Albay Gov. Joey Salceda |
LUNGSOD NG MALOLOS—Dapat
magbitiw sa tungkulin ang direktor ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na si
Leo Jasareno, ayon kay Gob. Joey Salceda ng lalawigan ng Albay.
Kaugnay nito, ibinulgar ni
Salceda na hindi nakonsulta ang mga pamahalaang lokal sa inihandang executive
order (EO) ng Malakanyang hinggil sa pagmimina; samantalang inilarawan niya ang
mga ordinansang laban sa pagmimina na pinagtibay ng 40 lalawigan bilang isang
halimbawa ng bagong pag-asa sa mga pamayanan sa lalawigan.
Samantala, ipinahiwatig din
ng gobernador na ang nasa likod ng nakabinbing EO sa Malakanyang ay isang grupo
ng mayayamang elitista; at nilinaw na ang pagmimina ay isang negosyong para sa
mayayaman lamang.
“He should resign because he
is supposed to regulate the industry and yet he leans towards promoting the
interest of the mining companies,” ani Salceda sa 10 piling mamamahayag na
kalahok sa Environmental Investigative Reporting fellowship na inorganisa ng
International Womem’s Media Foundation (IWMF) at isinagawa sa Astoria Plaza sa
Ortigas sa Lungsod ng Pasig noong Hunyo 20-23.
Nilinaw ng gobernador na
bilang pinuno ng MGB na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural
Resources (DENR), dapat ay isulong ni Jasareno ang kapakanan ng mamamayan sa
pamamagitan ng pagpapatupad ng mga batas at iba pang regulasyon hinggil sa
pagmimina.
“He is so dismissive and
condescending to LGUs, dapat regulator siya at hindi promotor,” ani pa ni
Salceda na isang ekonomista ngunit sa simula pa lamang ay tutol na sa
pagmimina.
Ipinaliwanag niya na kung
mayroong dapat mamamagitan sa mga nagbubungguang hanay ng mga pamahalaang lokal
at kumpanyang nagmimina, ito ay walang iba kundi si Jasareno.
Hinggil sa nakabingbing EO
sa pagmimina, sinabi niya na hindi kinonsulta ng Malakanyang ang mga
pamahalaang lokal.
“They should have consulted
the local government units through the Regional Development Councils (RDCs) or
social action center and other agencies that provide voice to local
communities,” sabi ng gobernador na kasapi ng Liberal Party patungkol sa
Malakanyang.
Bilang isa sa mga tagapayo ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo,
hindi inilihim ni Salceda ang harapang pagtutol sa pagmimina.
Iginiit niya na madalas
nilang pagtalunan ni dating Environment Secretary Michael Defensor ang usapin
ng pagmimina.
Dahil naman sa pagpapatiaby
ng 40 lalawigan ng mga ordinansang tutol sa pagmimina, nagbabala si Salceda sa
posibilidad ng banggaan sa pagitan ng mga pamahalaang lokal at ng Malakanyang.
Ito ay dahil sa ang mga
pamahalaang lokal ang kumakatawan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga
nasabing ordinansa, samantalang ang Malakanyang ang lumalabas na kumakatawan sa
interes ng mga kumpanyang nagmimina.
Sa panayam ng mga
mamamahayag hinggil sa nararamdamang di pagkakaintindihan ng Malakanyang at mga
pamahalaang lokal, simple ang kanyang nasaging sagot.
Ito raw ay dahil sa
impluwensiya ng mga “unenlightened unelected elite” na nasa likod ng pagbuo ng
EO.
Para sa gobernador, ang pagmimina ay hindi para sa mahirap, sa halip ito ay
negosyo ng mayayaman.
Binigyang diin niya na halos
lahat ng lalawigang may minahan ay nananatiling mahirap.