Thursday, June 14, 2012

Pinakamahabang zipline sa bansa, itatayo sa Angat dam



NORZAGARAY, Bulacan—Matapos ang mahigit 42-taong operasyon ng Angat Dam, inihayag ng National Power Corporation (Napocor) ang plano na buksan ito sa turismo sa susunod na taon.

Ang pagbubukas na ito ay tatampukan ng isang kilometrong zipline at iba pang atraksyong tulad ng bungee jumping, mounting trekking, bird watching at boating.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) ng Napocor, ang planong zipline ay tinatayang magiging pinakamahaba sa bansa, o maging sa buong Asya.

Ito ay mas mahaba sa 840-metrong zipline na matatagpuan sa bayan ng Manolo Fortich sa lalawigan ng Bukidnon sa Mindanao na binuksan sa publiko noong 2009.

Ipinaliwanag ni German na malaking tulong ang Angat Dam bilang tourist attraction lalo na sa lokal na pamahalaan na nakakasakop dito.

Gayunpaman, nilinaw niya na hindi magiging problema ang seguridad sa nasabing dam na sa loob ng 43-taon ay hindi basta mapasok ng tao kabilang na ang mga mamamahayag maliban na lang kung may permiso mula sa punong tanggapan ng Napocor na matatagpuan sa Lungsod ng Quezon.

Sinabi pa niya na sa katunayan ngayon pa lamang ay may mga pagkakataon na may mga dumadayo sa Angat Dam watershed upang mag-bird watching.

Bukod dito, igiiniit pa ni German na may mga namamataang agila sa watershed.

Una nang naihayag ni Danilo Sevilla, bise president eng Napocor, ang mga namamataang agila sa Angat Dam Watershed.

Isa raw iyon sa patunay na makapal pa ang punong kahoy sa watershed, sa kabila ng di mapigil na operasyon ng mga timber poachers.

Ayon naman ay Bro. Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society, ang mga agilang namamataan sa watershed ay isang magandang dahilan upang higit na paigtingin ang pagbabantay at pangangalaga doon.

No comments:

Post a Comment