Saturday, November 16, 2013

Paghahanda sa Angat Dam break, ilalahad sa mga alkalde



 
LA MESA DAM, QUEZON CITY—HUwag nating hintayin ang delubyo bago kumilos, maghanda tayo ngayon.

Ito ang buod ng mensahe ng bumbuo ng Technical Working Group (TWG) para sa paghahanda sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam.

Ang nasabing TWG ay binubuo ng  mga kinatawan mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) kapitolyo, mga opisyal ng National Power Corporation (Napocor) na namamahala sa Angat Dam, Common Purpose Facilities (CPF) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na namamahala sa Ipo Dam.

Kasama rin ang mga kinatawan ng National Irrigation Administration (NIA) na namamahala sa Bustos Dam, Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCop) na nagsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam, at Office of the Civil Defense sa Gitnang Luzon.

Ang mga kasapi ng TWG ay nagpulong sa ikapitong pagkakataon sa La Mesa Dam Novaliches, Lungsod ng Quezon noong Martes, Nobyembre 12 o apat na araw matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa Visayas.

Tampok sa pagpupulong ay ang impormasyong ilalahad nila sa mga alkalde at mga namumuno sa mga Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) sa 21 bayan at talong lungsod sa lalawigan ng Bulacan.

Makakasama rin ang mga kinatawang alkalde at mga opisyal ng DRRMO mula sa mga bayan sa Pampanga na sinasabing maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam.

 Ayon kay Liz Mungcal, pinuno ng PDRRMOng Bulacan,ang paghahanda sa posibilidadng pagkasira ng Angat Dam ay lubhang mahalaga dahil sa lawak ng posibleng maging pinsala nito.

“Hindi pwedeng iilan ang nakakalam sa paghahanda, dapat ay buong lalawigan at lahat ng taong posibleng maapektuhan,” sabi ni Mungcal sa isang panayam matapos ang pulong.

Inihalimbawa niya ang malawakang pinsalang hatid ng bagyong Yolanda sa mga lalawigan sa Visayas.

“Pag malawakan ang disaster, sino ang magre-rescue? Hindi lahat ay matutugunan ng PDRRMO, kailangan handa rin ang mga lokal na pamahalaang mula samga bayan, lungsod at maging mga barangay,” paliwanag niya.

Ayon pa kay Mungcal, mahalaga rin na maunawaan ng taumbayan ang dapat gawin bago dumating ang delubyo, kaya kailangang makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapaliwanag at pagpapabatid sa taumbayan ng mga tamang hakbang.

Hinggil sa pananalasa ng bagyong Yolanda, nilinaw ni Mungcal na hindi sila kumikilos ngayon para sa paghahanda sa pagjkasira ng Angat Dam dahil sa bagyogn Yolanda.

“Noon pang isang taon kami naghahanda at nagpupulong. Katunayan bago pa lumindol sa Bohol noong October 15 ay naka-schedule na yung pulong naming noong October 16; at itong pulong na ito ay naitakda nab ago pa dumating ang Yolanda,” sabi niya.

Gayunpaman, inamin ni Mungcal na ang katatapos na pamiminsala ng bagyong Yolanda ay higit na nagtutulak sa kanila upang pabilisin ang paghahanda ang mga bayan sa Bulacan.

Dahil dito, itinakda nila ang paglalahad ng mga paghahanda sa mga aklade ng Bulacan sa Nobeymbre 21.

Ipinaliwanag pa niya na ang posileng pagkasira ng Angat Dam ay maaaring mangyari anumang oras.

Ito ay dahil na rin sa pag-aaral ng Philippines Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na anumang oras ay maaring gumalaw ang West Valley Faultline at maaaring lumikha ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ayon pa sa Phivolcs, ang nasabing lindol ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng Angat Dam.

Batay naman sa pag-aaral ng Edcop, kapag nasira ang dam, raragasa sa kahabaan ng Ilog Angat Ang 10 hangang 30 metrong lalim ng tubig mula sa Norzagaray hanggang sa bahagi ng Baliwag at Plaridel.

Ang nasabing tubig ay kakalat at tinatayang magpapalubog sa 20 bayan ang lungsod sa Bulacan, pito sa Pampanga at tatlong lungsod sa kalakhang Maynila.

Inaasahang din ang mas mahabang problema sa kalakhang Maynila kapag nasira ang Angat dam dahil sa posibilidad na kapusin ng tubig inumin.

Ito ay dahil sa ang Angat Dam ang pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila. Dino Balabo

2 comments:

  1. Nararapat lamang na ito'y bigyan ng malaking pansin bago pa mahuli ang lahat.
    Ipag-adya tayo ng Diyos..

    ReplyDelete
  2. Bakit hangang ngayon 2020 na wala paring kumikilos para ayusin ang dapat ayusin sa dam Alam naman Natin na may crak. O sira na and dam. Bakit hindi nyopa MA aksyunan ang mga buong kalsada sa bulacan sinisira nyo para gawin ulit NG paulit ulit pero Yung dapat ayusin ayaw nyon gawin galaw galaw mga nakaupo

    ReplyDelete