Sunday, June 3, 2012

Bulacan, handa na para sa Buwan ng Kapaligiran




LUNGSOD NG MALOLOS — Kaugnay ng pagdiriwang  ng Buwan ng Kapaligiran ngayong Hunyo, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) ay maglulunsad ng mga serye ng aktibidad na naglalayong  itaas ang kaalaman at hikayating lumahok ang mga Bulakenyo sa pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran.

May temang “Linangin ang Kakayahan, Kalingain ang Kalikasan para sa Kinabukasan”, sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na mag-uumpisa ang nasabing selebrasyon sa pamamagitan ng groundbreaking ng Bulacan Ecology Center na matatagpuan sa bisinidad ng Bulacan Medical Center sa Hunyo  4, 2012, ganap na ika- 7:00 ng umaga na susundan ng maikling programa kaalinsabay naman ng Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gym  sa lungsod na ito.

Nakatakda ring ilunsad ang proyekto ng BENRO na Eco-Trike na kabilang sa kanilang pangkabuhayan at programang solid waste management, gayundin ang pamamahagi ng mga silyang pampaaralan mula sa mga narekober na mga troso, dagdag pa niya. 

Sa Hunyo 15 naman ay magkakaroong ng groundbreaking sa historical marker sa Real De Kakarong, Pandi upang i-promote at protektahan ang mga eco-tourism na lugar sa lalawigan. Gaganapin din ang KKK ( Kalikasan, Kasaysayan at Kasarinlan) painting contest at Tree Planting.

Samantala, isang  Environmental Summit naman ang idadaos sa Hunyo 21 sa Bulacan Hiyas Pavilion na naglalayong himukin na  aktibong lumahok at makialam ang bawat Bulakenyo sa mga programa laban sa  climate change na dadaluhan ng mga environment stakeholder, academe, may-ari ng malalaking industriya, pamahalaang lokal at mga kinatawan sa Kongreso.

Dagdag pa dito, gaganapin din ang Basic Training on Environmental Law Enforcement sa Hunyo 26 upang palakasin ang kakayahan ng mga bayan at lungsod gayundin ang mga tauhan ng BENRO, MENRO, CENRO  at mga environmental law enforcer hinggil sa basic law enforcement.

Sa Hunyo 29, ilulunsad ang Collaborative Governance of Urbanizing Watersheds, isang institusyon, kumprehensibong pananaliksik at capacity building para sa pangmatagalan at epektibong adaptasyon sa Angat River Basin.

Samantala, sinabi ni Alvarado at BENRO Officer Atty. Rustico de Belen na buong taon silang kikilos at maglulunsad ng mga programa upang higit na maipaabot sa mga Bulakenyo ang kahalagahan ng pangangalaga at pagprotekta sa kalikasan upang mapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon.

No comments:

Post a Comment