Tuesday, July 29, 2014

Mga bahay winasak ng storm surge sa baybayin ng Bulacan


 

HAGONOY, Bulacan—Mahigit 60 na taon nilang inalagaan ang kanilang bahay na itinayo ng kanilang magulang, ngunit sa loob lamang ng dalawang minuto ito ay naglaho.

Ito ang patunay balasik ng malalaking alon na hatid ng storm surge matapos tahakin ng bagyong Glenda ang Manila Bay noong Miyerkoles, Hulyo 16 patungo sa West Philippine Sea.

Sa kabuuan, hindi bababa sa 60 bahay sa mga coastal barangay ng Pugad at Tibaguin ang winasak ng malalaking alon na hatid ng bagyo.

Sa panayam kay Joey Gregorio, 44, ng Barangay Pugad, inilarawan niya kung paano nawasak ang kanilang bahay.

 “Wala kaming nagawa, dalawang minuto lang nawala na yung bahay dahil sa laki ng alon,” aniya at iginiit pa na pati bahay ng kanyang tatlong nakatatandang kapatid na nakatayo sa gilid ng kanilang ancestral house ay  nawasak din ng storm surge.

Ang mga nasabing bahay ay yari sa concrete hollow blocks.

Sa oras ng panayam noong Biyernes, Hulyo 18, tanging tumpok na lamang ng kahoy at nasirang kagamitan ang nalabi sa mga nasabing bahay, bukod sa konkretong comfort room ng bahay ng kuya ni Gregorio.

Sa katabing barangay ng Tibaguin, napaluha si Yolanda Geronimo ng ikuwento kung ano ang nangyari sa kanilang bahay na itinayo may tatlong taon na ang nakakaraan.

“Twenty minutes lang wala na yung bahay namin,”  sabi ng ginang.


Ayon kay Geronimo, ang nawasak nilang bahay ay kapalit lamang ng kanilang bahay na winasak dinng storm surge sa pananalasa ng bagyong Quiel noong 2011.

“Dalawang sunod na po iyan mula noong Quiel,” ani Geronimo habang pinipigil ang luha.

Samantalang, ipinagdadalamhati nina Gregorio at Geronimo ang pagkawasak ng kanilang mga tahanan, nagpasalamat din sila na walang nasawi sa kanilang kapamilya, maging sa kanilang mga ka-barangay.

Gayunpaman, nilinaw nila na ang pananalasa ng storm surge sa kanilang barangay ay dulot ng pagkasira ng may 200 ektaryang pambayang palaisdaan na dati ay nagsisilbing panangga ng dalawang barangay sa malalaking alon mula sa Manila Bay.

Kinatigan naman nina Kagawad Gilbert Tamayo at Alfredo Lunes ng Barangay Pugad ang kanilang pahayag.

Ayon sa dalawang Kagawad ng Barangay, nawasak ang mga pilapil ng pambayang palaisdaan may anim na taon na ang nakakaraan matapos na ito ay mapabayaan.

Dahil dito, hindi nila maiwasan ang mangamba sa tuwing mananalasa ang mga bagyo.

“Natatawag po naming ang lahat ng Santo sa simbahan kapag bumabagyo na dahil walang humaharang sa alon mula sa dagat,” sabi ni Tamayo.


Inayunan din ito nina Kagawad Ariel Dela Cruz at Renato Gregorio.

Katunayan, napaluha din si 60-na taong gulang na si Gregorio habang ikinukuwento ang kaniyang karanasan.

“Napagrabe pong nangyari sa aming barangay.  Animnapung taon na ko dito, ngayon lang nangyari ang ganito,” ani ng Kagawad.

Inilarawan niya na umabot sa mahigit pitong talamapakan ang laki ng mga alon na humapas sa mga tahanan sa baybayin ng Pugad.

Ito ay dahil sa walang humaharang na panangga sa alon.

Iginiit pa ni Gregorio na ang pagkasira ng napabayaang propius ang sanhi ng pananalasa ng alon sa kanilang Barangay.

Dahil dito, iginiit ni Dela Cruz na dapat ay bigyang diin ng mga ahensiya ng gobyerno ang pagbibigay protektsyon sa baybayin ng Bulacan.

“Madalas kasi, sa kabayanan lang nakatutok ang mga proyekto ng mga nasa matataas na posisyon sa gobyerno at nakakalimutan ang mga coastal barangay,” aniya.

“Lalong kailangan namin ang panangga sa alon ngayon, sana ay magjkaroon hg dike okaya ay simulan na ang rehabilitasyon ng propius sa tabi ng Pugad,” sabi dela Cruz.

Kaugnay nito, tiniyak ni Mayor Raulito Manlapaz ng bayang ito na masisimulan ang rehabilitasyon ng nasabing palaisdaan sa Disyembre.


Si Manlapaz ay bumisita sa dalawang barangay upang mamahagi ng relief goods noong Biyernes, o dalawang araw matapos manalasa ang bagyong Glenda.

Inabutan niya ang mamamahayag na ito na noo’y naghahanda ng umalis upang magbalik sa kabayanan ng Hagonoy.

Ayon kay Manlapaz, inihahanda na nila ang pondo para sa rehabilitasyon at nakipag-ugnayan na sila kay Gob. Wilhelmino Alvarado upang hiramin ang dredging machine ng kapitolyo.

Iginiit pa ni Manlapaz kailangan nilang tulong sa pagsasagawa ng rehabilitasyon sa 13-kilometrong coastline ng bayang ito na ang malaking bahagi ay winasak na ng alon.
Dino Balabo

Tubig sa mga dam sa Luzon napataas ni Glenda, alokasyon sa magsasaka nagsimula na


 


MALOLOS—Umangat halos na metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, maging ang iba pang dam sa Luzon maliban sa San Roque dahil sa malakas na ulan na hatid ng bagyong Glenda.

Dahil dito, nagsimula na ang alokasyong patubig sa magsasakang Bulakenyo kahit nananatiling mas mababa sa kritikal na 180 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Kaugnay nito, sinabi ng National Power Corporation (Napocor) na kailangan nilang magsagawa ng cloud seeding sa Angat Dam bilang paghahanda na posibilidad ng pananalasa ng El Nino sa huling bahagi ng taon.

Batay sa tala ng Napocor,ang water elevationsa dam ay umangat sa 166.84 meters above sea level (masl) noong Huwebes ng umaga, Hulyo 17, kumpara sa naitalang 162.74 masl noong Miyerkoles ng umaga.

Ito ay nangangahulugan na umangat ang tubig sa dam ng 3.84 metro sa loob lamang ng 24-oras.

Ayon kay Gladys Sta. Rita, ang biglang pagtaas ay sanhi ng malakas na ulan na hatid ng bagyong Glenda.

Sa kabila nito, iginiit ni Sta Rita na magsasagawa pa rin sila ng cloud seeding operation.


Ito ay dahil na nanatiling mas mababa ang tubig sa dam kumpara sa kritikal na 180 metro.

 “We are coordinating closely with Pagasa. Last week, they already approved it,” ani Sta. Rita sa isang text message na ipinahatid sa Mabuhay noong Huwebes ng umaga.

Iginiit pa niya na ang pagsasagawa ng cloud seeding operation sa Angat Dam ay isa ring paghahanda sa posibilidad ng El Nino.

Kaugnay nito, nakaranas din ng bahagyang pagtaas ng lebel ng tubig ang iba pang pangunahing dam sa Luzon maliban sa San Roque Dam matapos manalasa ang bagyong Glenda noong Miyerkoles.

Batay sa tala na naipon ng Mabuhay mula sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa),ang lebel ng tubig sa Ambuklao Dam ay umakyat sa 741.20 masl noong Huwebes kumpara sa naitalang 740.22 masl noong Miyerkoles.

Umangat naman sa 568.49 masl ang tubig sa Binga Dam mula sa 567.70 masl sa katulad ding panahon; samantalang ang lebel sa Pantabangan Dam ay umakyat sa  177.44 masl mula sa 176.81masl; at ang lebelng tubig sa Magat Dam umangat sa 160.95 masl mula sa 160.48 masl.

Sa lalawigan ng  Pangasinan, bumaba naman ang tubig ng San Roque Dam sa 233.84 masl mula sa naitalang  234.40 masl noong Miyerkoles.

Samantala, bahagya ring tumaasang tubig sa Bustos Dam na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration (NIA) matapos lisanin ni Glenda ang Pilipinas
.
Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang lebel ng tubig sa Bustos Dam ay umangat sa 17.35 masl mula sa dating 16.44 masl.

Dahil sa pagtaas ng tubig sa dalawang dam sa lalawigan, nagsimula ng magpadaloy ng patubig sa mga magsasakang Bulakenyo ang NIA noong Huwebes, Hulyo 17.

Ngunit wala paring ipinagkakaloob ang na alokasyon ang Angat Dam.

Matatandan na noong Mayo, sinabi ni Inhinyero Precioso Punzalan ng NIA na plano nilang magpadaloy ng tubig para sa irigasyon ng magsasaka noong Hunyo 16.

Ngunit ito ay hindi agad natupad dahil nananatiling mababa ang tubig sa dam.

Dahil dito naantala ang pagtatanim ng magsasakang Bulakenyo.

Ayon kay Guillermo Mangaluz, pangulo ng Angat-Maasim River Irrigation System  Irrigators Association Confederation (Amris-Confederation) hindi sila nakatanim matapos linangin ang kanilang bukirin.

Ito ay dahil sa hindi nila matukoy noon kung kailan sila padadaluyan ng tubig ng NIA upang masustinihan ang kanilang pananim na palay.  Dino Balabo

Napocor handa sa ika-2 bugso ng cloud seeding



 

MALOLOS—Naghahanda na ang National Power Corporation (Napocor) sa ikalawang bahagi ng pagsasagawa ng cloud seeding operation sa Angat Dam.

Ito ay sa kabila ng pagpasok ng tag-ulan at pananalasa ng bagyong Glenda noong Miyerkoles, Hulyo 16 na bahagyang nagpataas ang tubig sa dam.

Gayunpaman, nananatiling mababa sa kritikal na 180 metro ang lebel sa dam at higit na mas mababa sa normal high level na 210 meters above sea level (masl) kung tag-ulan.

Naitala ang pagtaas na 3.84 metro sa dam  noong Huwebes, Hulyo 17 ng umangat ito sa 166.58 masl mula sa 166.74 na naitala noong Miyerkoles, Hulyo 16.

Ayon saNapocor, anumang oras ay maaari nilang simulan ang cloud seeding operation dahil nananatiling mababa ang tubig sa dam sa kabila ng pagtaas nito sanhi ng bagyong Glenda.

Ang pagtaas ng tubig sa dam ay inasahan ng Napocor mula pang noong Lunes, Hunyo 14 dahil sa noo’y tinatatayang sa sa Gitnang Luzon tatahak ang mata ng bagyo.

Ngunit ito at bahagyang lumihis at tumama sa Rapu-rapu sa lalawigan ng Albay sa Bicol at tuluyang tumahak sa bahagi ng kalakhang Maynila noong Miyerkoles.

Bago dumating ang bagyo,sinabi ni Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) na kung mapatataas ng sapat ng ulan na hatid ng bagyo ang tubig sa dam, posibleng hindi na nila ituloy ang cloud seeding.

Ngunit dahil sa hindi naging sapat ang ulan na naipon sa dam, sinabi niya na itutuloy ito dahil bago pa dumating ang bagyong Glenda ay nakaplano na ang operasyon.

Matatandaa na noong Mayor ay sinimulan ang  ang cloud seeding operation sa dam dahil sa patuloy napagkaubos ng tubig doon.

Ang nasabing operasyon ay ginastusan ng dalawang konsesyunaryo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng P2.6-Milyon.

Ang nasabing operasyon ay nakabuo ng 60 flight hours.

Ganito rin katagal at kalaki ang gugugulin ng Napocor sa pagsasagawa ng ikalawang bahagi ng cloud seeding.

Hinggil naman sa epekto ng natapos na operasyon, sinabi ni German, na hindi man nito napaangat ang tubig sa dam ay napabagal nito ang pagbaba.

Dahil nananatiling mas mababa sa kritikal na 180 meters ang tubig sa dam, hindi pa rin nagbibigay ng alokasyong tubig ang Napocor sa magsasakang Bulakenyo.

Nilinaw ni German na polisiya ng pamahalaan na bigyang prayoridad ng Napocor at National Water Resources Regulatory Board (NWRB) ang pangangailangan sa tubig inumin ng kalakhang Maynila kapag sumayad sa kritikal na 180 masl ang tubig sa dam.

Sa kasalukuyan, patuloy pang nagpapadaloy ang Angat Dam ng alokasyong 41 cubic meters per second (cms) para sa kalakhang Maynila.

Matatandaan na nagsimulang bumaba ang tubig sa Angat Dam mula noong Disyembre dahil sa kawalan ng ulan.

Noong Mayo, sumayad sa kritikalna 180 metro ang lebel ng tubig sa dam at pinutol ang alokasyon  para sa irrigasyon ng magsasaka.

Noong nakaraang linggo, hiniling ng mga magsasakang Bulakenyo sa NWRB na bawasan ang alokasyon sa konsesyunaryo ng MWSS upang mapabilios ang pagtaas ng lebel ng tubig sa dam.

Ito ay dahil sa kasalukuyan, mas maraming tubig ang pinalalabs ng dam patungo sa MWSS kumpara sa naiipong tubig mula sa ulan.  Dino Balabo