Tuesday, September 3, 2013

Mga dam dapat magbawas ng tubig habang maganda ang panahon

By Dino Balabo

LUNGSOD NG MALOLOS—Hinikayat ni Gob. Wilhelmino Alvarado na magpatapon ng tubig ang mga dam sa Bulacan habang maganda ang panahon matapos ang may isang linggong pag-ulan hatid ng bagyong Maring na nagdulot ng pagbaha sa ilang bayan.

Ito ay dahil sa umakyat na sa 203.56 meters above sea level  (masl) ang taas ng tubig sa Angat Dam na ipinangangamba ng gobernador dahil batay sa pahayag ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) ay apat na bagyo ang inaasahang darating sa susunod na dalawang buwan.

Kaugnay nito, patuloy ang pagpapatapon ng tubig ng Bustos Dam, ngunit ayon sa tagapamahala nito, hindi masyadong makakapekto sa mabababang bayan ang tubig na kanilang pinapatapon.

“Mataas na ang water elevation sa Angat Dam, nung Maring na sinundan ng habagat ay halos 10 metro ang itinaas ng elevation, eh ngayon, apat na bagyo ang maaring pumasok sa bansa,” ani Alvarado matapos makipagpulong sa mga namamahala sa dam sa Bulacan noong Biyernes.

Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagbabawas ng tubig sa Angat Dam, na posibleng mapuno kapag bumagyo, at maaring maging sanhi ng pagbaha sa mga bayan ng sa lalawigan tulad ng Pulilan, Calumpit at Hagonoy.

Ngunit ang pagpapatapon ng tubig mula sa Angat, Ipo at Bustos dams ay hindi maaaring pagsabay-sabayin.

Bukod dito, hindi rin pwedeng biglain ang pagpapatapon ng tubig upang hindi magdulot ng pagbaha.

Ayon kay Alvarado, dapat ay maunang magpatapon ng tubig ang Bustos Dam na matatagpuan sa pagitan ng mga bayan ng San Rafael at Bustos. Ang Bustos Dam ay nagsisilbing taga-salo ng tubig na pinadadaloy mula sa Ipo Dam, na sumasalo naman ng tubig mula sa mas mataas na Angat Dam.

Ayon kay Inhinyero Precioso Punzalan ng National Irrigation Administration (NIA) na siyang namamahala sa Bustos Dam, ang kanilang spilling level ay 17.70 masl.

Noong Biyernes ng umaga, ang water elevation sa Bustos Dam ay 17.35 masl at kailangan pababain iyon sa 16.80 masl kaya noon pa lamang ay nagsimula na silang magpatapon ng tubig.

Tiniyak ni Punzalan na hindi magdudulot ng pagbaha ang 100 cubic meters per second na tubig na kanilang pinatatapon dahil sa mababaw ang tubig sa kailugan at low tide.

Tinataya ring aabot ng isang linggo bago tuluyang mapababa ng NIA sa 1680 masl ang water elevation sa Bustos Dam.


Ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nakahanda ring magpatapon ng tubig ang Ipo Dam kapag napababa na ng Bustos Dam ang water elevation nito.

Gayunpaman,nilinaw ni Esquivel na magpapatapon lamang ang Ipo Dam kung magbabawas din ng tubig ang Angat Dam.

Iginiit niya na nais nilang matiyak na may sapat na tubig ang Angat Dam para sa pangangailangan sa inumin ng Kalakhang Maynila.

“Okey lang sa amin na magbawas ang Angat Dam ng tubig, pero dapat ay 210 masl ang water elevation nito by the end of the year,” ani Esquivel.

Ngunit ayon kay Alvarado, kahit 197 masl lamang ang tubig sa Angat Dam ay hindi pa rin kakapusin ng tubig ang Kalakhang Maynila.

Ito ay dahil sa mga nagdaang taon ay 197masl lamang ang tubig sa Angat Dam sa pagtatapos ng taon ngunit hindi kinapos ng tubig ang Kalakhang Maynila sa sumunod na tag-araw.

Samantala, inayunan ni Liz Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ang pahayag ni Punzalan na hindi magdudulot ng baha ang tubig mula sa Bustos Dam.

Gayunpaman, ipinalala ni Mungcal na ang pagpapatapon ng tubig mula sa dam ay dapat itapat sa oras ng low tide.

No comments:

Post a Comment