Tuesday, October 22, 2013

San Miguel kinapos ng tubig matapos manalasa si Santi



 
Larawang kuha ng PDRRMO sa Brgy. San Agustin, San Miguel, Bulacan.

MALOLOS—Kinapos ng tubig inumin ang bayan ng San Miguel matapos sagasaan ng bagyong Santi simula noong Sabado,Oktubre 12.

Ito ay sanhi ng pagkaputol ng suplay ng kuryente na gamit sa pagpapaandar sa pumping station ng water district na nagpapaalala sa karanasan ng bayan ng Hagonoy mataposmanalasa ang bagyong Pedring noong 2011.

Dahil sa kakulangan ng tubig inumin, napilitang pumila sa mga pribadong water refilling station ang mga residente.

Ngunit ilan sa kanila ay nagsipagtaas ng presyo ng tubig.

Sa kabila nito, mayroon din na hindi nagtaas ng presyo sa kabila ng dagdag na gastos sa paggamit ng generator.

Ayon kay Claire Buencamino dating Kagawad ng Barangay San Vicente, ipinangamba ng maraming residente ang pagkaubos ng tubig inumin.

“Hindi namin inaasahan ang ganito, ngayon lang nagyari sa amin ang ganitong pinsala ng bagyo,” sabi niya sa panayam ng Mabuhay sa telepono noong Oktubre 14 ng gabi.

Dagdag pa niya, “biglang dating ng malalim na tubig baha, pagkatapos, nagsimula na kaming kapusin ng tubig inumin dahil sa walang kuryente.”

Bilang may-ari ng Aqua Calrita, isang water refilling station sa Barangay Poblacion, sinabi ni Buencamino na napilitan siyang gumamit ng generator upang makapagbenta ng tubig inumin.

Gayunpaman,sinabi niya na hindi siya nagtaas ng presyo.

“Pare-pareho kaming nasalanta, kaya parang tulong na lang yung dating presyo,” sabi niya.

Sa paglalarawan ni Buenacamino, maraming tao ang pumila sa mga pribadong refilling stations sa nasabing bayan isang araw matapos ang biglaang pagbaha noong Sanado ng madaling Araw, Oktubre 12.

Ang kalagayang ito ay hindi nalingod kay Gob. Wilhelmino Alvarado.

Ngunit hindi rin agad napasok ang bayan ng San Miguel dahil sa malalim at malakas na agos ng tubig sa kahabaan ng Daang Maharlika sa pagitan ng bayan ng San Miguel at San Ildefonso.
 
Larawang kuha ng PDRRMO sa Anyatam, San Ildefonso.
Ayon kay Alvarado, alam nilang nawalan ng kuryente sa bayanng San Miguel kaya’t agad silang nagpadala ng mga trak upang tumulong sa paglilikas ng mga residente.

Bahagi rin nito ay ang paghahawan sa mga punong kahoy na nangabuwal sa kalsada.

 Noong Lunes, Oktubre 14, nakipag-ugnayan ang kapitolyo sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, at San Miguel Corporation para sa paghahatidng donsayong tubig inumin.

Kasabay nito ang paghahatid ng tubig ng mga trak ng bumbero mula sa mga Lungsod ng Malolos, Meycauayan at San Jose del Monte, at mga bayan ng Pulilan, Sta. Maria at Marilao.

Ayon kay Provincial Administrator Jim Valerio, nagsimulang magbalik ang supply ng kuryente sa nasabing bayan noong Miyerkoles, kaya’t nagsimula na ring magbalik ang operasyon ng water district.

Para naman kay Liz Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, ang tubig na hatid ng mga trak ng bumbero ay pangdagdag lamang sa kailangan ng mga apektadong residente.

Sinabi niya na kahit unti-unting nagbalik ang operasyon ng water district noong Miyerkoles ay may ilang bahagi pa rin ng bayan na mahina ang daloy ng tubig.

Ang kalagayang ito ay nagpapaalala sa karanasan ng bayan ng Hagonoy matapos manalasa ang bagyong Pedring noong 2011.

Dahil sa lakas ng bagyo, naputol ang supply ng kuryente sa Hagonoy na umabot ng 12 araw.

Dahil dito, naputol ang pagpapadaloy ng water district ng tubig.

Pinilit ng Hagonoy Water District noong 2011 na paandarin ang kanilang mga pumping station sa pamamagitan ng generator, ngunit hindi rin iyon naging sapat.

Bukod dito, maraming gripo ang nalubog noon sa malalim na baha kaya’t hindi sigurado ang kalinisan ng tubig. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment