Tuesday, July 10, 2012

Dam operators, LGU dapat magkaisa


Ni: Vinson Concepcion

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 9 (PIA) - Hiniling ni Gob. Wilhelmino M. Sy- Alvarado sa mga dam operator sa lalawigan at mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng malinaw na koordinasyon upang maiwasan ang pagbaha sa mga mababang lugar sa Bulacan.

Kabilang sa mga ahensyang nagpapatakbo sa mga dam sa Bulacan na inanyayahan ng gobernador ang National Irrigation Authority, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Manila Water at  National Power Corporation.

“Para lamang itong larong basketbol, kailangan natin ng teamwork, ipaabot sa bawat ahensiya lalong lalo na sa mga taong higit na maaapektuhan ng pagpapakawala ng tubig. Mas madalas hindi naaabisuhan ang mga Bulakenyo na magpapakawala ng tubig. Kaya dapat nag-uusap tayo, dahil isa lamang sa atin ang magkamali ay nagdudulot na ng problema,” ani Alvarado.

Hinimok din ng gobernandor ang pamunuan ng Ipo Dam na ipagbigay-alam sa NIA bago magtapon ng tubig upang makapaghanda agad ang Bustos Dam at makapagpalabas din ng tubig bago pa man dumating ang tubig mula sa Ipo Dam.
Ipinaliwanag din niya na isa rin sa mga problema ay ang pagiging sub-reservoir ng Ipo Dam para sa Maynilad.

“Dapat ang Ipo Dam ay may preemptive release bago magbaha kaya lang hindi ito maisagawa dahil sa Maynilad kaya dapat magkaroon ng sariling sub-reservoir ang Maynilad. Samantalang habang wala pang sub-reservoir, dapat nagkakaunawaan ang mga operator ng mga dam. Dapat ang mga dam ay may mataas na carrying capacity ng tubig tuwing panahaon ng tag-ulan,” dagdag pa ni Alvarado.

Nais pa niya na maglagay na ng CCTV at karagdagang rain gauge sa mga dam upang matiyak na maayos na napapamahalaan ang mga dam lalo na sa panahon ng mga bagyo

No comments:

Post a Comment