HAGONOY, Bulacan – Dahil sa pananakit ng sikmura, mahigit
isang linggong hindi bumababa mula sa ikalawang palapag ng kanyang bahay si
Hermogena “Lola Momeng” Crisostomo, 86, ng Barangay San Jose ng bayang ito na
matatagpuan sa baybayin ng Look ng Maynila.
Ito ay dahil sa palaging lubog sa high tide ang silong ng
kanilang bahay, na ayon sa kanya ay ugat ng kanyang pagkakasakit matapos
lumusong sa tubig isang umaga na hindi pa nakakainom ng mainit na kape.
“Araw-araw, ganya dito, laging lubog,” aniya habang nakaupo
sa hagdan ng bahay at itinuturo ang nakalubog ng maaliwalas na silong dahil ang
mga gamit doon ay pawang nakasabit sa mga tahilan o pamakuan ang ng sahig ng
ikalawang palapag ng bahay upang di mabasa ng tubig na tumataas mula sa dagat.
Si Lola Momeng ay isa lamang sa daan libong residente ng mga
bayan sa baybayin ng Look ng Maynila na nagdurusa sa araw-araw dahil sa
hightide.
Ayon sa mga dalubhasa, isa ito sa malinaw na epekto ng
climate change o pagbabago ng klima ng mundo na nais tugunan ng taunang
pagsasagawa ng kampanyang Earth Hour na tinatampukan ng isang oras na di
paggamit ng kuryente.
Layunin ng taunang kampanya na higit na maipaunawa sa bawat
mamamayan ang kahalagahan ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente upang ang mga
plantang pinagkukunan nito, partikular na ang mga pinaaandar ng krudo at uling
ay pansamantalang matigil sa pagbubuga ng usok sa himpapawid na sanhi ng global
warming o pag-init ng klima ng mundo na nagbubunga naman ng climate change.
Isa sa mga bunga ng climate change ay pagkalusaw ng mga
niyebe sa malalamig na bansa na nagdudulot ng pagtaas ng tubig sa dagat at
nagpapalubog sa mga pamayanan sa tabing dagat, at nagsasanhi rin ng mga
pagkakasakit ng mamamayan katulad ng nangyari kay Lola Momeng.
“Kailangang kumilos tayo ngayon upang mabigyang proteksyon
ang mundo,” ani Dr. Mariano De Jesus, pangulo ng ng Bulacan State University
(BulSU) na nagsilbing panauhing tagapagsalita sa pagsasagawa ng Earth Hour sa
SM City Baliuag noong Sabado, Marso 31.
Hinikayat niya ang bawat isa na makiisa upang matiyak na ang
mundo ay ligtas para sa susunod na salinlahi.
“Let us put our hands together to save the Mother Earth,
because unless we move, no one will move,” ani De Jesus.
Inayunan din ito nin Kinatawan Joselito Mendoza ng ikatlong
distrito ng Bulacan at Mayor Arnel Mendoza ng Bustos, na katulad ni De Jesus ay
kapwa lumahok sa taunang kampanya sa SM Baliuag.
Ipinaliwanag naman ni Gob. Wilhelmino Alvarado na ang
pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang isang respobsibilidad ng kasalukuyang
henerasyon, sa halip ay utang sa susunod na salinlahi.
“Minana natin ito sa ating mga ninuno, kailangang matiyak
nating pakikinabangan at iingatan din ito ng susunod na salinlahing Bulakenyo,”
ani ng gobernador sa kanyang lingguhang palatuntunan sa DWSS Radio noong Sabado
ng umaga.
Iginiit pa niya na patuloy ang pamahalaang panlalawigan sa
pangangalaga sa kalikasan at inihalimbawa niya ang pagpatibay sa oridinansang
nagbabawal sa paggamit ng plastic sa Bulacan, at ang pagpapasara sa kumpanyang
naglulusaw ng lumang gulong sa mga bayan ng Guiguinto at Angat sa nagdaang
buwan.
Para naman kay Arkitekto Andrew Cristobal, ang mall manager
ng SM City Baliuag, sila ay nakikiisa sa mga programang pangkalikasan ng
kapitolyo.
Bilang patunay, binanggit niya ang ilan sa kanilang mga
programa na kinabibilangan ng pagsasagawa ng Green Retail Agenda na humihikayat
sa mga negosyante sa mall na proteksyunan ang kalikasan; no plastic policy na
nagbabawal sa paggamit ng mga plastic cup at plastic plates sa food court ng
mall.
Bukod dito, ipinagmalaki rin ni Cristobal ang kanilang trash
to cash program kung saan ang mga basurang mareresiklo ay kanilang binibili; at
ang pagsasagawa ng Green Film Festival na napanood ng mahigit sa 500,000 mag-aaral
sa mga paaralang pampubliko ng libre.
Ayon kay Cristobal, ang Green Film Festival ay naglalayon na
mapalawak ang pag-unawa sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan.
Bilang pangunahing mall sa bansa, sinabi niya na ang SM
Supermalls ay naninindigan para sa pagpapanatiling ligtas ang kalikasan, at
isang halimbawa ay ang pakikiisa ng 46 nilang sangay sa bansa kabilang ang apat
nilang mall sa Tsina.
“SM Supermalls are committed to sustainable business and we
dedicate these programs to preserve the environment, that’s why we are joining
the Earth Hour Campaign,” ani Cristobal.
Binigyang diin niya na ang kampanyang Earth Hour ay
naghahatid ng isang malinaw na mensahe na hindi imposibleng mailigtas ang mundo
lalo na kung magkakaisa ang mga mamamayan.
Batay sa pahayag ni Cristobal, mahigit 1-bilyon katao sa
mundo mula sa mahigit na 6,000 lungsod t bayan ang nakiisa sa kampanyang Earth
Hour.
Ang kampanya ay nagsimula sa Lungsod ng Sydney sa Australia
sa pangunguna ng World Wildlife Fund (WWF) for Nature, anim na taon na ang
nakakaraan.
Sa kasalukuyan, ang Earth Hour ay ang pinakamalawak na
kampanyang pangkalikasan sa mundo, at ang Pilipinas ay isa sa mga bansa kung
saan ay marami ang lumalahok na samahan.
Gayunpaman, nananatiling maliit ang partisipasyon ng mga
pamilyang Pilipino partikular na sa Bulacan sa taunang kampanya.
Para sa mga environmentalist sa lalawigan, ito ay dahil sa
di aktibong pakikilahok ng mga pamahalaang lokal at kawalan ng inisyatiba na
mula sa mga alkalde para hikayatin ang kanilang mga kababayan na magtipid sa
kuryente.
Sa mas naunang
panayam, sinabi ni Bro. Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental
Society (SSMES) na lubhang mahalaga ang papel ng mga pamahalaang lokal sa
kampanyang pangkalikasan.
“Nakahandang sumunod ang mga tao, kung may mangunguna at may
makikitang magandang ehemplo,” aniya.
Para kay Dr. Rosa Perez, isa sa mga dalubhasang Pilipinong
kasapi ng Inter-Governmental Panel on Climate Change (IPCC), hindi maisasantabi
ang banta ng climate change sa mga mamamayang nakatira sa mga babaying dagat.
Batay sa kanyang pag-aaral, halos 50-milyong Pilipino ang
nakatira sa mga 32,400 kilometrong baybaying dagat ng bansa.
Katulad ni Lola Momeng, nais din ng mga mamamayan sa tabing
dagat na lumipat, ngunit kapos sila sa pananalapi.
“Gusto naming lumipat, pero kapos na kapos din kami,” ang
may lungkot na sabi ni Lola Momeng pinagmamasdan ang silong ng bahay kung saan
niya pinalaki ang kanyang siyam na anak.
Dahil sa gipit na kalagayan at hindi magawang lumipat ng
tirahan, itinaas na nina Lola Momeng ang mga gamit sa silong ng bahay upang
hindi lumubog at mabasa sa high tide.
Limitado rin ang espasyo na kanilang ginagalawan sa bahay,
at ang matitinis na tinig ng mga apo na dati ay naglalaro doon ay naitulak
papalayo ng regular na pagtaas ng tubig.
Sa kasalukuyan, tanging ang binatang anak na si Ogie ang
kasama ni Lola Momeng sa bahay, samantalang ang kanyang mga apo na naghahatid
ng dagdag na ligaya ay dumadalaw paminsan-minsan.
“Dito ako isinilang, mukhang dito na rin ako ako aabutan ng
takipsilim,” ani Lola Momeng habang pinapahid ang luhang bumalong sa gilid ng
mata