Sunday, August 3, 2014

Tubeeeeeeg!


 

Nakatutuwang nakakainis ang mga huling kaganapan sa pagpapadaloy ng tubig ng City of Malolos Water District (CMWD) sa kanilang mga konsesyunaryo.

 Nakatali ito ngayon sa mga argumento ng pag-aakusa na pilit na pinabubulaanan ng CMWD, ngunit mga konsesyunaryo na ang nagsasatinig ng tunay na sitwasyon.

Mahina o walang tulo sa kanilang mga gripo, kaya’t napipilitan silang bumili ng tubig inumin sa mga water refilling stations; at yung panggamit naman nila sa pagluluto, paliligo at paglilinis sa araw-araw ay pinapupuyatan ng mga konsesyunaryo na nagsabing madaling araw na tumutulo ang kanilang gripo.

Ang kalagayang ito ay ilang taon ng pinatitiisan ng mga konsesyunaryo.  Ang totoo, karaniwang nararanasan ang kakapusan ng pinadadaloy na tubig ng CMWD kapag tag-araw; at nitong mga buwan ng Marso at Abril at idinahilan nila na ito ay hatid ng kawalan ng ulan at natutuyo ang ground water o balong ng tubig sa ilalim ng kalupaan ng lungsod na ito na nagsisilbing kabisera ng Bulacan.


Ang hindi matanggap ng mga konsesyunaryo ngayo ay ang kalagayang tag-ulan na at panay ang buhos ng ulan na hatid ng mga bagyo ay habagat, ngunit kapos pa rin sila sa tubig.  Ito ay nagpapahiwatig ng mas malaking problema sa kakulangan tubig.

Dahil sa kapos na tubig, ilang konsesyunaryo na ang nagpahayag na “namamaho” at “namamanghe” na sila.  Ang iba naman ay nagpahayag nakailang naka-iskedyul ang pagsakit ng tiyan nila dahil kung alanganing oras sasakit ang tiyan nila ay baka walang tubig na magamit para sa paghuhugas ng palikuran.

Katulad ng aralng mga matatanda, ang bawat pagtitiis ay mayroon hangganan. Dahil dito, ilang konsesyunaryo na ang nagsulong ng pag-iiponng mga lagda para sa petisyon na humahamon sa pamunuan ng CMWD na mabitiw sa tungkuling kung hindi maiaayos ang pagpapadaloy ng sapat na tubig.

Isang petisyon ang sinimulansa Barangay Bagna, ngunit  lingid sa kaalaman ng marami ay may mas naunang petisyong pinalagdaan sa mga Barangay ng San Pablo  at Tikay.  Nagyon, may mga nagsusulong na rin ng katulad na petisyon sa mga barangay ng Canalate, Mabolo, samantalang ang mga konsesyunaryo sa ibang barangay tulad ng Matimbo, Guinhawa,Longos at iba pang barangay ay humihingi ng kopyua upang sila ay makalagda rin.

Kaugnay nito,ipinahayag ni Mayor Christian Natividad na ayon sa impormasyong ipinahatid sa kanya,ang CMWD ay may kabuuang assets na umaabot sa mahigit P200-M. 

Ang kabalintunaan sa kalagayang nabanggit ay may pera pala ang CMWD, bakit hindi maiayos o mapaunlad ang pagpapadaloy ng tubig sa kanialng konsesyunaryo?
Kailangan pa bang magpetisyon ang mga konsesyunaryo upang mag-isip ng solusyon at kumilos ang pamunuan ng CMWD?

Nawa ay huwag humantong sa ganoong kalagayan. Ngunit ang malaking problema ng CMWD ngayon ay kung paano papapaniwalain ang mga konsesyunaryo na may sapat silang kakayahan upang maiayos ang pagpapadaloy ng tubig sa mga tahanan ng konsesyunaryo nito.  


(Ito ang Editoryal ng pahayagang Mabuhay na inilathala noong Hulyo 25-31)

Malolos water summit, kasado na sa Agosto 15





MALOLOS---Isang water summit ang ikinakasa ng pamahalaang lungsod ng Malolos sa Agosto 15.

Ito ay bilang tugon sa lumalalang problema sapagpapadaloy ng tubig ng City of Malolos Water District (CMWD).

Ayon kay Mayor Christian Natividad, ang summit ay isasagawa sa Malolos City Sports Center at iinaasahang dadaluhan ng daan-daang konsesyunaro ng CMWD.

Gayunpaman, nilinaw ng alkalde na ang araw ng pagsasagawa ay maaari pang mabago.

“Temporary pa lang yung August 15 schedule, pwede pang mabago, pero anuman ang mangyari maglalabas kami ng advisory from time to time,” sabi ng alkalde.

Larawang kuha sa Tibaguin, Hagonoy.


Layunin ng summitna matukoy ang mga problema sa tubig sa Malolos,maging ang mga posibleng solusyon.

Ayon kay Natividad, kasalukuyang nagsasagawa ng monitoring angmga barangay health workers maging ang mga mother leaders ng Malolos sa ibat-ibang barangay.

Ito ay upang matukoy kung ano ang mga problemang nararanasan ng mga residente hinggil sa tubig.

Una rito, naglunsad ng isang signature campaign ang mga residenteng barangay Bagna noong Hulyo 19 dahil sa mahabang panahong reklamo hinggil sa mahina at kawalan ng daloy ng tubig mula sa CMWD.

Ngunit ayon sa mga mga residente ng Barangay San Pablo, mas nauna silang naglunsad ng petisyon noong Mayo.

Ang dalawang magkahiwalay na pagkilos na ito ay nasundan ng kaugnay na petisyon sa mga barangay ng Mambog, Mabolo, Canalate, Tikay at iba pang barangay.

Sa mga nasabing petisyon, binigyang din ng mga lumagda ang kawalan ng tubig sa kanilang lugar, na kadalasan ay mahina.

Kung mayroon mang dumadaloy,sinabi nila na ito ay mahina, maalat at mabahong amoy.

Ang mabahong amoy ng tubig na pinadadaloy ng CMWD ay kinumpirma din ni Mayor Natividad.

Sinabi niya na maging sa kanyang bahay sa Barangay Bungahan ay may mga pagkakataong mabaho ang tubig na tumutulo sa gripo. Dino Balabo

Tuesday, July 29, 2014

Mga bahay winasak ng storm surge sa baybayin ng Bulacan


 

HAGONOY, Bulacan—Mahigit 60 na taon nilang inalagaan ang kanilang bahay na itinayo ng kanilang magulang, ngunit sa loob lamang ng dalawang minuto ito ay naglaho.

Ito ang patunay balasik ng malalaking alon na hatid ng storm surge matapos tahakin ng bagyong Glenda ang Manila Bay noong Miyerkoles, Hulyo 16 patungo sa West Philippine Sea.

Sa kabuuan, hindi bababa sa 60 bahay sa mga coastal barangay ng Pugad at Tibaguin ang winasak ng malalaking alon na hatid ng bagyo.

Sa panayam kay Joey Gregorio, 44, ng Barangay Pugad, inilarawan niya kung paano nawasak ang kanilang bahay.

 “Wala kaming nagawa, dalawang minuto lang nawala na yung bahay dahil sa laki ng alon,” aniya at iginiit pa na pati bahay ng kanyang tatlong nakatatandang kapatid na nakatayo sa gilid ng kanilang ancestral house ay  nawasak din ng storm surge.

Ang mga nasabing bahay ay yari sa concrete hollow blocks.

Sa oras ng panayam noong Biyernes, Hulyo 18, tanging tumpok na lamang ng kahoy at nasirang kagamitan ang nalabi sa mga nasabing bahay, bukod sa konkretong comfort room ng bahay ng kuya ni Gregorio.

Sa katabing barangay ng Tibaguin, napaluha si Yolanda Geronimo ng ikuwento kung ano ang nangyari sa kanilang bahay na itinayo may tatlong taon na ang nakakaraan.

“Twenty minutes lang wala na yung bahay namin,”  sabi ng ginang.


Ayon kay Geronimo, ang nawasak nilang bahay ay kapalit lamang ng kanilang bahay na winasak dinng storm surge sa pananalasa ng bagyong Quiel noong 2011.

“Dalawang sunod na po iyan mula noong Quiel,” ani Geronimo habang pinipigil ang luha.

Samantalang, ipinagdadalamhati nina Gregorio at Geronimo ang pagkawasak ng kanilang mga tahanan, nagpasalamat din sila na walang nasawi sa kanilang kapamilya, maging sa kanilang mga ka-barangay.

Gayunpaman, nilinaw nila na ang pananalasa ng storm surge sa kanilang barangay ay dulot ng pagkasira ng may 200 ektaryang pambayang palaisdaan na dati ay nagsisilbing panangga ng dalawang barangay sa malalaking alon mula sa Manila Bay.

Kinatigan naman nina Kagawad Gilbert Tamayo at Alfredo Lunes ng Barangay Pugad ang kanilang pahayag.

Ayon sa dalawang Kagawad ng Barangay, nawasak ang mga pilapil ng pambayang palaisdaan may anim na taon na ang nakakaraan matapos na ito ay mapabayaan.

Dahil dito, hindi nila maiwasan ang mangamba sa tuwing mananalasa ang mga bagyo.

“Natatawag po naming ang lahat ng Santo sa simbahan kapag bumabagyo na dahil walang humaharang sa alon mula sa dagat,” sabi ni Tamayo.


Inayunan din ito nina Kagawad Ariel Dela Cruz at Renato Gregorio.

Katunayan, napaluha din si 60-na taong gulang na si Gregorio habang ikinukuwento ang kaniyang karanasan.

“Napagrabe pong nangyari sa aming barangay.  Animnapung taon na ko dito, ngayon lang nangyari ang ganito,” ani ng Kagawad.

Inilarawan niya na umabot sa mahigit pitong talamapakan ang laki ng mga alon na humapas sa mga tahanan sa baybayin ng Pugad.

Ito ay dahil sa walang humaharang na panangga sa alon.

Iginiit pa ni Gregorio na ang pagkasira ng napabayaang propius ang sanhi ng pananalasa ng alon sa kanilang Barangay.

Dahil dito, iginiit ni Dela Cruz na dapat ay bigyang diin ng mga ahensiya ng gobyerno ang pagbibigay protektsyon sa baybayin ng Bulacan.

“Madalas kasi, sa kabayanan lang nakatutok ang mga proyekto ng mga nasa matataas na posisyon sa gobyerno at nakakalimutan ang mga coastal barangay,” aniya.

“Lalong kailangan namin ang panangga sa alon ngayon, sana ay magjkaroon hg dike okaya ay simulan na ang rehabilitasyon ng propius sa tabi ng Pugad,” sabi dela Cruz.

Kaugnay nito, tiniyak ni Mayor Raulito Manlapaz ng bayang ito na masisimulan ang rehabilitasyon ng nasabing palaisdaan sa Disyembre.


Si Manlapaz ay bumisita sa dalawang barangay upang mamahagi ng relief goods noong Biyernes, o dalawang araw matapos manalasa ang bagyong Glenda.

Inabutan niya ang mamamahayag na ito na noo’y naghahanda ng umalis upang magbalik sa kabayanan ng Hagonoy.

Ayon kay Manlapaz, inihahanda na nila ang pondo para sa rehabilitasyon at nakipag-ugnayan na sila kay Gob. Wilhelmino Alvarado upang hiramin ang dredging machine ng kapitolyo.

Iginiit pa ni Manlapaz kailangan nilang tulong sa pagsasagawa ng rehabilitasyon sa 13-kilometrong coastline ng bayang ito na ang malaking bahagi ay winasak na ng alon.
Dino Balabo

Tubig sa mga dam sa Luzon napataas ni Glenda, alokasyon sa magsasaka nagsimula na


 


MALOLOS—Umangat halos na metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, maging ang iba pang dam sa Luzon maliban sa San Roque dahil sa malakas na ulan na hatid ng bagyong Glenda.

Dahil dito, nagsimula na ang alokasyong patubig sa magsasakang Bulakenyo kahit nananatiling mas mababa sa kritikal na 180 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Kaugnay nito, sinabi ng National Power Corporation (Napocor) na kailangan nilang magsagawa ng cloud seeding sa Angat Dam bilang paghahanda na posibilidad ng pananalasa ng El Nino sa huling bahagi ng taon.

Batay sa tala ng Napocor,ang water elevationsa dam ay umangat sa 166.84 meters above sea level (masl) noong Huwebes ng umaga, Hulyo 17, kumpara sa naitalang 162.74 masl noong Miyerkoles ng umaga.

Ito ay nangangahulugan na umangat ang tubig sa dam ng 3.84 metro sa loob lamang ng 24-oras.

Ayon kay Gladys Sta. Rita, ang biglang pagtaas ay sanhi ng malakas na ulan na hatid ng bagyong Glenda.

Sa kabila nito, iginiit ni Sta Rita na magsasagawa pa rin sila ng cloud seeding operation.


Ito ay dahil na nanatiling mas mababa ang tubig sa dam kumpara sa kritikal na 180 metro.

 “We are coordinating closely with Pagasa. Last week, they already approved it,” ani Sta. Rita sa isang text message na ipinahatid sa Mabuhay noong Huwebes ng umaga.

Iginiit pa niya na ang pagsasagawa ng cloud seeding operation sa Angat Dam ay isa ring paghahanda sa posibilidad ng El Nino.

Kaugnay nito, nakaranas din ng bahagyang pagtaas ng lebel ng tubig ang iba pang pangunahing dam sa Luzon maliban sa San Roque Dam matapos manalasa ang bagyong Glenda noong Miyerkoles.

Batay sa tala na naipon ng Mabuhay mula sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa),ang lebel ng tubig sa Ambuklao Dam ay umakyat sa 741.20 masl noong Huwebes kumpara sa naitalang 740.22 masl noong Miyerkoles.

Umangat naman sa 568.49 masl ang tubig sa Binga Dam mula sa 567.70 masl sa katulad ding panahon; samantalang ang lebel sa Pantabangan Dam ay umakyat sa  177.44 masl mula sa 176.81masl; at ang lebelng tubig sa Magat Dam umangat sa 160.95 masl mula sa 160.48 masl.

Sa lalawigan ng  Pangasinan, bumaba naman ang tubig ng San Roque Dam sa 233.84 masl mula sa naitalang  234.40 masl noong Miyerkoles.

Samantala, bahagya ring tumaasang tubig sa Bustos Dam na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration (NIA) matapos lisanin ni Glenda ang Pilipinas
.
Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang lebel ng tubig sa Bustos Dam ay umangat sa 17.35 masl mula sa dating 16.44 masl.

Dahil sa pagtaas ng tubig sa dalawang dam sa lalawigan, nagsimula ng magpadaloy ng patubig sa mga magsasakang Bulakenyo ang NIA noong Huwebes, Hulyo 17.

Ngunit wala paring ipinagkakaloob ang na alokasyon ang Angat Dam.

Matatandan na noong Mayo, sinabi ni Inhinyero Precioso Punzalan ng NIA na plano nilang magpadaloy ng tubig para sa irigasyon ng magsasaka noong Hunyo 16.

Ngunit ito ay hindi agad natupad dahil nananatiling mababa ang tubig sa dam.

Dahil dito naantala ang pagtatanim ng magsasakang Bulakenyo.

Ayon kay Guillermo Mangaluz, pangulo ng Angat-Maasim River Irrigation System  Irrigators Association Confederation (Amris-Confederation) hindi sila nakatanim matapos linangin ang kanilang bukirin.

Ito ay dahil sa hindi nila matukoy noon kung kailan sila padadaluyan ng tubig ng NIA upang masustinihan ang kanilang pananim na palay.  Dino Balabo