Tuesday, July 29, 2014

Tubig sa mga dam sa Luzon napataas ni Glenda, alokasyon sa magsasaka nagsimula na


 


MALOLOS—Umangat halos na metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, maging ang iba pang dam sa Luzon maliban sa San Roque dahil sa malakas na ulan na hatid ng bagyong Glenda.

Dahil dito, nagsimula na ang alokasyong patubig sa magsasakang Bulakenyo kahit nananatiling mas mababa sa kritikal na 180 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Kaugnay nito, sinabi ng National Power Corporation (Napocor) na kailangan nilang magsagawa ng cloud seeding sa Angat Dam bilang paghahanda na posibilidad ng pananalasa ng El Nino sa huling bahagi ng taon.

Batay sa tala ng Napocor,ang water elevationsa dam ay umangat sa 166.84 meters above sea level (masl) noong Huwebes ng umaga, Hulyo 17, kumpara sa naitalang 162.74 masl noong Miyerkoles ng umaga.

Ito ay nangangahulugan na umangat ang tubig sa dam ng 3.84 metro sa loob lamang ng 24-oras.

Ayon kay Gladys Sta. Rita, ang biglang pagtaas ay sanhi ng malakas na ulan na hatid ng bagyong Glenda.

Sa kabila nito, iginiit ni Sta Rita na magsasagawa pa rin sila ng cloud seeding operation.


Ito ay dahil na nanatiling mas mababa ang tubig sa dam kumpara sa kritikal na 180 metro.

 “We are coordinating closely with Pagasa. Last week, they already approved it,” ani Sta. Rita sa isang text message na ipinahatid sa Mabuhay noong Huwebes ng umaga.

Iginiit pa niya na ang pagsasagawa ng cloud seeding operation sa Angat Dam ay isa ring paghahanda sa posibilidad ng El Nino.

Kaugnay nito, nakaranas din ng bahagyang pagtaas ng lebel ng tubig ang iba pang pangunahing dam sa Luzon maliban sa San Roque Dam matapos manalasa ang bagyong Glenda noong Miyerkoles.

Batay sa tala na naipon ng Mabuhay mula sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa),ang lebel ng tubig sa Ambuklao Dam ay umakyat sa 741.20 masl noong Huwebes kumpara sa naitalang 740.22 masl noong Miyerkoles.

Umangat naman sa 568.49 masl ang tubig sa Binga Dam mula sa 567.70 masl sa katulad ding panahon; samantalang ang lebel sa Pantabangan Dam ay umakyat sa  177.44 masl mula sa 176.81masl; at ang lebelng tubig sa Magat Dam umangat sa 160.95 masl mula sa 160.48 masl.

Sa lalawigan ng  Pangasinan, bumaba naman ang tubig ng San Roque Dam sa 233.84 masl mula sa naitalang  234.40 masl noong Miyerkoles.

Samantala, bahagya ring tumaasang tubig sa Bustos Dam na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration (NIA) matapos lisanin ni Glenda ang Pilipinas
.
Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang lebel ng tubig sa Bustos Dam ay umangat sa 17.35 masl mula sa dating 16.44 masl.

Dahil sa pagtaas ng tubig sa dalawang dam sa lalawigan, nagsimula ng magpadaloy ng patubig sa mga magsasakang Bulakenyo ang NIA noong Huwebes, Hulyo 17.

Ngunit wala paring ipinagkakaloob ang na alokasyon ang Angat Dam.

Matatandan na noong Mayo, sinabi ni Inhinyero Precioso Punzalan ng NIA na plano nilang magpadaloy ng tubig para sa irigasyon ng magsasaka noong Hunyo 16.

Ngunit ito ay hindi agad natupad dahil nananatiling mababa ang tubig sa dam.

Dahil dito naantala ang pagtatanim ng magsasakang Bulakenyo.

Ayon kay Guillermo Mangaluz, pangulo ng Angat-Maasim River Irrigation System  Irrigators Association Confederation (Amris-Confederation) hindi sila nakatanim matapos linangin ang kanilang bukirin.

Ito ay dahil sa hindi nila matukoy noon kung kailan sila padadaluyan ng tubig ng NIA upang masustinihan ang kanilang pananim na palay.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment