Saturday, August 3, 2013

Palaisdaang nilamon ng dagat, kukumpunihin na




HAGONOY, Bulacan—Nagagalak ang mga residente ng islang Barangay Pugad sa bayang ito dahil sa nalalapit na rehabilitasyon ng pambayang palaisdaan na katabi ng kanilang pamayanan.

Ngunit ang kanilang kagalakan ay hindi lamang dahil sa dagdag kita na ihahatid nito sa barangay o kaya ay ang dagdag na oportunidad sa trabaho at hanapbuhay.

Sa halip, higit nilang ikinagagalak ang posibilidad na mabigyan sila ng proteksyon ng itatayong pilapil ng palaisdaan laban sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay.

Ayon kay Ramon Atienza Jr., kapitan ng Pugad, nagkausap sila noong Lunes, Hulyo 22 ni Mayor Raulito Manlapaz at tiniyak sa kanya na masisimulan ang rehabilitasyon ng pambayang palaisdaan bago matapos ang taon.

“Baka daw sa November ay masimulan na,” sabi ni Atienza patungkol sa napipintong rehabilitasyon ng pamabayang palaisdaan na may sukat na 98 ektarya.

Sinabi pa ng kapitan na gagamitan ito ng draga upang mapabilis ang pagtatayo ng pilapil.

Sa pagtatanong ng mamamahayag na ito, nilinaw niya na hindi lamang lambat ang ilalagay sa pilapil, sa halip ay lupa na gagawing dike.

Ngunit ilang residente ng Pugadang nagpahayag ng posibilidad na ang lot number 2 lamang nag propius ng Hagonoy ang isailalim sa rehabiltasyon.

Ang lot number 2 ay ang may sukat na 98 ektarya, at ang lot number 1 ay ang mas malaki na may sukat na 108 ektarya.

Ayon kay Atienza, kapag muling naitayo ang pilapil ng propius na tinatawag na lot number 2, mabibigyan sila ng proteksyon nito sa malalaking alon na hatid ng storm surge kapag tag-ulan.

Ngunit para makumpleto ang proteksyon ng Barangay Pugad sa malalaking alon mula sa Manila Bay, kailangan ding makumpuni ang lot number 1.

Inayunan ito ni Kagawad Alfredo Lunes na nagsabi na halos 10 taon na rin ng abandonahin ng dating namamahala ang dalawang lote ng pambayang palaisdaan.

Dahil sa pag-abandona, napabayaan ang mga palaisdaan at tuluyang dinurog ng alon ang mga pilapil nito.

Sa pagkawasak ng mga pilapil ng propius ng Hagonoy, nalantad sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay ang Barangay Pugad lalo na kung umiihip ang hanging habagat kapag tag-ulan na pinalulubha pa ng epekto ng climate change.

Sa paglalarawan ni Lunes, sinabi niya na ang mga alon mula sa dagat ay humahampas sa bubong ng kanyang bahay na bungalow-typeoisang palapag.

Ang bahay ng kagawad ay matatagpuan sa gilid ng sea-wall dike ng barangay na nakaharap sa Manila Bay.

Hinggil sa napipintong rehabilitasyon, ipinayo ng mga residente ng Pugad pamamaraan sa pagtatayo ng dike na kanilang natutunan sa kanilang mga ninuno.

Ito ay ang pagtutulos ng mga istakang kawayan upang magsilbing pamigil sa putik at mga batong itatambak upang maging pilapil.

Ipinaliwanag nila na kung walang istaka ang itatayong pilapil, madudurog din ito katulad ng isinagawang proyekto sa nasabing barangay na ginugulan lang halos P5-M.

Ito ay ang proyektong pagtatambak sa gilid ng  barangay sa pamamagitan ng draga, ngunit nadurog din ng alon ang itinambak, maging ang tinanim na may 140,000 binhi ng bakawan ay naglaho, kaya nasayang lamang ang perang ginugol sa dalawang proyekto.

Una rito, ipinangako ni Manlapaz sa kanyang pasinayang talumpati noong Hulyo 1 na muli niyang bubuhayin  ang propius ng Hagonoy, ngunit hindi niya sinabi kung lahat ng lote ay kanilang isasailalim sa rehabilitasyon.

Noong nakaraang linggo, pinasimulan ang pagtatambak ng mga lansangan ng Pugad upang itaas iyon maging ang pagdadagdag ng apat na patong ng hollow block sa hanay ng sea wall dike.

Ngunit sa pagmamasid noong Hulyo 23 ng mamamahayag na ito, lumubog sa kasagsagan ng high tide na may lalim na 4.6 feet above sea level ang bahagi ng kalsada na pinatambakan ni Manlpaz.

Sa kabila ng tambak, umabot pa rin sa halos dalawang talampakan ang lalim ng tubig sa  ilang bahagi ng lansangan ng Pugad.

Kaugnay nito, nagpahayag ng tiwala si Bokal Felix Ople sa kakayahan ni Manlapaz na masolusyunan ang problema sa Barangay Pugad.

Sa panayam, sinabi ni Ople na dating alkalde ng bayang ito na ang pamilya ng maybahay ni Manlapaz ay ang pinakamalalaking namamalaisdaan sa bayang ito.

“They have the resources and they can do it,” ani ng Bokal na isa sa mga anak ng yumaong si Senador Blas F.Ople.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment