Monday, March 5, 2012

Task Force Anti-illegal logging dapat ng buuin


MALOLOS—Pinayuhan ng Sagip Sierra Madre Environmental Society Inc., (SSMESI) kay Gob. Wilhelmino Alvarado na buuin na ang Task Force Anti-illegal logging sa Bulacan bilang bahagi ng pagpapaigting ng kampanya para sa proteksyon sa kabundukan.

Kaugany nito, nangangamba na ang ilang nagbabantay sa kabundukan ng Bulacan dahil sa pagiging marahas ng mga kasapi ng grupong sangkot sa timber poaching sa Angat Watershed.

Ayon kay Bro. Martin Francisco, tagapangulo ng SSMESI, kailangan ng mabuo ang nasabing task force upang matiyak na mapoproteksyunan ang nalalabing punong kahoy sa kabundukan ng Bulacan kabilang na ang mga nasa loob ng mahigit sa 55,000 Angat Dam Watershed sa bayan ng Norzagaray.

“Tuloy-tuloy ang pamumutol sa kabundukan kaya kailangan na ang ma-activate ang Task Force,” ani Francisco sa isang panayam noong Biyernes ng hapon, Enero 6.

Binigyang diin ni Francisco na ang nasabing task force na bubuuin ng 20-katao ay dapat may kasamang mga sundalo.

“Kailangang may kasamang sundalo dahil mga armado yung mga timber poachers sa bundok,” ani Franciso.

Bukod dito, ipinayo niya na ang mga kasapi ng Task Force ay kailangan sa bundok din nakatira upang mabatayan ang kilos ng mga timber poachers.

“Hindi pwede aakayat yung task force sa bundok at mag-ooperate ng isang araw, tapos at bababa at uuwi; eh, pagtatawanan lang iyan ng mga namumutol ng kahoy, doon sila nakarita sa bundok,” ani Francisco.

Bukod dito, napahayag na ng pangamba ang mga nagbabantay sa kabundukan dahil sa pagiging marahas ng mga timber poachers na sinasabing kasapi ng grupong Aniban ng Magsasaka at Mangingisda at Manggagawa sa Angat (AMMMA).

Ito ay dahil sa isang forest guard ng National Power Corporation –Angat Watershed Area Team (Napocor-Awat) ang binugbog ng mga ito noong Disyembre.

Matatandaan na noong 2005, pinatay sa saksak ng mga hinihinalang timber poachers si Pastor Winifredo Montecillo sa Brgy. Ipo  sa Norzagaray matapos magsagawa ng isang Bible study.

Si Montecillo ay isang pastor ng Assemblies of God na nagpahayag ng paglaban sa mga timber poachers sa pamamagitan ng mga sermon at pagbibigay impormasyon sa mga pulis ng mga gawain nito.

Ang paninindigan ni Montecillo laban sa mga timber poachers ay ikinagalit ng mga ito.

Sa kasalukuyan, isa mang residente ng mga barangay ng Ipo, San Mateo at San Lorenzo sa Norzagaray ay walang maglakas ng loob magsalita laban sa mga timber poacher.

Ayon kay Mendel Garcia, hepe ng Napocor-Awat, nauunawaan nila ang kalagayan ng mga residente.

Ito ay dahil sa natatakot ang mga residente sa mga timber poachers na namumutol ng punong kahoy sa Angat Dam Watershed.

Ang 55,000 ektrayang Angat Dam Watershed ay matatagpuan sa silangang bahagi ng Bulacan.  Ito bahagi ng mahigit sa 100,000 ektarayang kabundukan na nasasakop ng lalawigan.

Ngunit sa kasalukuyang, ang nagbabatay sa kabundukang iyon ay 29 na forest guards.

Kabilang doon ang pitong forest guards ng Napocor-Awat, at 22 forest guards ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na ang ilan ay nalalapit ng magretiro sa serbisyo.

Ayon kay Garcia, ang ideyal na sukat ng kabundukan na dapat banatayan ng isang forest guard ay 3,000 ektarya, ngunit ang bawat isa sa forest guard nhg Napocor-Awat ay nagbabantay sa halo 8,000 ektarya ng kabundukan.

No comments:

Post a Comment