MALOLOS—Tinatayang mahigit
sa P1-Milyon ang halaga ng nakumpiskang tablon o mga tablang tinistis ng mga
timber poachers sa Angat at Ipo watershed kaugnay ng pinaigting na kampanya
laban dito.
Ngunit sa kabila nito,
walang naarestong timber poacher at wala
ring nakumpiskang chainsaw.
Kaugnay nito, nanawagan si
Gob. Wilhelmino Alvarado sa mga kongresistang Bulakenyo para amyendahan batas na sumasakop sa
pangangalaga sa kagubatan at punong kahoy upang higit na lagyan iyon ng ngipin.
Batay sa ulat ng Provincial Anti-IllegalLogging Task Force (PAILTF), umabot sa mahigit 20,000 boardfeet ng tablon ang kanilang nakumpiska sa pinaigting na operasyon sa Angat at Ipo watershed.
Ang operasyon ay nagsimula noong Hulyo 16 at nagpatuloy hanggang noong Linggo, Hulyo 21.
Ang pinakuhuling
nakumpiska ay ang 3,857 board feet na tablon sa bahagi ng Ipo Watershed sa
bayan ng Norzagaray, Bulacan.
Kabilang dito ay mga
tinistis na tablon ng lawaan, kamagong, bagtikan at guijo.
Ayon kay Bro. Martin
Francisco, ang presyo ng bawat isang board feet ng tablon ay nagkakahalaga ng
P50, kaya’t ang 20,000 boardfeet ay nagkakahalaga ng P1-M.
Si Francisco ay ang
tagapagtatag ng Sagip Sierra Madre Environmental Society (SSMES) at kasapi
ng PAILTF.
Sa kabila naman ng
malaking bilang ng tablon na nakumpiska, wala naarestong timber poacher at wala
ring nakumpiskang chain saw ang mga kasapi ng PAILTF.
Ito ay dahil sa diumano’y
pagiging sopistikado ng mga timber poachers.
Ayon kay Francisco, malaki
ang posibilidad na papasok pa lang sila sa watershed ay naimpormahan na ang mga
timber poacher ng kanilang mga tagamasid sa mga Barangay Ipo, San Mateo at San Lorenzo
sa bayan ng Norzagaray.
“Mas sopistikado sila
ngayon, well financed and well equipped,” ani Francisco patungkol sa mga timber
poacher.
Binanggit din niya na
sinasamantala ng mga timber poacher ang pagkakaroon signal ng telepono sa
kabundukan kaugnay ng pagtatayo ng mga celluar tower ng ilang kumpanya ng
telepono sa Hilltop,Norzagaray.
Kaugnay nito, sinabi ni
Gob. Alvarado na dapat dagdagan ng ngipin ang mga forestry law sa bansa.
Sinabi niya na
makikipag-ugnayan siya sa mga kongresitang Bulakenyo upang isulong ang
pagdadagdag ng parusa sa mga taong lumalabag sa batas pangkalikasan.
Tiniyak din ng punong
lalawigan na na ipagpapatuloy nila ang pagpapaigting ng kampanya sa pangunguna
ng PAILTF.
Ayon sa gobernador,
ipinagbabawa ng batas ang pagputol sa mga punong kahoy sa mga watershed
katuladng Angat at Ipo Dam watershed na itinakda ng batas bilang “wilderness
area.”
Sinabi pa ni Alvarado na
pinag-aaralan nila ang pagkansela sa pertmit ng mga sash factory sa Norzagaray,
at Lungsod ng San Jose Del Monte na hinihinalang bumibili ng mga ilegal na
tablon na nagmula sa watershed. (Dino
Balabo)
No comments:
Post a Comment