Tuesday, October 16, 2012

Gawad Kalasag 2012 nasungkit ng Bulacan

 
LUNGSOD NG MALOLOS—Tinanggap ng Bulacan ang pambansang parangal na Gawad Kalasag para sa Best Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa taong 2012 noong Miyekroles, Oktubre 9.

Ang parangal ay pormal na tinanggap nina Gob. Wilhelmino Alvarado at Bise Gob. Daniel Fernando mula kina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, Defense Secretary Voltaire Gazmin, ang pinuno ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Undersecretary Benito Ramos, ang punong tagapagpaganap nito.

Ang parangal ay ipinagkaloob sa simpleng seremonya sa Armed Forces of the Philippines Commissioned Officers’ Club sa loob ng Camp General Emilio Aguinaldo sa Lungsod ng Quezon ay nakasabay ng paglulunsad ng National Disaster Risk Reduction and Management Plan para sa taong 2011-2028.

Ang nasabing plano ay naglalayon na maipatupad ang Republic Act No. 10121 of 2010 na nagtakda ng mga basehang legal para sa mga polisiya, plano at mga programa sa pagtugon ng bansa sa mga kalamidad.

Ayon kay Alvarado, ang parangal ay isang pagkilala ng pamahalaang pambansa sa kahusayan ng lalawigan sa disaster risk reduction and management at sa epektibong pagbibigay direksyon sa mga lokal at ahensiya ng pamahalaang pambansa hinggil pagpapatapon ng tubig mula sa mga dam sa lalawigan.

Matatandaan na muling lumubog sa malawak na pagbaha ang malaking bahagi ng lalawigan nitong Agosto matapos ang pagbuhos ng malakas na ulan na hatid ng hanging habagat.

Dahil dito, agad tinutukan ni Alvarado ang pagpapatapon bg tubig ng Angat, Ipo at Bustos Dam upang maiwasan ang mas malalaim na baha sa Hagonoy at Calumpit. Ito ay dahil sa ang dalawang bayan ay dinadaluyan ng tubig na nagmumula sa Ilog ng Pampanga.

Dahil sa kalagayang ito, pinigil ni Alvarado ang maagang pagpapatapon ng tubig mula sa Angat Dam upang mapababa muna ang tubig na nagmula sa Ilog ng Pampanga na kaugnay ng Candaba Swamp.

Ayon sa punong lalawigan, ang pansamantalang pag-antala ng pagpapatapon ng tubig mula sa dam at pagpaparaan ng tubig na galing sa Ilog ng Pampanga ay nakakatulad ng pagpapadaloy ng trapiko.

Binigyang diin niya na upang hindi tuluyang lumalim ang baha sa Hagonoy at Calumpit, kinailangan muna na magpalipas ng ilang araw bago magpawala ng tubig ang Angat Dam.

Sa kabila nito, binigyang diin ng punong lalawigan ang di mapigil na pag-abuso sa kalikasan sa lalawigan, partikular na kabunduan na siyang isa sa mga dahilan ng pagbaha.

“Ang pinakamalaking kalamidad sa buhay ng tao ay ang araw-araw at oras-oras na pagpatay natin sa ating Inang Kalikasan tulad ng paglason sa dagat at ilog, pagsinsil sa kabundukan na parang nagpapalaki na lang ng isang aksidenteng inaantay na lamang na maging kalamidad tulad ng pagbaha at paglindol.

And in Bulacan, we are working together in good faith na mapagtagumpayang maprotektahan ang Bulacan laban sa mga kalamidad na nilikha ng tao,” sabi ng gobernador.

Hinggil sa parangal na tinanggap ng lalawigan, sinabi niya na magsisilbing inspirasyon ito sa PDRRMC lalo na at ang lahat ay may pananagutan at responsibilidad na hindi matatakasan sa panahon ng kalamidad.

Sabi pa ng gobernador, kapit-kamay na nagtatrabaho ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at lokal na komunidad at mga opisyal sa paghahanda laban sa kalamidad bukod sa patuloy na binabantayan ng kapitolyo ang estado ng mga kailugan at watershed na ayon sa kanya ay maaaring makaapekto sa pagbaha sa tuwing may malakas na bagyo o pag-ulan sa nasabing lalawigan.

No comments:

Post a Comment