Showing posts with label Bulakan. Show all posts
Showing posts with label Bulakan. Show all posts

Sunday, August 18, 2013

“O BuMaHa Ca Pa Pu” at 7 pang bayang laging binabaha sa Bulacan





MALOLOS—Kung ang kalakhang Maynila ay may Camava na kinabibilangan ng mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na madalas sagasaan ng pagbaha, mayroon din grupo ng mga bayan at lungsod sa Bulacan na laging binabaha.

Ngunit hindi lang isang klase pagbaha ang nananalasa sa lalawigan, sa halip ay halos lahat ng klase.

Ang mga grupo ng mga bayan at lungsod na laging binabaha sa Bulacan ay  tinatawag na  “O BuMaHa Ca Pa Pu Mame BoMaBa Guimi.”

Ito ay ang pinagsama-samang unang mga letra ng pangalan ng mga bayan ng Obando, Bulakan, Lungsod ng Malolos, Hagonoy, Calumpit, Pulilan, Marilao, Lungsod ng Meycauayan, Bocaue, Sta. Maria, Balagtas, Guiguinto at San Miguel.

Sa kabuuan, umabot sa 12 bayan at dalawang lungsod sa 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan ang laging sinasagasaan ng baha.

Hindi pa kasama rito ang mga bayan ng Plaridel at Bustos na sa dalawang nagdaang taon ay nakarnas ng pagbaha na isinisisi ng mga magsasaka sa konstruksyon ng Balagtas-Bustos by-pass road.

Ang pinagsama-samang pangalan ng mga binabahang bayan sa lalawigan ay unang nabuo ng mamamahayag na ito may limang taon na ang nakakaraan.


Ngunit iyon ay limitado lamang sa “O Bumaha Ca Pa Pu” o mga bayan ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Calumpit, Paombong at Pulilan.

Sa paglipas ng mga taon, nagdagdagan ang bilang ng mga bayan sa grupo na nagpapahiwatig na higit na lumalawak ang bahagi ng lalawigan na apektado ng ibat-ibang uri ng pagbaha.

Kabilang sa mga uri ng baha ng nagpapalubog sa mga barangay sa iba-ibang bayan at lungsod sa Bulacan ay ang bahang hatid ng bagyo, flash flood o biglaang pagbaha, back flood, high tide at bahang sanhi ng malakas na ulan at pinalulubha ng mga baradong  daluyan ng tubig tulad ng mga kanal.

Ang bahang hatid ng bagyo ay karaniwang tinatampukan ng unti-unting pag-apaw ng tubig sa kailugan at pinalulubha ng pagpapatapon ng tubig mula sa mga dam tulad ng Angat, Ipo, at Bustos Dam.

Apektado nito ang ilang barangay sa bayan ng Bustos, Baliwag, Pulilan at Plaridel na matatagpuan sa gilid ng Ilog Angat.

Ngunit mas apektado mga bayan ng Calumpit at Hagonoy na noong 2011 at 2012 at kapwa lumubog.

Sa mga biglaang pagbaha, apektado ang mga bayan ng San Miguel, Santa Maria, Bocaue at Balagtas, maging ang bahagi ng Marilao at Lungsod ng Meycauayan.


Sa back flood na nagmumula sa mga lalawigan ng Auroa, Tarlac, Nueva Ecija at Pampanga, apektado ang mga bayan ng Hagonoy, Calumpit Pulilan at ilang bahagi ng Baliwag, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel.

Ang back flood ay karaniwang nananalasa limang hanggang pitong araw matapos ang may isang linggong pag-ulan sa silangang bahagi ng Gitnang Luzon.

Sa high tide, ang karaniwang apektado ay ang mga bayang matatagpuan sa baybayin ng Manila tulad ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Paombong, Marilao, Lungsod ng Meycauayan at ilang bahagi ng Bocaue.

Ayon sa mga dalubhasa, ang epekto ng high tide at pinalulubha pa ng land subsidence o paglubog ng lupa sa baybayin ng Manila Bay.

Batay pag-aaral nina Dr. Kelvin Rodolfo at Dr. Fernando Siringan, ang land subsidence ay hatid ng over water extraction of sobrang paghugot ng tubig mula sa ilalim ng lupa.

Ipinaliwanag naman ni Hilton Hernando ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC) na ang  high tide o pagtaas ng tubig sa karagatan ay hatid ng paglausaw ng niyebe sa malalamig na bansa.

Bukod sa mga nabanggit na uri ng baha, nakakaapekto din sa mga bayan at lungsod sa lalawigan ang pagbahang hatid ng malakas na ulan ngunit pinalulubha ng mga baradong kanal at iba pag daluyan ng tubig.

Kabilang sa mga bayang apektado ay ang bayan ng Guiguinto, Plaridel, Bustos, Bocaye, Balagtas at iba pa.

Ang kalagayang ito higit na natampok sa pananalasa ng bahang hatid ng malakas na ulang hatid ng hanging habagat noong nakaraang taon kung kailan, ang mga lugar na dati ay di lumulubog at lumubog sa tubig baha.

Ilan sa mga lugar na ito ay ang bahagi ng Balagtas, Bustos at Plaridel kung saan ay nasalanta ang mga pananim na palay.

Ayon kay Marangal Ruiz, municipal agriculture officer ng Balagtas, sinisisi ng kanyang kababayang magsasaka ang konstruksyon ng Balagtas-Plaridel-Bustos by-pass road.

Ito ay dahil sa napigil ng nasabing by-pass road ang daloy ng tubig dahil sa kapos sa mga box culver ang by-pass road.


Ayon kay Ruiz, “pag-tag-ulan, sobra-sobra ang tubig sa amin, pero wala naman kaming mapagtapunan, pag tag-araw, wala namang tubig.”

Binanggitdin niya na ilang bahagi ng bayan ng Balagtas ay naaapektuhan na rin ng high tide.
Bilang tugon naman sa epekto ng pagbaha, pinplano ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan ang pagpapahukay sa kailugan.

Ayon kay Mayor Ambrosio Cruz ng Guiguinto, kailangang muling mapalalim ang mga kailugan upang may madaluyan ang tubig ulan.

Inayunan din iyon ni Gob. Wilhelmino Alvarado na una nang nagpahayag ng panawagan sa Department of Public Works and Highways na buhayin ang Pampanga River Control System upang pangunahan angpamamahala sa kailugan at mga daluyang tubig. Dino Balabo

Monday, January 21, 2013

Malawakang pagtatanim ng bakawan ikinakasa ng kapitolyo



MALOLOS—Libo-libong Bulakenyo kabilang ang mga mag-aaral at kasapi ng ibat-ibang priobadong samahan ang inaasahang makikilahok sa malawakang pagtatanim ng bakawan sa baybayin ng lalawigan.

Sa kasalukuyan, matatapos na anf planong inihahanda ng kapitolyo para sa pagpapatupad ng proyektong nakadisenyo sa proteksyon ng mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan.

Samantala, nakatakda namang magsagawang isang fund raising campaign ang Sigla Movement of the Philippines (SMP) bilang suporta sa nasabing proyekto kaugnay ng panawagan samga kandidato sa halalan sa Mayo na isama sa kanilang plataporma ang pangangalaga at pagpapaunlad sa mga barangay sa tabing dagaty na karaniwang nakakalimutan.

Ayon kay Gob. Wilhelmino Avarado, aabot sa 300,000 binhi ng bakawan ang nakahandang itanim ng kapitolyo sa taong ito.

Ang mga nasabing binhi ay donasyon ng Eco-Shield Corporation, ang kumpanya nangunguna sa pagtatayo ng Bulacan sanitary landfill sa barangay Salambao sa bayan ng Obando.

Sa kanyang pahayag sa Radyo bulacan noong Sabado, Enero 12, sinabi ng punong lalawigan na ang unang dalawang buwan ng taon ang tamang panahon sa pagtatanimng bakawan.

“The months of January and February are the best time to plant mangroves on the coast of Manila Bay because we still have the northeast monsoon winds or amihan,”  ani Alvarado sa kanyang luingguhang palantuntunang isinasahimpapawid sa Radyo Bulacan tuwing Sabado.

Ipinaliwanag niya na kung buwan ng Enero at Pebrero, ang hanging amihan ay umiihip sa direksyong palayo sa dalamapasigan ng Manila Bay.

Kung kalagitnaan naman ng taon, ang direksyon ng ihip ng hanging habagat ay patungo sa dalampasigan kaya’t ang alon ay humahampas doon at posibleng mapinsala ang mga bagiojng tanim na binhi ng bakawan.

Bilang isang beterano sa larangan ng pamamalaisdaan, iginiit ng gobernador na mas malaki ang posibilidad ng ma mabuhay ang mga binhi na itinanim sa unang dalawang buwan ng taon dahil mas mababa ang tubig sa araw o low tide.

Ito ay inayunan din nina Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Puigad sa bayan ng Hagonoy na nagsabing kung mas maagang maitatanim ang mga binhi ng bakawan ay malaki ang psobilidad na mabuhay ito dahil sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan ay nakakapit na ang mga ugat nito sa lupa.

Dahil sa nalalapit na ang pagbabago ng ihip ng hangin o ang pagdating ng hanging habagat, sinabi ni Alvarado na dapat madaliin ang pagtatanim.

“We really have to accelerate the transplanting to ensure high survival rate of the seedlings,” aniya.

Dahil dito, itinalaga niya si Provincial Administrator Jim Valerio bilang tagapamuno ng isang Task Force na mangunguna sa pagtatanim ng bakawan, na siya ring makikipag-ugnayan sa mga non-governmental organizations NGO at kinatawan ng iba pang sektor.

Sa mas naunang panayam ng Mabuhay kay Valerio noong Miyerkoles, Enero 9, sinabi niya na kakailanganin nila ng tulong ng mga mag-aaral mula sa ibat-ibang pamantasan sa lalawigan para sa pagtatanim.

Bukod dito, sinabi niya na nakikipag-ugnayan na rin siya sa ibat-ibang samahan o NGO para sa pakikilahok sa nasabing proyekto.

Nagpahayag naman ng pagsuporta at pakikiisa ang Sigla Movement of the Philippines (SM) sa nasabing proyekto.

Ayon kay Gorssman Dax Uy, tagapangulo ng ng SMP, napapanahon ang pagtatanim ng bakawan dahil sa unti-unting nasisira ng malalaking alon mula sa dagat ang mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan.

Batay sa impormasyong naipon ng SMP, sinabi ni Uy na sa loob ng nagdaang 10 taon, mahigit sa 100 ektaryang palaisdaan sa baybayin ng Bulacan ang napinsala at lumubog dahil sa nadurog ng mga alaon ang mga pilapil nito.

Ayon kay Uy, ang pagkadurog ng mga pilapil ng palaisdaan ay dahil sa unti-unting pagkaubos ng mga puno ng bakawan na nagsisilbing panangga sa mga alon.

 “Bumibilis ang pagkasira ng mga palaisdaan at barangay sa coastal area ng Bulacan dahil sa nauubos din ang mga bakawan kaya kailangang magtanim uli tayo,” ani Uy.

Dahil sa kalagayang ito, sinabi ni Uy na magsasagawang isang fund raising campaign ang SMP para makaipon ng pondo na gagamitin sa pagtustos sa pagtatanim ng bakawan.

Ipinagmalaki naman ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito na umabot na sa mahigit 10,000 binhi ng bakawan ang kanilang naitanim sa baybayin ng Malolos, Paombong at Hagonoy mula noong 2010.

Inilarawan ni natividad ang nasabing proyekto bilang “tagumpay” dahil sa pakikisa ng mga resident eng baybayin ng Malolos at mga mangigisda.

Iginiit pa niya na patuloy ang kanilang pagtatanim dahil may sariling mangrove nursery ang pamahalaang lungsod ng Malolos.

Samantala, nanawagan sa kapitolyo ang mga residente ng mga pamayanan sa baybayin ng Bulacan bigyan ng pantay na pagtingin ang mga Bulakenyong nakatira sa baybayin ng lalawigan.

Ito ay dahil sa mas maraming proyekto ang ipinapatupad sa mga kabayan kumpara sa mga dulong barangay katulad sa coastal area.

Ayon sa mga resident eng barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy, higit ang pangangailangan nila sa kalinga ng kapitolyo ngayon dahil nararamdaman na nila ang epekto ng climate change.

Inihalimbawa nila ang pagtaas ng tubig mula sa dagat o high tide at malalaking alon kung may bagyo o storm surge bilang epekto ng climate change.  (Dino Balabo)