Thursday, June 28, 2012

PANAWAGAN NI SALCEDA: Jasareno resign

Albay Gov. Joey Salceda



LUNGSOD NG MALOLOS—Dapat magbitiw sa tungkulin ang direktor ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na si Leo Jasareno, ayon kay Gob. Joey Salceda ng lalawigan ng Albay.

Kaugnay nito, ibinulgar ni Salceda na hindi nakonsulta ang mga pamahalaang lokal sa inihandang executive order (EO) ng Malakanyang hinggil sa pagmimina; samantalang inilarawan niya ang mga ordinansang laban sa pagmimina na pinagtibay ng 40 lalawigan bilang isang halimbawa ng bagong pag-asa sa mga pamayanan sa lalawigan.

Samantala, ipinahiwatig din ng gobernador na ang nasa likod ng nakabinbing EO sa Malakanyang ay isang grupo ng mayayamang elitista; at nilinaw na ang pagmimina ay isang negosyong para sa mayayaman lamang.

“He should resign because he is supposed to regulate the industry and yet he leans towards promoting the interest of the mining companies,” ani Salceda sa 10 piling mamamahayag na kalahok sa Environmental Investigative Reporting fellowship na inorganisa ng International Womem’s Media Foundation (IWMF) at isinagawa sa Astoria Plaza sa Ortigas sa Lungsod ng Pasig noong Hunyo 20-23.

Nilinaw ng gobernador na bilang pinuno ng MGB na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), dapat ay isulong ni Jasareno ang kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga batas at iba pang regulasyon hinggil sa pagmimina.

“He is so dismissive and condescending to LGUs, dapat regulator siya at hindi promotor,” ani pa ni Salceda na isang ekonomista ngunit sa simula pa lamang ay tutol na sa pagmimina.

Ipinaliwanag niya na kung mayroong dapat mamamagitan sa mga nagbubungguang hanay ng mga pamahalaang lokal at kumpanyang nagmimina, ito ay walang iba kundi si Jasareno.

Hinggil sa nakabingbing EO sa pagmimina, sinabi niya na hindi kinonsulta ng Malakanyang ang mga pamahalaang lokal.

“They should have consulted the local government units through the Regional Development Councils (RDCs) or social action center and other agencies that provide voice to local communities,” sabi ng gobernador na kasapi ng Liberal Party patungkol sa Malakanyang.

Bilang isa sa mga tagapayo ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, hindi inilihim ni Salceda ang harapang pagtutol sa pagmimina.

Iginiit niya na madalas nilang pagtalunan ni dating Environment Secretary Michael Defensor ang usapin ng pagmimina.

Dahil naman sa pagpapatiaby ng 40 lalawigan ng mga ordinansang tutol sa pagmimina, nagbabala si Salceda sa posibilidad ng banggaan sa pagitan ng mga pamahalaang lokal at ng Malakanyang.

Ito ay dahil sa ang mga pamahalaang lokal ang kumakatawan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga nasabing ordinansa, samantalang ang Malakanyang ang lumalabas na kumakatawan sa interes ng mga kumpanyang nagmimina.

Sa panayam ng mga mamamahayag hinggil sa nararamdamang di pagkakaintindihan ng Malakanyang at mga pamahalaang lokal, simple ang kanyang nasaging sagot.

Ito raw ay dahil sa impluwensiya ng mga “unenlightened unelected elite” na nasa likod ng pagbuo ng EO.

Para sa gobernador, ang pagmimina ay hindi para sa mahirap, sa halip ito ay negosyo ng mayayaman.

Binigyang diin niya na halos lahat ng lalawigang may minahan ay nananatiling mahirap.

No comments:

Post a Comment