga pilipil ng 800-ektaryang pribadong palaisdaan ay nagsimula may tatlong taon na ang nakakaraan.

Ito ay nangangahulugan na umaabot sa 266.6 ektarya ng palaisdaan ang nilalamon ng dagat bawat taon, o 22.2 ektarya bawat buwan sa nagdaang tatlong taon.

Sa kasalukuyan, kabilang sa mga palaisdaang nawasak ang pilapil ay matatagpuan sa mga Barangay ng Tibaguin, Pugad, San Roque at San Pascual sa bayang ito.

 Ayon kay Libao, ang mabilis na pagkasira ng mga palaisdaan sa bayang ito ay sanhi ng epekto ng climate change na pinalubha pa ng kapabayaan at pagka-ubos ng mga bakawan at iba pang puno sa baybayin na nagsisilbing panangga sa mga alon.

Inihalimbawa ni Libao ang mahigit sa 400 ektaryang propius ng bayang ito na nilamon ng dagat may anim na taon na ang nakakaraan.

Ang nasabing propius ay dating nirerentahan ng mga malalaking fishpond operator na sila na ring nagsasagawa ng rehabilitasyon sa mga pilapil nito.

Ngunit ng matapos ang kontrata sa renta ng nasabing propius, hindi agad narentahan ito dahil ang nais ng dating punong bayan ng Hagonoy ay maging mas mataas ang renta bawat taon.

Ngunit isa sa argumento ng mga rerentang fishpond operator ay ang malaking gastos sa buong taong rehabilitasyon ng pilapil ng propius.

Ang kalagayang ito, ayon kay Libao ay malaking banta hindi lamang sa kabuhayan ng mga residente at mga namamalaisdaan.

Ito ay banta rin sa mga pamayanan, partikular na samga barangay na malapit sa baybayin.

Inayunan din ito nina Konsehal Elmer Santos at Maximo Crisostomo, ang tagapamuno ng Municipal Cooperative Development Council (MCDC), isa sa mga pangunaging grupo na nagsusulong ng malawakang pagtatanim ng bakawan sa baybayin dagat ng bayang ito.

Iginiit ni Santos ang madaliang rehabilitasyon sa mga palaisdaang nakaharap sa Manila Bay na karaniwang hinahampas ng along kapag tag-ulan.

 Para naman kay Crisostomo, dapat ring magsagawa ng malawakang pagtatanim ng bakawan upang magsilbing proteksyon.

Igininiit pa niya na maging mga pilapil ng mga palaisdaang nasira ay dapat taniman ng bakawan.

Ito ay dahil sa mga nasalantang palaisdaan ay nai-convert na fishpen ng ilang malalaking fishpond operator.

Ito ay sa pamamagitan ng pagbabakod ng mataas na lambat sa paligid ng palaisdaan upang kahit wasak ang ilang bahagi ng pilapil ay mapanatiling nakakulong sa loob ang mga isdang alaga tulad ng bangus, sugpo at iba pang produkto.

Sa kabila naman ng patuloy na operasyon ng palaisdaang ginawang fishpen, nagpahayag din ng pangamba ang maliliit na mangingisda dahil sa epekto ng aqua feeds na ginagamit ng mga operator ng fishpen.  (Dino Balabo)

Saturday, November 16, 2013

Paghahanda sa Angat Dam break, ilalahad sa mga alkalde



 
LA MESA DAM, QUEZON CITY—HUwag nating hintayin ang delubyo bago kumilos, maghanda tayo ngayon.

Ito ang buod ng mensahe ng bumbuo ng Technical Working Group (TWG) para sa paghahanda sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam.

Ang nasabing TWG ay binubuo ng  mga kinatawan mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) kapitolyo, mga opisyal ng National Power Corporation (Napocor) na namamahala sa Angat Dam, Common Purpose Facilities (CPF) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na namamahala sa Ipo Dam.

Kasama rin ang mga kinatawan ng National Irrigation Administration (NIA) na namamahala sa Bustos Dam, Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCop) na nagsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam, at Office of the Civil Defense sa Gitnang Luzon.

Ang mga kasapi ng TWG ay nagpulong sa ikapitong pagkakataon sa La Mesa Dam Novaliches, Lungsod ng Quezon noong Martes, Nobyembre 12 o apat na araw matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa Visayas.

Tampok sa pagpupulong ay ang impormasyong ilalahad nila sa mga alkalde at mga namumuno sa mga Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) sa 21 bayan at talong lungsod sa lalawigan ng Bulacan.

Makakasama rin ang mga kinatawang alkalde at mga opisyal ng DRRMO mula sa mga bayan sa Pampanga na sinasabing maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam.

 Ayon kay Liz Mungcal, pinuno ng PDRRMOng Bulacan,ang paghahanda sa posibilidadng pagkasira ng Angat Dam ay lubhang mahalaga dahil sa lawak ng posibleng maging pinsala nito.

“Hindi pwedeng iilan ang nakakalam sa paghahanda, dapat ay buong lalawigan at lahat ng taong posibleng maapektuhan,” sabi ni Mungcal sa isang panayam matapos ang pulong.

Inihalimbawa niya ang malawakang pinsalang hatid ng bagyong Yolanda sa mga lalawigan sa Visayas.

“Pag malawakan ang disaster, sino ang magre-rescue? Hindi lahat ay matutugunan ng PDRRMO, kailangan handa rin ang mga lokal na pamahalaang mula samga bayan, lungsod at maging mga barangay,” paliwanag niya.

Ayon pa kay Mungcal, mahalaga rin na maunawaan ng taumbayan ang dapat gawin bago dumating ang delubyo, kaya kailangang makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapaliwanag at pagpapabatid sa taumbayan ng mga tamang hakbang.

Hinggil sa pananalasa ng bagyong Yolanda, nilinaw ni Mungcal na hindi sila kumikilos ngayon para sa paghahanda sa pagjkasira ng Angat Dam dahil sa bagyogn Yolanda.

“Noon pang isang taon kami naghahanda at nagpupulong. Katunayan bago pa lumindol sa Bohol noong October 15 ay naka-schedule na yung pulong naming noong October 16; at itong pulong na ito ay naitakda nab ago pa dumating ang Yolanda,” sabi niya.

Gayunpaman, inamin ni Mungcal na ang katatapos na pamiminsala ng bagyong Yolanda ay higit na nagtutulak sa kanila upang pabilisin ang paghahanda ang mga bayan sa Bulacan.

Dahil dito, itinakda nila ang paglalahad ng mga paghahanda sa mga aklade ng Bulacan sa Nobeymbre 21.

Ipinaliwanag pa niya na ang posileng pagkasira ng Angat Dam ay maaaring mangyari anumang oras.

Ito ay dahil na rin sa pag-aaral ng Philippines Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na anumang oras ay maaring gumalaw ang West Valley Faultline at maaaring lumikha ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ayon pa sa Phivolcs, ang nasabing lindol ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng Angat Dam.

Batay naman sa pag-aaral ng Edcop, kapag nasira ang dam, raragasa sa kahabaan ng Ilog Angat Ang 10 hangang 30 metrong lalim ng tubig mula sa Norzagaray hanggang sa bahagi ng Baliwag at Plaridel.

Ang nasabing tubig ay kakalat at tinatayang magpapalubog sa 20 bayan ang lungsod sa Bulacan, pito sa Pampanga at tatlong lungsod sa kalakhang Maynila.

Inaasahang din ang mas mahabang problema sa kalakhang Maynila kapag nasira ang Angat dam dahil sa posibilidad na kapusin ng tubig inumin.

Ito ay dahil sa ang Angat Dam ang pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila. Dino Balabo

Saturday, November 2, 2013

Pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam, di sapat





LUNGSOD NG MANDALUYONG—Hindi sapat ang isinagawang anim buwang  pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam.

Ito ang buod ng pahayag ng kapitolyo at National Power Corporation (Napocor) sa kauna-unahang pagkakatapon matapos ilabas noong Mayo 2012 ang resulta ng anim na buwang feasibility study sa katatagan ng dam.

Sa panayam ng Mabuhay Gob. Wilhelmino Alvarado, sinabi niya na hindi sapat ang isinagawang pag-aaral ng Tonkin & Taylor.

“Napakailki ang panahon ng feasibility study nila, anim na buwan lang,” sabi ni Alvarado na nakapayam ng Mabuhay sa Edsa Shangrila Hotel noong Oktubre 16 ng gabi.

Ang panayam ay naganap matapos ang puliong ni Alvarado kina Gladys Sta. Rita, pangulo ng Napocor, Gerardo Esquivel, administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Claro Maranan, administrador ng National Irrigation Administration INIA).

Kasama rin sa pulong sina Inhinyero Romulado Beltran, pinuno ng Dams Management Department ng National Power Corporation (Napocor), Bise-Gob. Daniel Fernando at Provincial Administrator Jim Valerio.

Ang pahayag ni Alvarado ay kinatigan din ni Beltran na nagsabing “mababaw  yung feasibility study.”

Ang nasabing feasibility study na pinondohan ng $1-Milyon ay isinagawa ng Tonkin & Taylor na nakabase sa New Zealand, kasama ang Engineering Development Corporation of the Philippines (EDCop)

Ayon sa anim na buwang pag-aaralng Tonkin & Taylor kasama ang EdCop, ang WMVF ay  unang natukoy sa pagtatayo ng dam noong unang bahagi ng dekada 60.

Ito ay di kalayuan sa pundasyon ng pangunahing dike ng dam.

Binanggit din sa ulat ng Tonkin ang isinagawang pag-aaral ng Phivolcs na nagsasabing ang WMVF ay nakabalatay ilang kilometro ang layo sa silanganng dam; at ang nakitang fault sa ilalim ng dam ay splay o sanga lamang ng fault.

Gayunpaman,kung gagalaw ang WMVF, ang nasabing splay sa ilalimng dam ay  posible ring gumalaw.

Kaugnay nito, isang bahagi ng rekomendasyon ng Tonkin sa kanilang isinagawang anim na buwang pag-aaral ay ang pagsasagawa ng cite specific seismic study sa Angat dam.

Para kay Alvarado at sa Napocor ang rekomendasyong ito ay hindi sapat dahil ang pangunahing dahilan ng pagpapasubasta para sa pagsasagawa ng feasibility study ay patungkol panganib na hatid ng WMVF.

Narito ang background information na ipinalabas ng Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm) sa kanilang Term of Reference sa pagsasagawa feasibility study na ipinakontrata sa Tonkin.

“Considering the importance of the facility and the potential risks posed by possible
seismic activity associated with West Valley Fault and the other fault-lines in Central
Luzon, the consultancy services must arrive at a clear recommendation for the
mitigation of risk through remediation of the Dam and Dike and the associated major
structures.”

Ngunit batay pa rin sa kopya ng TOR para sa pagsasagawa ng feasibility study sa katatagan ng Angat Dam, lumalabas na akma ang rekomendasyon ng Tonkin.

Ito ay dahil sa nilalaman ng layunin sa pagsasagawa ng feasibility study ayon sa ika-18 pahina ng TOR.

Narito ang unang layunin ng feasibility study, “To undertake the required investigation works and proposed additional studies recommended from past studies, reviews and reports.”

Para naman kay Inhinyero Roderick Dela Cruz, ang dam safety expert ng Bulakenyo, imposibleng magawa ang buong pag-aaral sa loob ng anim na buwan.

Bilang isa sa mga naging tagapayoni Gob.Alvarado, si Dela Cruz ang unang nagpahayag na hindi sapat ang anim na buwan sa pagsasagaw ang feasibility study.

Binigyang diin pa niya na bilang consultant, ang Tonkin ay nakadepende sa isinasaad ng TOR.

Bilang isa sa mga unang nakapansin sa maikling panahong ipinagkaloob sa Tonkin, ipinayo ni dela Cruz ang dagdag na pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam. (Dino Balabo).