Tuesday, July 10, 2012

Kahit mapanganib, Bustos dam patuloy na dinarayo


BUSTOS, Bulacan—Sa kabila ng panganib na hatid ng marurupok na rubber gates ng Bustos Dam, patuloy pa rin ang ilang mga residente sa pangingisda at paliligo sa apron ng nasabing dam.

Ang panganib na ito ay hindi lingid sa mga residente dahil sa bukod sa binakuran na ng National Irrigation Administration (NIA) ang paligid ng dam ay naglagay din ng mga karatula na nagpapahayag ng mga babala.

Ilan sa mga hindi mapigilang residente ay ang mgangigisdang si Renato Hizon at mga kabataang nagsisipaligo na kasama ni Sonny Boy Janda.

Ayon kay Hizon, batid nila ang peligro ngunit dito daw sila kumukuha ng kanilang pinagkakakitaan.

Iginiit pa niya na kung sakalling sumabog ang dam ay agad silang makakatakbo upang makaiwas sa pwersa ng tubig dahil sa matagal na daw silang nangingisda doon at alam na nila ang kanilang gagawin.

Gayundin ang naging tugon ni Janda at iginiit pa na masarap daw maligo sa ibaba ng dam.

Ayon sa NIA, sinira ng mga residente ang kanilang bakod at hindi nila mapigilan ang mga ito sa pangingisda at paliligo doon.

“Lubhang delikado ang dam lalo na kapag may inabutan ang pagsabog nito,” ani Inhinyero Felix Robles ang OIC ng water control and coordinating unit ng NIA.

Ipinalwanag niya na aabot sa  500 cubic meter per second (CMS) ng tubig ang raragasa kapag nasira ang isang rubber gate ng dam.

Iginiit pa ni Robles na anumang oras ay posibleng masira ang rubber gate ng dam dahil matanda na ito.

Binigyang diin niya na batay sa pag-aaral ng Bridge Stone Corporation at Japan International Cooperation Agency (Jica), ang mga rubbergate ng dam ay tumatagal g 30 taon.

Ngunit dahil sa init ng panahon sa bansa, aabot na lamang sa 15 ang itatagal ng mga rubber gate na ikinabit noong 1997, o 15 taon na ang nakakaraan.

Dahil dito, hinahayaan ng NIA na umapaw ang tubig sa ibabaw ng rubber gate upang iyon ay mapanatiling malamig sa pagnanais na mapahaba ang serbisyo nito.

Ayon pa kay Robles, ipinabatid na nila sa kanilang punong tanggapan ang pagpapakumpuni sa Bustos Dam at posibleng abutin ito ng hanggang sa susunod na taon bago masimulan.

Iginiit pa niya na aabutin ng P1-Bilyon ang halaga na gugugulin sa pagpapakumpuni ng Bustos Dam dahil sa ang bawat isang rubber gate ay nagkakahala ng P50-Milyon.

Dahil sa malaking halaga ng gugugulin, sinabi ni Robles na bukas din sila sa ibang teknolohiya upang matiyak ang katatagan ng dam.

Kabilang sa mga teknolohiyang kinukunsidera ng NIA ay ang paggamit ng steel gate sa dam.  (Rommel Ramos)

No comments:

Post a Comment