MALOLOS – Bawal na ang pagbebenta at paggamit ng
plastic sa Bulacan.
Ito ang nilalaman ng Panlalawigang Ordinansa Bilang 2012-09
na nilagdaan ni Gob. Wilhelmino Alvarado noong Lunes, Marso 26, matapos
pagtibayin ng Sangguniang Panlalawigan noong Marso 6.
Ito ay nagbabawal ng paggamit ng non-biodegradable plastic
bags, styrofoam at mga kauri nito bilang mga packaging materials, bukod sa
nagtatakda ng multang P5,000 o pagkakabilanggo ng isang taon sa sinumang
lalabag.
Ayon kay Alvarado, ang nasabing ordinansa ay isang malinaw
na hakbang sa pangangalaga ng kalikasan ng Bulacan para sa susunod na
salinlahing Bulakenyo.
“Namana natin sa ating mga ninuno ang ating kalikasan
ngayon, kaya tayo naman ay may responsibilidad na pangalagaan ito para sa
susunod na henerasyon,” ani ng punong lalawigan.
Binigyang diin niya na ang ordinansa ay agad na ipatutupad
matapos mapagtibay ang implementing rules and regulations (IRR) nito.
Ang ordinansa ay pinagtibay ng SP halos anim na buwan
matapos lumiham si Alvarado upang lumikha ng batas na nagbabawal ng paggamit ng
mga plastic bag sa mga palengke sa lalawigan.
Ngunit ang liham ni Alvarado ay pinalawak ng Sanggunian
upang ang batas ay maipatupad sa 569 barangay sa lalawigan.
Ayon kay Bokal Felix Ople, ang may akda ng ordinansa, ito ay
naglalayon na maipakita sa sinumang mamamayan hindi lamang sa mga taga-Bulacan
na ang lalawigan ay ganap na huwaran, nagpapahalaga, at nagmamalasakit sa
kapaligiran at kalikasan.
Iginiit pa niya na layunin din ng ordinansa na makapagbigay
ng kaalaman, at mapukaw ang kamulatan ng mga opisyal ng pamahalaan at mamamayan
sa pinsalang maaring idulot sa patuloy na paggamit ng plastic.
“We need to control and regulate use of plastics to maintain
balance in ecology,” ani ng Bokal na anak ni dating Senador Blas F. Ople.
Ipinaliwanag niya na sa mahabang panahon, ang mga plastic at
styrofoam ay natukoy bilang sanhi ng pagbabara ng mga kanal, sapa at ilog sa
lalawigan na nagbubunga ng mga biglaang pagbaha.
Kaugnay nito, ipinatutupad na ng SM Supermalls sa Baliuag at
Marilao ang no plastic policy sa kanilang mga food court.
Ayon kay Beverly Bernardo-Cruz, ang public relations
specialist ng SM City Baliuag, mula noong Marso 15 ay sinimulan na ng kanilang
mga mall tenant ang paggamit ng mga paper cup at paper bags.
“It is in anticipation for the ban on plastics in the
province and partly because SM Supermalls have our own green program,” ani
Bernardo-Cruz.
Sinabi niya na
bago mapagtibay ang nasabing ordinansa ay inimbita sila ng Sangguniang
Panlalawigan para sa isang konsultasyon.
Para kay Bernardo-Cruz,
umaayon sa kanilang kampanyang SM Cares program ang nasabing ordinansa.
Bukod sa nasabing kampanya, nagsasagawa rin ang SM
Supermalls ng program para sa recycling na tinaguriang “trash to cash
recycling”, at ang reusable green bag program.
No comments:
Post a Comment