Saturday, November 16, 2013

Paghahanda sa Angat Dam break, ilalahad sa mga alkalde



 
LA MESA DAM, QUEZON CITY—HUwag nating hintayin ang delubyo bago kumilos, maghanda tayo ngayon.

Ito ang buod ng mensahe ng bumbuo ng Technical Working Group (TWG) para sa paghahanda sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam.

Ang nasabing TWG ay binubuo ng  mga kinatawan mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) kapitolyo, mga opisyal ng National Power Corporation (Napocor) na namamahala sa Angat Dam, Common Purpose Facilities (CPF) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na namamahala sa Ipo Dam.

Kasama rin ang mga kinatawan ng National Irrigation Administration (NIA) na namamahala sa Bustos Dam, Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCop) na nagsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam, at Office of the Civil Defense sa Gitnang Luzon.

Ang mga kasapi ng TWG ay nagpulong sa ikapitong pagkakataon sa La Mesa Dam Novaliches, Lungsod ng Quezon noong Martes, Nobyembre 12 o apat na araw matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa Visayas.

Tampok sa pagpupulong ay ang impormasyong ilalahad nila sa mga alkalde at mga namumuno sa mga Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) sa 21 bayan at talong lungsod sa lalawigan ng Bulacan.

Makakasama rin ang mga kinatawang alkalde at mga opisyal ng DRRMO mula sa mga bayan sa Pampanga na sinasabing maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam.

 Ayon kay Liz Mungcal, pinuno ng PDRRMOng Bulacan,ang paghahanda sa posibilidadng pagkasira ng Angat Dam ay lubhang mahalaga dahil sa lawak ng posibleng maging pinsala nito.

“Hindi pwedeng iilan ang nakakalam sa paghahanda, dapat ay buong lalawigan at lahat ng taong posibleng maapektuhan,” sabi ni Mungcal sa isang panayam matapos ang pulong.

Inihalimbawa niya ang malawakang pinsalang hatid ng bagyong Yolanda sa mga lalawigan sa Visayas.

“Pag malawakan ang disaster, sino ang magre-rescue? Hindi lahat ay matutugunan ng PDRRMO, kailangan handa rin ang mga lokal na pamahalaang mula samga bayan, lungsod at maging mga barangay,” paliwanag niya.

Ayon pa kay Mungcal, mahalaga rin na maunawaan ng taumbayan ang dapat gawin bago dumating ang delubyo, kaya kailangang makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapaliwanag at pagpapabatid sa taumbayan ng mga tamang hakbang.

Hinggil sa pananalasa ng bagyong Yolanda, nilinaw ni Mungcal na hindi sila kumikilos ngayon para sa paghahanda sa pagjkasira ng Angat Dam dahil sa bagyogn Yolanda.

“Noon pang isang taon kami naghahanda at nagpupulong. Katunayan bago pa lumindol sa Bohol noong October 15 ay naka-schedule na yung pulong naming noong October 16; at itong pulong na ito ay naitakda nab ago pa dumating ang Yolanda,” sabi niya.

Gayunpaman, inamin ni Mungcal na ang katatapos na pamiminsala ng bagyong Yolanda ay higit na nagtutulak sa kanila upang pabilisin ang paghahanda ang mga bayan sa Bulacan.

Dahil dito, itinakda nila ang paglalahad ng mga paghahanda sa mga aklade ng Bulacan sa Nobeymbre 21.

Ipinaliwanag pa niya na ang posileng pagkasira ng Angat Dam ay maaaring mangyari anumang oras.

Ito ay dahil na rin sa pag-aaral ng Philippines Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na anumang oras ay maaring gumalaw ang West Valley Faultline at maaaring lumikha ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ayon pa sa Phivolcs, ang nasabing lindol ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng Angat Dam.

Batay naman sa pag-aaral ng Edcop, kapag nasira ang dam, raragasa sa kahabaan ng Ilog Angat Ang 10 hangang 30 metrong lalim ng tubig mula sa Norzagaray hanggang sa bahagi ng Baliwag at Plaridel.

Ang nasabing tubig ay kakalat at tinatayang magpapalubog sa 20 bayan ang lungsod sa Bulacan, pito sa Pampanga at tatlong lungsod sa kalakhang Maynila.

Inaasahang din ang mas mahabang problema sa kalakhang Maynila kapag nasira ang Angat dam dahil sa posibilidad na kapusin ng tubig inumin.

Ito ay dahil sa ang Angat Dam ang pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila. Dino Balabo

Saturday, November 2, 2013

Pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam, di sapat





LUNGSOD NG MANDALUYONG—Hindi sapat ang isinagawang anim buwang  pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam.

Ito ang buod ng pahayag ng kapitolyo at National Power Corporation (Napocor) sa kauna-unahang pagkakatapon matapos ilabas noong Mayo 2012 ang resulta ng anim na buwang feasibility study sa katatagan ng dam.

Sa panayam ng Mabuhay Gob. Wilhelmino Alvarado, sinabi niya na hindi sapat ang isinagawang pag-aaral ng Tonkin & Taylor.

“Napakailki ang panahon ng feasibility study nila, anim na buwan lang,” sabi ni Alvarado na nakapayam ng Mabuhay sa Edsa Shangrila Hotel noong Oktubre 16 ng gabi.

Ang panayam ay naganap matapos ang puliong ni Alvarado kina Gladys Sta. Rita, pangulo ng Napocor, Gerardo Esquivel, administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Claro Maranan, administrador ng National Irrigation Administration INIA).

Kasama rin sa pulong sina Inhinyero Romulado Beltran, pinuno ng Dams Management Department ng National Power Corporation (Napocor), Bise-Gob. Daniel Fernando at Provincial Administrator Jim Valerio.

Ang pahayag ni Alvarado ay kinatigan din ni Beltran na nagsabing “mababaw  yung feasibility study.”

Ang nasabing feasibility study na pinondohan ng $1-Milyon ay isinagawa ng Tonkin & Taylor na nakabase sa New Zealand, kasama ang Engineering Development Corporation of the Philippines (EDCop)

Ayon sa anim na buwang pag-aaralng Tonkin & Taylor kasama ang EdCop, ang WMVF ay  unang natukoy sa pagtatayo ng dam noong unang bahagi ng dekada 60.

Ito ay di kalayuan sa pundasyon ng pangunahing dike ng dam.

Binanggit din sa ulat ng Tonkin ang isinagawang pag-aaral ng Phivolcs na nagsasabing ang WMVF ay nakabalatay ilang kilometro ang layo sa silanganng dam; at ang nakitang fault sa ilalim ng dam ay splay o sanga lamang ng fault.

Gayunpaman,kung gagalaw ang WMVF, ang nasabing splay sa ilalimng dam ay  posible ring gumalaw.

Kaugnay nito, isang bahagi ng rekomendasyon ng Tonkin sa kanilang isinagawang anim na buwang pag-aaral ay ang pagsasagawa ng cite specific seismic study sa Angat dam.

Para kay Alvarado at sa Napocor ang rekomendasyong ito ay hindi sapat dahil ang pangunahing dahilan ng pagpapasubasta para sa pagsasagawa ng feasibility study ay patungkol panganib na hatid ng WMVF.

Narito ang background information na ipinalabas ng Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm) sa kanilang Term of Reference sa pagsasagawa feasibility study na ipinakontrata sa Tonkin.

“Considering the importance of the facility and the potential risks posed by possible
seismic activity associated with West Valley Fault and the other fault-lines in Central
Luzon, the consultancy services must arrive at a clear recommendation for the
mitigation of risk through remediation of the Dam and Dike and the associated major
structures.”

Ngunit batay pa rin sa kopya ng TOR para sa pagsasagawa ng feasibility study sa katatagan ng Angat Dam, lumalabas na akma ang rekomendasyon ng Tonkin.

Ito ay dahil sa nilalaman ng layunin sa pagsasagawa ng feasibility study ayon sa ika-18 pahina ng TOR.

Narito ang unang layunin ng feasibility study, “To undertake the required investigation works and proposed additional studies recommended from past studies, reviews and reports.”

Para naman kay Inhinyero Roderick Dela Cruz, ang dam safety expert ng Bulakenyo, imposibleng magawa ang buong pag-aaral sa loob ng anim na buwan.

Bilang isa sa mga naging tagapayoni Gob.Alvarado, si Dela Cruz ang unang nagpahayag na hindi sapat ang anim na buwan sa pagsasagaw ang feasibility study.

Binigyang diin pa niya na bilang consultant, ang Tonkin ay nakadepende sa isinasaad ng TOR.

Bilang isa sa mga unang nakapansin sa maikling panahong ipinagkaloob sa Tonkin, ipinayo ni dela Cruz ang dagdag na pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam. (Dino Balabo).

Pangalagaan ang mga pamanang pangkasaysayan





MALOLOS—Suriin, kumpunihin ay suhayan ang mga pamanang pangkasaysayan sa bansa.

Ito ang buod ng magkahiwalay panawagan ng sektor ng turismo sa Bulacan at mga mamamahayag na lumahok sa katatapos na ika-17 Graciano Lopez Jaena Ciommunity Journalism Fellowship on Disaster Reporting sa University of the Philippines (UP).

Ang panawagan ay magkasabay na inihayag noong Biyernes,ilang araw matapos yanigin ng lindol na may lakas na magnitude 7.2 noong Oktubre 15 ang lalawigan ng Bohol kung saan ay nasira ang mga heritage sites.

Ayon kay Dr. Reynaldo Naguit, isa sa mga convenors ng Bulacan Tourism Tri-conventionna isinagawa sa lungsod na ito noong Biyernes, dapat isama sa pambasa at lokalna plano sa turismo ang konserbasyon ng mga heritage sites o pamanang pangkasaysayan sa bansa na dinarayo ng mga turista.

Bilang isang historyador at direktor ng Institute of Local Government Administration (ILGA) sa Bulacan State University, sinabi ni Naguit na angmga heritage sites ay nangangailangan akmang pagmamantine.

“Hindi lang buhay at mga ari-arian ang napinsala sa lindol sa Bohol, kungdi magingmga istraktura na mahigit 100 taon na,” sabi ni Naguit at iginiit na mga matatandaang simbahan ay isang magadang reperensiya sa pag-aarala ng sining, kalinangan at kasaysayan ng lahi.

Kinatigan din ito ni Jose Clemente ng Bulacan Tourism Conventions and Visitors Board (BTCVB) na nagsabing ang mga matatandang simbahan sa Gitnang Luzon partikular na sa Bulacan ay posible rin mapinsala salindol.

Bilang isa sa mga convnor sa katatapos na tourism convention, inihalimbawa ni Clemente ang makasaysayang simbahan ng Barasoain na karaniwang dinarayo ng mga mag-aaral na lumalahok samga field trip.

Ayon kay Clemente ang nasabing simbahan ay huling isinailalim sa pagpapakumouni noong 1997 bilang paghahanda sa sentenaryo ng republika ng Pilipinas noong 1998.

Para naman sa mga mamamahayag na lumahok sa ika-17 Lopez Jaena  Community Journalism Feloowship sa UP, dapat manguna angmga ahensiya ng pamahalaang  nasyunal sa preserbasyon ng mga heritage sites.

Binigyang diin nila na hindi lamang lindol ang dapat paghandaan, kungdi maging ang epekto ng climate change na unti-unting sumisira sa mga matatandang istraktura.

Kabilang sa mga ahensiyang tinawagan nila ng pansin ay ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Tourism (DOT), Climate Change Commission (CCC), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Science and Technology (DOST). 

Ayon sa pinagtibay na resolusyon, “the country’s history and culture are seen not only in written records but also in historically valuable structures as well. These are the so-called heritage sites, many of which have not been properly documented.”

Iginiit pa ng resolusyin na “Heritage sites serve as a repository of our history, and such structures remind us and the future generations of who we are as Filipinos; however, many heritage sites are vanishing fast not only due to the impacts of climate change and natural disasters but also due to utter neglect of people.”

Ayon sa mga mamamahayag, hindi lamang mga mamamayan at imprastraktura ang nabiktima ng lindol sa Bohol kungdi maging mga heritage sites tulad ng mga matatandang simbahan.

Batay sa resolusyon, hiniling ng mga mamamahayag ang “immediate inventory of our cultural heritage sites; inspection, assessment and documentation of heritage sites; preparation of short and long term programs for the preservation of our heritage sites; implement remediation measures, such as retrofitting, that will help strengthen and improve resilience of heritage sites that are exposed to the impacts of climate change and other hazards; regular maintenance of heritage sites;  and publications of gathered inventory to inform the Filipino people the historical and cultural significance of heritage sites.” (Dino Balabo)

Tuesday, October 22, 2013

San Miguel kinapos ng tubig matapos manalasa si Santi



 
Larawang kuha ng PDRRMO sa Brgy. San Agustin, San Miguel, Bulacan.

MALOLOS—Kinapos ng tubig inumin ang bayan ng San Miguel matapos sagasaan ng bagyong Santi simula noong Sabado,Oktubre 12.

Ito ay sanhi ng pagkaputol ng suplay ng kuryente na gamit sa pagpapaandar sa pumping station ng water district na nagpapaalala sa karanasan ng bayan ng Hagonoy mataposmanalasa ang bagyong Pedring noong 2011.

Dahil sa kakulangan ng tubig inumin, napilitang pumila sa mga pribadong water refilling station ang mga residente.

Ngunit ilan sa kanila ay nagsipagtaas ng presyo ng tubig.

Sa kabila nito, mayroon din na hindi nagtaas ng presyo sa kabila ng dagdag na gastos sa paggamit ng generator.

Ayon kay Claire Buencamino dating Kagawad ng Barangay San Vicente, ipinangamba ng maraming residente ang pagkaubos ng tubig inumin.

“Hindi namin inaasahan ang ganito, ngayon lang nagyari sa amin ang ganitong pinsala ng bagyo,” sabi niya sa panayam ng Mabuhay sa telepono noong Oktubre 14 ng gabi.

Dagdag pa niya, “biglang dating ng malalim na tubig baha, pagkatapos, nagsimula na kaming kapusin ng tubig inumin dahil sa walang kuryente.”

Bilang may-ari ng Aqua Calrita, isang water refilling station sa Barangay Poblacion, sinabi ni Buencamino na napilitan siyang gumamit ng generator upang makapagbenta ng tubig inumin.

Gayunpaman,sinabi niya na hindi siya nagtaas ng presyo.

“Pare-pareho kaming nasalanta, kaya parang tulong na lang yung dating presyo,” sabi niya.

Sa paglalarawan ni Buenacamino, maraming tao ang pumila sa mga pribadong refilling stations sa nasabing bayan isang araw matapos ang biglaang pagbaha noong Sanado ng madaling Araw, Oktubre 12.

Ang kalagayang ito ay hindi nalingod kay Gob. Wilhelmino Alvarado.

Ngunit hindi rin agad napasok ang bayan ng San Miguel dahil sa malalim at malakas na agos ng tubig sa kahabaan ng Daang Maharlika sa pagitan ng bayan ng San Miguel at San Ildefonso.
 
Larawang kuha ng PDRRMO sa Anyatam, San Ildefonso.
Ayon kay Alvarado, alam nilang nawalan ng kuryente sa bayanng San Miguel kaya’t agad silang nagpadala ng mga trak upang tumulong sa paglilikas ng mga residente.

Bahagi rin nito ay ang paghahawan sa mga punong kahoy na nangabuwal sa kalsada.

 Noong Lunes, Oktubre 14, nakipag-ugnayan ang kapitolyo sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, at San Miguel Corporation para sa paghahatidng donsayong tubig inumin.

Kasabay nito ang paghahatid ng tubig ng mga trak ng bumbero mula sa mga Lungsod ng Malolos, Meycauayan at San Jose del Monte, at mga bayan ng Pulilan, Sta. Maria at Marilao.

Ayon kay Provincial Administrator Jim Valerio, nagsimulang magbalik ang supply ng kuryente sa nasabing bayan noong Miyerkoles, kaya’t nagsimula na ring magbalik ang operasyon ng water district.

Para naman kay Liz Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, ang tubig na hatid ng mga trak ng bumbero ay pangdagdag lamang sa kailangan ng mga apektadong residente.

Sinabi niya na kahit unti-unting nagbalik ang operasyon ng water district noong Miyerkoles ay may ilang bahagi pa rin ng bayan na mahina ang daloy ng tubig.

Ang kalagayang ito ay nagpapaalala sa karanasan ng bayan ng Hagonoy matapos manalasa ang bagyong Pedring noong 2011.

Dahil sa lakas ng bagyo, naputol ang supply ng kuryente sa Hagonoy na umabot ng 12 araw.

Dahil dito, naputol ang pagpapadaloy ng water district ng tubig.

Pinilit ng Hagonoy Water District noong 2011 na paandarin ang kanilang mga pumping station sa pamamagitan ng generator, ngunit hindi rin iyon naging sapat.

Bukod dito, maraming gripo ang nalubog noon sa malalim na baha kaya’t hindi sigurado ang kalinisan ng tubig. (Dino Balabo)