Thursday, June 28, 2012

Bagong teknolohiya gagamitin ng DENR sa pagbabantay sa kalikasan


 
LUNGSOD NG MALOLOS—Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na higit na paiigtingin ang pagbabantay sa mga minahan at kabundukan.

Ito ay sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya tulad ng mga sensor at mga aerial drones na may camera.

Dahil dito, masusubaybayan ng DENR ang mga gawain sa minahan maging ang bahagi ng kabundukan na pingsasagawaan ng logging o pamumutol ng punong kahoy.

Ayon kay Ramon Paje, Kalihim ng DENR, nakipag-ugnayan na siya kay Mario Montejo, ang kalihim ng Department of Science and Technology (DOST).

“There must be a science in it,” ani Paje sa 10 piling mamamahayag na kalahok sa Environmental Investigative Reporting Fellowship na inorganisa ng International Women’s Media Foundation (IWMF).

Si Paje ay nagsilbi bilang isa sa mga panauhing tagapagsalita sa nasabing pagsasanay na isinagawa sa Astoria Plaza sa Ortigas sa Lungsod ng Pasig nitong Hunyo 20-23.

Nilinaw niya na ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pangangalaga sa kalikasan ay bahagi ng mga probisyon ng nakabimbing Executive Order hinggil sa pagmimina na habang sinusulat ang balitang ito ay naghihitay pang lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino.

“It will be a game-changer sa mining industry because it will raise the bar of standards with the use of state of the art technology in all mining operations,” aniya.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Paje ang mga sensor na ilalagay sa mga minahan ay maaaring gastusan ng mga kumpanyang nagmimina.

Ito ay may kakayahang matukoy ang antas ng mercury at cyanide, na kapwa nakalalasong kemikal na gamit sa pagmimina.

Ipinaliwanag pa niya na ang mga impormasyong magmumula sa mga sensor ay maaaring mabasa at maanalisa nila sa kanyang tanggapan.

“They call it telemetry and we can get real time results from the sensors, so kahit di namin puntahan, we will already have an idea,” aniya.

Bukod dito, sinabi ni Paje na gagamit din sila ng mga aerial drones o maliliit na eroplanong may kamera na paliliparin sa himpapawid ng mga kabundukan at maging sa mga lugar na napinsala ng kalamidad.

“It is cheaper and safer than sending personnel to mining and logging areas,” aniya, at nilinaw na ang mga aerial drones ay ginagamit na ng ilang ahensiya ng gobyerno ngayon.

Ipinagmalaki pa niya na mas malinaw ang mga kuhang larawan ng mga aerial drones kumpara sa satellite, dahil mas mababa ang lipad nito.

“Images taken by drones have resolution of one meter compared to satellites images which have 10 meters resolution,” ani ng kalihim.(Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment