Friday, October 26, 2012

Dagdag na instrumento para sa babala kasama sa rehabilitasyon ng dam



Angat Dam

MALOLOS— Sasangkapan ng mga instrumentong gamit sa paghahatid ng babala angang nalalapit na pagkukumpuni sa Angat Dam, ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado.

Bukod sa mga instrumento, inilahad din ng punong lalawigan ang plano sa pagpapatibay sa mga pampangin ng Ilog Angat sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga kongretong dike o riprap.

Layunin ng pagkukumpuni sa dam ay mapatibay ito at maihanda sa inaasahang malakas na lindol at maging sa malakas na pag-ulan na tinawag na probable maximum flood (PMF).

Sa kanyang lingguhang palatuntunang isinahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado, Oktubre 14, sinabi ni Alvarado na nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino ang paglalabas ng pondong P5.7-Bilyon para sa pagkukumpuni ng dam.

Nilinaw niya na kasama sa paggugugulan ng nasabing pondo ay ang pagdadagdag ng mga instrumentong gamit sa early warning system o paghahatid ng panunang babala sa mga mamamayan.

Kabilang sa mga instrumentong idadagdag ay ang mga raingauge na magagamigt sa pagsukat ng buhos ng ulan at mga weather stations na may kakayahang sumukat sa antas ng temperatura at lakas ng ihip ng hangin.

Ang mga nasabing instrument ay lubhang kailangan sa patukoy ng kalagayan ng panahon na maaaring maging sanhi ng pagbaha sa lalawigan lalo kung darating ang pinangangambahang PMF.

“Importante ang mga rain gauge at weather stations sa ating pagtaya ng panahon,” ani Alvarado.

Bukod rito, sinabi niya na pauunlarin ang mga kasalukuyang linya ng telekomunikasyon tulad ng telepono at mga radyo.

Hinggil sa mga pampang ng Ilog Angat sinabi ni Alvarado na magtatayo ng mga kongkretong dike, partikular na sa mga lugar na mababa kung saan ay umaapaw ang tubig mula sa ilog.

Ayon pa sa gobernador, ang pagpapatibay ng pampang ilog at isang pagahahanda rin sa posibilidad ng pagguho o pagkaagnas ng lupa doon.

“Nagpapasalamat ang Bulacan  kay Pangulong  Aquinosa pagdinig sa ating karaingan at pagbibigay ng pondo para sa rehabilitasyon ng dam,” ai ng punong lalawigan.

Iginiit niya na matagal din siyang nag-ingay san a nasabing usapin ngunit hindi binigyang pansin ng pamahalaang pambansa.

“Congressman pa ko nuong una kong tinawag ang pansin ng Malakanyang pero walang nangyari.  Mabuti na lang at binigyang pansin ni Pangulong Noynoy (Aquino),” ani Alvarado.

Nagpasalamat din siya kay Arkitekto Gerry Esquivel, ang administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na nagbigay ng suporta sa Bulacan upang makumbinse ang Pangulo na pondohan ang proyekto.

Sa mas naunang panahayag ni Esquivel, sinabi niya na ang lubhang mahalaga ns makumpuni ang Angat Dam dahil batay sa mga pag-aaral ay nakaupo ito di kalayuan sa West Valley Fault Line system na kung gagalaw ay lilikha na lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ayon kay Esquivel, kapag nasira ng lindol ang dam ay mawawalan naman ng tubig ang kalakhang Maynila na isa sa kanilang pinangangambahan.

Engineer Rodolfo German
Kaugnay nito, inihayag ni Inhinyero Rodolfo German ng Angat River Hydro Electric Power Plant ng (Arhepp) ng National Power Corporation (Napocor) na namamahala sa dam na sisimulan sa buwang ito ang pagsusubasta para sa pagkukumpuni.

Ayon pa kay German, inaasahang masisimulan sa Enero ang pagkukumpuni na  matatapos sa 2017.

Ang Angat Dam ay itinayo noong dekada 60 at ito ang pinagkukunan ng 97 porsyento ngtubig inumin ng kalakhang Maynila, bukod pa sa pagpapatubig sa 28,000 ektaryang bukirkin sa Bulacan at Pampanga.

Ang Arhepp naman na aymay kakayahang lumikha ng 246 megawatt ng kuryente na pinadadaloy sa Luzon Grid ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na siyang naman pinagkukunan ng Meralco ng kuryente na pinadadaloy sa bawat tahanan. (dino balabo)

Tuesday, October 16, 2012

Gawad Kalasag 2012 nasungkit ng Bulacan

 
LUNGSOD NG MALOLOS—Tinanggap ng Bulacan ang pambansang parangal na Gawad Kalasag para sa Best Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa taong 2012 noong Miyekroles, Oktubre 9.

Ang parangal ay pormal na tinanggap nina Gob. Wilhelmino Alvarado at Bise Gob. Daniel Fernando mula kina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, Defense Secretary Voltaire Gazmin, ang pinuno ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Undersecretary Benito Ramos, ang punong tagapagpaganap nito.

Ang parangal ay ipinagkaloob sa simpleng seremonya sa Armed Forces of the Philippines Commissioned Officers’ Club sa loob ng Camp General Emilio Aguinaldo sa Lungsod ng Quezon ay nakasabay ng paglulunsad ng National Disaster Risk Reduction and Management Plan para sa taong 2011-2028.

Ang nasabing plano ay naglalayon na maipatupad ang Republic Act No. 10121 of 2010 na nagtakda ng mga basehang legal para sa mga polisiya, plano at mga programa sa pagtugon ng bansa sa mga kalamidad.

Ayon kay Alvarado, ang parangal ay isang pagkilala ng pamahalaang pambansa sa kahusayan ng lalawigan sa disaster risk reduction and management at sa epektibong pagbibigay direksyon sa mga lokal at ahensiya ng pamahalaang pambansa hinggil pagpapatapon ng tubig mula sa mga dam sa lalawigan.

Matatandaan na muling lumubog sa malawak na pagbaha ang malaking bahagi ng lalawigan nitong Agosto matapos ang pagbuhos ng malakas na ulan na hatid ng hanging habagat.

Dahil dito, agad tinutukan ni Alvarado ang pagpapatapon bg tubig ng Angat, Ipo at Bustos Dam upang maiwasan ang mas malalaim na baha sa Hagonoy at Calumpit. Ito ay dahil sa ang dalawang bayan ay dinadaluyan ng tubig na nagmumula sa Ilog ng Pampanga.

Dahil sa kalagayang ito, pinigil ni Alvarado ang maagang pagpapatapon ng tubig mula sa Angat Dam upang mapababa muna ang tubig na nagmula sa Ilog ng Pampanga na kaugnay ng Candaba Swamp.

Ayon sa punong lalawigan, ang pansamantalang pag-antala ng pagpapatapon ng tubig mula sa dam at pagpaparaan ng tubig na galing sa Ilog ng Pampanga ay nakakatulad ng pagpapadaloy ng trapiko.

Binigyang diin niya na upang hindi tuluyang lumalim ang baha sa Hagonoy at Calumpit, kinailangan muna na magpalipas ng ilang araw bago magpawala ng tubig ang Angat Dam.

Sa kabila nito, binigyang diin ng punong lalawigan ang di mapigil na pag-abuso sa kalikasan sa lalawigan, partikular na kabunduan na siyang isa sa mga dahilan ng pagbaha.

“Ang pinakamalaking kalamidad sa buhay ng tao ay ang araw-araw at oras-oras na pagpatay natin sa ating Inang Kalikasan tulad ng paglason sa dagat at ilog, pagsinsil sa kabundukan na parang nagpapalaki na lang ng isang aksidenteng inaantay na lamang na maging kalamidad tulad ng pagbaha at paglindol.

And in Bulacan, we are working together in good faith na mapagtagumpayang maprotektahan ang Bulacan laban sa mga kalamidad na nilikha ng tao,” sabi ng gobernador.

Hinggil sa parangal na tinanggap ng lalawigan, sinabi niya na magsisilbing inspirasyon ito sa PDRRMC lalo na at ang lahat ay may pananagutan at responsibilidad na hindi matatakasan sa panahon ng kalamidad.

Sabi pa ng gobernador, kapit-kamay na nagtatrabaho ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at lokal na komunidad at mga opisyal sa paghahanda laban sa kalamidad bukod sa patuloy na binabantayan ng kapitolyo ang estado ng mga kailugan at watershed na ayon sa kanya ay maaaring makaapekto sa pagbaha sa tuwing may malakas na bagyo o pag-ulan sa nasabing lalawigan.

Saturday, October 13, 2012

ANGAT REHAB: Bagyo mas pinangangambahan kaysa lindol




Angat Dam sa Hilltop, Norzagaray, Bulacan

NORZAGARAY, Bulacan—Mas nangangamba sa malakas na buhos ng ulan na hatid ng bagyo ang mga namamamahala sa Angat Dam sa bayang ito kaysa lindol.

Nilinaw din ng opisyal na ito ang pangunahing dahilan kung bakit isasailalim sa rehabilitasyon ang dam na inaasahang masisimulan sa 2013 at matatapos sa 2017.

Ang pagsusubasta para sa rehabilitasyon ng Angat Dam ay sisimulan sa buwang ito.  Ang rehabilitasyon na pinondohan na ng Malakanyang ay nagkakahalaga ng P5.7-Bilyon.

Ayon kay Inhiyero Rodolfo German, ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) na siyang namamahala sa dam, matibay ang Angat Dam at hindi basta masisira ng lindol na ihahatid ng paggalaw ng west valley fault line system.

Tinatayang aabot sa magnitude 7.2 ang lakas ng lindol na lilikhain ng paggalaw ng nasabing fault line.

Ngunit sa kabila nito, sinabi ni German na ang mas pinangangambahan nila ay ang probable maximum flood (PMF) na posibleng magbuhos ng ulan na aabot sa mahigit 12,000 cubic meters per second (CMS).

“Kung lindol lang ay kaya ng dam, pero yung PMF ang kinakabahan kami,” ani German.

Ipinaliwanag niya na ang PMF ay nakabatay sa pinakamalakas na pag-ulan na darating sa loob ng susunod na 10,000 taon.

Sa kasalukuyan, ang Angat Dam ay nakadisensyo para sa 5,800 cms na PMF sa loob ng 5,000 taon.

Subalit ang disenyong ito ay nalampasan na ng malakas ng ulan na hatid ng mga bagyong Winnie aty Yohyong noong nobyembre at Disyembre 2004.

Ayon kay German, umabot sa 11,000 cms ang tubig ulan na dumaloy sa Angat Dam sa panahon ng pananalasa ng magkasunod na bagyo noong 2004.

Matatandaan na sa pananalasa ng mga nasabing bagyo, naging dahilan ito upang mabarahan ng mga troso, putik at malalaking tipak ng bato ang 13 kilometro Umiray-Angat Transbasin tunnel.
Inhinyero German

“Yung PMF ang pangunahing dahilan kung bakit magkakaroon ng rehabilitation ang Angat Dam,’ ani German.

Ipinaliwanag niya na bahagi ng P5.7-Bilyong rehabilitasyon ng dam ay ang pagpapalapad sa mga matatarik na dike nito at konstruksyon ng dagdag na spillway.

Sa kasalukuyan, ang 45 taong Angat Dam ay may isang spillway  na may tatlong gate.  Ito ang ginagamit para sa mabilisang pagpapatapon ng tubig sa Ilog Angat.

Ayon kay German, kung darating ang PMF na magbubughos ng ulan na may 12,000cms, ang itatayong auxiliary spillway ng dam ay kanilang bubuksan para sa mabilisang pagpapatapon ng tubig.

Ito ay upang mabawasana ng tubig sa dam at maiwasan ang posibilidad ng pagkasira ng mga dike nito kung sakaling aapaw sa ibabaw ang tubig palabas.

 “It will be safe for another 10,000 years, but we have to pray that there will be no PMF during the construction,” ani German patungkol sa dam kapag natapos ang rehabilitasyon.

Hinggil naman sa posibilidad na pagkasira ng dam kung lilindol ng may lakas na 7.2 magnitude,”muling iginiit ng inihinyero na matibay ang dam.

“Angat Dam is designed to withstand that earthquake,” aniya at iginiiit na matapos ang dalawang malalakas na lindol sa kasysayan ng dam, hindi ito napinsala.

Ang kanyang tinutukoy ay ang malakas na lindol noong 1969 na naging sanhi ng pagguho ng Ruby Tower; at ang lindol noong Hulyo 16, 1991 na naging sanhi ng pagguho ng mga gusali sa mga Lungsod ng Baguio at Cabanatuan sa Nueva Ecija.
(Dino Balabo)

Higit sa 2-M Bulakenyo ang maaapektuhan ng bahang hatid ng lindol

HAGONOY, Bulacan—Mahigit sa 2-milyong Bulakenyo ang maaapektuhan ng biglang pagbahang ihahatid ng pagsira ng Angat Dam sanhi ng malakas na lindol.

Ang bilang na ito ay batay sa pagtaya ng Mabuhay ayon sa tala ng bilang ng mga residente sa 20 bayan at lungsod sa lalawigan na tinatayang masasalanta.

Ayon kay Defense Undersecretary Eduardo Batac, aabot sa 20 bayan ay lungsod sa lalawigan ang maaapektuhan ng biglang pagbahang ihahatid ng pagsira ng dam kung lilindol ng malakas sanhi ng paggalaw west valley fault line system.

Usec Ed Batac (C) kasama sina Gov. Alvarado at Dir. Timoteo
 Bukod dito, sinabi ni Batac na pio pang bayan sa Pampanga at tatlong lungsod sa Kalakhang Maynila ang maaaring sagsaan ng biglang pagbaha sanhi ng lindol.

Ngunit sa panayamng Mabuhay kay batas sa bayan ng Calumpit noong Setyembre 24, hindi siya nagbigay ang aktuwal na bilang populasyon na maaapektuhan.

Sa halip ay iginiit niya na layunin ng pamahalaan na mapaliit ang bilang ng maaapektuhan sa biglang pagbaha na ihahatid ng lindol.

Idinagdag pa niya na ang kalagayang ito ang dahil kung bakit nagsagawa sila ng isang earthquake drill sa bayan ng Calumpit noong Setyembre 24.

Ngunit batay sa impormasyong naipon ng Mabuhay at sa mga pahayag ng opisyal, nagsagawa ng pagtaya ang Mabuhay.

Kung ang pagbabatayan ng maaapektuhan ay 20 bayan at lungsod sa lalawigan, posibleng umabot sa 2,070,797 Bulakenyo ang maaapektuhan.

Batay sa tala ng National Statistics Office (NSO) kaugnay ng isinagawa census of population noong 2010, ang Bulacan ay may kabuuang populasyon na 2,924,433.

Ang mga residente maapektuhan sa lalawigan ay ang mga nakatira sa mga bayan ng Angat, Balagtas, Baliuag, Bocaue, Bustos, Bulakan, Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Marilao, Norzagaray, Obando, Pandi, Paombong, Pulilan, Plaridel, San Ildefosno, San Rafael, at mga Lungsod ng Malolos at Meycauayan.

Tinataya ng mga opisyal na ang Lungsod ng San Jose Del Monte, at mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, San Miguel at Sta. Maria ay hindi masyadong maaapektuhan ng sinasabing baha na ihahatid ng lindol.

Ayon kay Gob.Wilhelmino Alvarado, ang biglang pagbaha na hatid ng pagkasira ng dam ay maaaring maghatid ng rumaragsang tubig sa kahabaan ng Ilog Angat na may taas na 30 talampakan.

Dahil dito, sinabi ni Alvarado na ang mga pangunahing maaapektuhan ay ang mga nakatira sa gilid ng nasabing ilog.

Samantala, iginiit naman ni Batac na dapat mabigyan ng sapat na kaalalaman at kasanayan ang mga kabataan sa pagtugon hinggil sa nasabing kalamidad.

Ito ay dahil sa ang mga kabataan ay nabibilang sa hanay ng vulnerable sector o kapos sa kakayahan.

“Maraming vulnerable sector sa Bulacan, lalo na yung mga kabataan na dapat na mapangalagaan,” ani Batac.

Nilinaw din niya na ang pagbibigay ng pagsasanay o earthquake drill sa mga paaralan ay bahagi ng pagtatangka ng National Disaster Risk Reduction Management Council na maihanda ang mga kabataan.

Ayon kay Batac, ang mga kabataan ang mga susunod na lider ng bayan.  (Dino balabo)

30 minuto lang ang pagahahatid ng babala sa pagkasira ng dam



Mapa ng mga mapaminsalang lindol sa Pilipinas

CALUMPIT, Bulacan—Tinatayang aabot lamang ng 30 minuto ang pagpahatid ng babala ang National Power Corporation (Napocor) sa kapitolyo kung sakaling masisira ang Angat Dam at raragasa ang tubig pababa.

Ito ang pahayag na may paniniyak ng mataas na opisyal ng Napocor kaugnay ng posibilidad na mawasak ang dike ng dam sanhi ng malakas na lindol na ihahatid ng inaasahang paggalaw ng west valley fault line.

Layunin ng pahayag na maibsan ang pangamba ng mga Bulakenyong nakatira sa kahabaan ng Ilog Angat kung saan ay inaasahang raragasa ang tubig na bubulwak mula sa dam.

Bukod dito, layunin din nito na higit namaipaunawa sa mga mamamayan ang kahalagahan ng paghahanda at pagkilos ng akma sa panahonng pananalasa ng kalamidad na maghahatid ng trahedya.

Ayon kat Inhinyero Romualdo Beltran, hepe ng Dams, Reservoir and Flood Forecasting Division ng Napocor, bahagi ng paghahanda sa posibilidad na pagkasira ng dam sanhi ng lindol ay ang pabuo ng emergency action plan (EAP).

Nilinaw niya na ang isinasaad ng EAP ay ang pagtatalaga ng  EAP coordinator o tagapag-ugnay sa Napocor at sa kapitolyo.
Napocor's Beltran (L), and NIA's Felix Robles (R)

Ang magsisilbing EAP coordinator ng Napocor ay ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) na si Inhinyero Rodolfo German, samantalang may itatalaga rin sa kapitolyo.

Ayon kay Beltran, simple ang batayan ng pagpili kay German.  Ito ay dahil “lagi siyang nandoon sa Hilltop” kung saan matatagpuan ang pasilidad ng dam at Arhepp.

 Ipinaliwanag ni Beltran na kung sakaling lilindol ay agad na magsasagawa ng pagsusuri ang mga tauhan ng Napocor sa kalagayan ng pasilidad ng dam, partikular na sa mga istraktura o dike.

Kung may matutukoy na damage o sira na magdudulot ng panganib sa kalagayan nito, sinabi ni Beltran na agad magpapahatid ng babala si German sa kapitolyo.

“Madali lang yun, basta na-identify yung imminent danger, mabibigay agad ng warning, matagal na doon ay 30 minutes,” ani Beltran.

Ayon kay Beltran, ang paghahatid ng babala sa kapitolyo ay sa pamamagkitan ng fax machine, telepono ar radio communications na ang mga sistema at imprastraktura ay pinauunlad na.

Kasunod nito ay ang madaliang paghahatid ng babala sa kapitolyo sa bawat bayang tinatayang masasalanta.

Kaalinsabay nito, dagdag ni Beltran ay ang pagpapatapon ng tubig mula sa dam ng Napocor.

“To reduce possibility of greater disaster, magrerelease ang Napocor ng tubig sa dam,” ani Beltran.

Ipinaliwanag niya na ito ay magaganap kung matatapat na malalim ang tubig sa dam sa panahon ng paglindol.

Kung mababa naman ang tubig sa dam, hindi na sila magpapatapon.

“It was meant to ease pressure on the dike damaged by earthquake,” aniya.

Batay sa naunang pahayag ng dam safety expert na si Inhinyero Roderick Dela Cruz, kapag lumindol, may posibilidad na magkabitak ang dike ng dam at tatagas ang tubig.

Ang bitak na ito na tinatagasan ng tubig ay tinatawag na “piping”; at maaaring pagsimulan ng mas malaking sira dahil patuloy na pagdaloy ng tubig.

Ito ay nakakatulad ng mga balong sa mga pilapil ng bukid o palaisdaan na sa una ay maliliit at makikipot lamang, ngunit kapag napabayaan ay lumalaki at nagiging sanhi ng pagguho ng pilapil.

Ayon kay Dela Cruz na nagmula sa bayan ng Hagonoy ngunit kasalukuyang nagtatrabaho sa southern California Edison sa Amerika, malaki ang posibilidad na magkaroon ng “piping” sa dike ng Angat Dam kung lilindol ng malakas.

Ito ay dahil sa ang mga higanteng dike ng dam ay “rock and earth-filled’ o yari sa pinagpatong-patong ma malalaking tipak ng bato na may nakasiksik na lupa.

Ngunit batay sa kanyang pag-aaral, mas matibay ang rock and earth-filled dam kumpara sa mga dam na yari sa manipis na kongkretrong dike.

Ito ay dahil sa kapag nagkabitak ang kongkretong dike, mahirap ng kumpunihin iyon.

Inayunan ito ni Beltran at sinabing “yung mga rock and earth-filled dike ay naghe-heal” o nagsasara ang butas lalo na;’t mahina ang daloy ng tubig mula sa loob palabas.

Hinggil naman sa mga balitang “may crack” o bitak ang dam, sinabi ni Beltran na hindi iyon totoo.

Ipinaliwanag niya na ang nakikitang dumadaloy na tubig sa paanan ng dike ng dam ay bahagi ng tubig na kumakatas mula sa loob.

Hindi ito nangangahulugan na may bitak ang dam, sa halip ay natural na sitwasyon iyon para s amga katulad na dike.

Sa mas nauna ring pahayag sinabi ni Inhinyero German na hindi sila nagpapabaya sa pagbabantay sa katas ng tubig sa paanan sa dam.

Iginiit niya na delikado lamang ang kalagayan ng dam kung ang kumakatas na tubig sa paanan at lalabo.

Ang pagbabantay sa katas ng dike ng dam ay isa ring batayan ng Napocor matapos ang paglindol.

Ang paglabo ng kumakatas na tubig sa paanana ng dam, ayon kay German ay indikasyon o nangangahulugan na may nasira sa loob ng dike.(Dino Balabo)