Saturday, October 13, 2012

ANGAT REHAB: Bagyo mas pinangangambahan kaysa lindol




Angat Dam sa Hilltop, Norzagaray, Bulacan

NORZAGARAY, Bulacan—Mas nangangamba sa malakas na buhos ng ulan na hatid ng bagyo ang mga namamamahala sa Angat Dam sa bayang ito kaysa lindol.

Nilinaw din ng opisyal na ito ang pangunahing dahilan kung bakit isasailalim sa rehabilitasyon ang dam na inaasahang masisimulan sa 2013 at matatapos sa 2017.

Ang pagsusubasta para sa rehabilitasyon ng Angat Dam ay sisimulan sa buwang ito.  Ang rehabilitasyon na pinondohan na ng Malakanyang ay nagkakahalaga ng P5.7-Bilyon.

Ayon kay Inhiyero Rodolfo German, ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) na siyang namamahala sa dam, matibay ang Angat Dam at hindi basta masisira ng lindol na ihahatid ng paggalaw ng west valley fault line system.

Tinatayang aabot sa magnitude 7.2 ang lakas ng lindol na lilikhain ng paggalaw ng nasabing fault line.

Ngunit sa kabila nito, sinabi ni German na ang mas pinangangambahan nila ay ang probable maximum flood (PMF) na posibleng magbuhos ng ulan na aabot sa mahigit 12,000 cubic meters per second (CMS).

“Kung lindol lang ay kaya ng dam, pero yung PMF ang kinakabahan kami,” ani German.

Ipinaliwanag niya na ang PMF ay nakabatay sa pinakamalakas na pag-ulan na darating sa loob ng susunod na 10,000 taon.

Sa kasalukuyan, ang Angat Dam ay nakadisensyo para sa 5,800 cms na PMF sa loob ng 5,000 taon.

Subalit ang disenyong ito ay nalampasan na ng malakas ng ulan na hatid ng mga bagyong Winnie aty Yohyong noong nobyembre at Disyembre 2004.

Ayon kay German, umabot sa 11,000 cms ang tubig ulan na dumaloy sa Angat Dam sa panahon ng pananalasa ng magkasunod na bagyo noong 2004.

Matatandaan na sa pananalasa ng mga nasabing bagyo, naging dahilan ito upang mabarahan ng mga troso, putik at malalaking tipak ng bato ang 13 kilometro Umiray-Angat Transbasin tunnel.
Inhinyero German

“Yung PMF ang pangunahing dahilan kung bakit magkakaroon ng rehabilitation ang Angat Dam,’ ani German.

Ipinaliwanag niya na bahagi ng P5.7-Bilyong rehabilitasyon ng dam ay ang pagpapalapad sa mga matatarik na dike nito at konstruksyon ng dagdag na spillway.

Sa kasalukuyan, ang 45 taong Angat Dam ay may isang spillway  na may tatlong gate.  Ito ang ginagamit para sa mabilisang pagpapatapon ng tubig sa Ilog Angat.

Ayon kay German, kung darating ang PMF na magbubughos ng ulan na may 12,000cms, ang itatayong auxiliary spillway ng dam ay kanilang bubuksan para sa mabilisang pagpapatapon ng tubig.

Ito ay upang mabawasana ng tubig sa dam at maiwasan ang posibilidad ng pagkasira ng mga dike nito kung sakaling aapaw sa ibabaw ang tubig palabas.

 “It will be safe for another 10,000 years, but we have to pray that there will be no PMF during the construction,” ani German patungkol sa dam kapag natapos ang rehabilitasyon.

Hinggil naman sa posibilidad na pagkasira ng dam kung lilindol ng may lakas na 7.2 magnitude,”muling iginiit ng inihinyero na matibay ang dam.

“Angat Dam is designed to withstand that earthquake,” aniya at iginiiit na matapos ang dalawang malalakas na lindol sa kasysayan ng dam, hindi ito napinsala.

Ang kanyang tinutukoy ay ang malakas na lindol noong 1969 na naging sanhi ng pagguho ng Ruby Tower; at ang lindol noong Hulyo 16, 1991 na naging sanhi ng pagguho ng mga gusali sa mga Lungsod ng Baguio at Cabanatuan sa Nueva Ecija.
(Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment