Friday, April 27, 2012

Alvarado, pinagkalooban ng 2012 Father Neri Satur Environment Award



 LUNGSOD NG MALOLOS- Tumanggap si Bulacan Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ng 2012 Father Neri Satur Award for Environmental Heroism sa ginanap na awarding ceremony sa National Broadcasting Network, Quezon City noong Abril 23, 2012 para sa kanyang Angat Dam reservation development program.

Ang nasabing gawain ay isa sa mga pangunahing aktibidad para sa Earth Day Celebration na may temang “Year for Sustainable Energy and Cooperatives.”

Sa kategoryang Disaster Risk Reduction and Management, pinarangalan ang Angat Dam management ng Bulacan dahil sa maagap na rehabilitasyon nito upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng dam na maaaring magdulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan at katabing lugar.

“Alam kong marami pa ang dapat gawin. But this award will inspire all of us para lutasin ang anumang suliranin na darating sa aming lalawigan. Ito ay hindi lamang aking karangalan kundi karangalan din ng buong Bulacan. We are very thankful that they recognized our advocacy on the preservation of the environment,” ani Alvarado.

Nakatanggap din ng parehong parangal ang Baliuag University para naman sa kategoryang Carbon Footprints: Green Building and Energy Conservation (educational system).

Tinaguriang kauna-unahang gusali na energy sufficient sa Bulacan, ang apat na palapag na  Information Technology (IT) building sa BU ay solar-powered na lumilikha ng 85% kuryente na kailangan ng gusali at mayroon ding sariling rain water harvest facility na nagsu-suplay ng tubig. Bukod pa dito, ang ginamit na pintura ay nakababawas ng polusyon at volatile organic compounds.

Samantala, ang mga pinarangalan ay nakatanggap ng tropeong AbdulMari Imao mula sa organizing committees na pinamumunuan nina Earthsavers Founder at  Climate Change Commissioner Heherson Alvarez at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary at UNESCO Commissioner Ramon Paje.

 “The 2012 awardees is a group of men and women, institutes and corporations who have truly made a difference in the quest for a greener environment and in the struggle against climate change,” ani Paje.

Ang Father Neri Satur Award for Environmental Heroism ay programa ng Climate Change Commission, UNESCO, Philippine National Commission for Culture and the Arts, (NCCA), at ng Earthsavers Movement. Ito ay ipinangalan sa yumaong pari, environmentalist at forest ranger na pinaslang ng mga hinihinalang illegal logger sa kagubatan ng Bukidnon noong 1991.

No comments:

Post a Comment