Saturday, August 24, 2013

Calumpit at Hagonoy apektado na ng backflood





CALUMPIT, Bulacan—Bukod sa bahang hatid ng pinatapong tubig mula sa dam, pinangangambahan ng ng mga resident eng Calumpit ang Hagonoy ang epekto ng backflood na nagmumula sa Pampanga River.

Ngunit ayon sa mga opisyal ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), magiging maliit lamang ang epkto ng backflood na hatid ng bagyong Maring kumpara sa habagat noong nakaraang taon.

Kaugnay nito, patuloy ang pagmamasid ng Bustos Dam sa taas ng tubig sa dam at sa taas ng tubig sa ilog sanhi ng high tide,kaya’t naging maingat sila sa pagpapatapon ng tubig batay na rin sa payo ni Gob. Wilhelmino Alvarado.

Ayon kay Hilton Hernando, pinuno ng PRFWC, nagsimulang maramdamang ang epekto ng back flood sa Calumpit at Hagonoy noong Miyerkoles, Agosto 21.

Ngunit nilinaw niya na magiging maliit lamang ang epekto nito sa kasalukuyang baha sa mga nasabing bayan,kumpara noong nakaraang taon.

“Mas mababaw ang baha sa Calumpit at Hagonoy kahit na dumating ang back flood,” ani Hernando noong Huwebes, Agosto 22.

Ipinaliwanag niya na ito ay dahil sa mas maraming ulan ang bumuhos sa baybayin ng Bulacan at Pampanga nitiong nakaraang linggo, kumpara noong nakaraang taon.

Batay sa tala ng PRFFWC, sinabi ni Hernando na mas malakas at kalat ang ulan noong nakaraang taon sa bahagi ng silangang Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac at Pampanga.

Inayunan din ito ni Liz Mungcal, ang hepe PDRRMO na nagsabing mula noong Miyerkoles ay nagsimula ng bumuti angpanahon sa Bulacan.

Ipinaliwanag niya na ang pangunahing  baha na nagpalubiog sa bayan ng Calumpit at Hagonoy ay sanhi ng high tide.

Nadagdagan lamang ito ng malakas na buhos ng ulan, kaunting tubig na pinatapon mula sa dam at backflood.

Hinggil sa pagpapatapon ng tubig mula sa Dam,nilinaw ni Inhinyero Prescioso Punzalan ng National Irrigation Administration na skiyang namamahala sa Bustos Dam na unti-unti lamang angkanilang pagpapatapon ng tubig.

Iginiit pa niya na itinatapat nilaito sa pagbaba ng high tide upang hindi masyadong makapekto sa binbahang bahagi ng Calumpit at Hagonoy.

Samantala, nanawagan ng tulong angmga resident eng Sitio Pulo barangay San Jose sa bayan ng Calumpit dahil sa halos talong linggo na silang nakalubog sa baha.

Ito ay nagsimula sapananalasa ng bagyong Labuyo noong  Agosto 12.

Higit pang lumalim ang tubig sanhi ng bagyong Maring noong Agosto 18 hanggang 22

Ayon sa mga residente, sila ang nagsisilbing catch basin ng bayan ng Calumpit.

Kaugnay nito, agad na isinailalim sa  state of calamity ang mga barangay ng Sapang Bayan,Meysulao, Frances, San Miguel sa Calumpit,maging ang buong bayan ng Hagonoy dahil sa pagbaha. (Dino Balabo)

20,000 puno itatanim ng MNTC sa NLEX



PULILAN, Bulacan—Sinimulan na ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) ang pagtatanim 20,000 punong kahoy sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) noong Sabado, Agosto 17.

Kasama ang mga mamamahayag, ang pagtatanim ay pinangunahan ni Ramoncito Fernandez,ang pangulo at Chief Executive Officer (CEO) ng MNTC na isang sangay ng Metro Pacific Investment Corporationna pinangungunahan ng negosyanteng si Manuel Pangilinan.

“This is our birthday gift to our Chairman,” ani Fernandez sa panayam ng Mabuhay matapos ang pagtatanim.

Nilinaw ni Fernandez na sa pagdiriwang ni Pangilinan ng kanyang ika-67 kaarawan noong Hulyo ay 67 uri ng punong kahoy ang kanilang iniregalo sa kilalang negosyante.

Ang nasabing 67 uri ng punong kahoy ay katumbas ng edad ni Pangilinan, ngunit ayon kay Fernandez, sa kabuuan ay 20,000 puno ang kanilang itatanim sa buong taon.

Bukod sa pagiging regalo kay Pangilinan, iginiit pa ni Fernandez na ang pagtatanim ng punong kahoy ay bahagi ng pagtupad ng MNTC sa kanilang  corporate social responsibility (CSR).


“We are aiming to build a better environment and we thought starting with tree planting,” ani Fernandez.

Batay sa tala ngMNTC umaabot sa 180,000 sasakyan ang dumadaan sa kahabaan ng NLEX bawat araw.

Ang bawat sasakyang ito ay nagbubuga ng usok, kayat sinabi ni Fernandez na isa ito sa nais nilang tugunan.

Ipinaliwanag niya na ang mga punong kahoy ay humigihop ng usok na nakakalason sa taon, at nagbubuga naman ng oksiheno na kailangab ng tao.

Bilang bahagi ng CSR ng MNTC, ipinaliwanag ni Marlene Ochoa, pinunno ng corporate communications ng MNTC na nagsimula silang magtanim ng punong kahoy noong 2008.

Sa kabuuan, sinabi ni Ochoa na halos 60,000 punong kahoy na ang kanilang naitanim.

Bukod sa kahabaan ng NLEX, sinabi ni Ochoa na nagtatanim din sila sa ibang lugar katulad ng paanan ng bundok ng  Arayat sa bayan ng Mexico sa Pampanga noong nakaraang taon.

Gayunpaman iginiit niya na ang 20,000 punong kahoy na regalo nila kay Pangilinan ay kanilang itatanim sa loob ng isang taon sa kahabaan ng NLEX.

Itio ay bahagi ng kanilang programang tinawag na “Greening the NLEX.”

Hinggil sa paglahok ng mga mamamahayag, sinabi ni Ochoa na ang bawat isa ay may papel na dapat gampanan para sa kalikasan.

“Its good na ma-engage tayong lahat sa pagtatanim, para higit nating maunawaan ang kahalagahan ng pagaalaga sa kalikasan,”aniya. (Dino Balabo)

Sunday, August 18, 2013

“O BuMaHa Ca Pa Pu” at 7 pang bayang laging binabaha sa Bulacan





MALOLOS—Kung ang kalakhang Maynila ay may Camava na kinabibilangan ng mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na madalas sagasaan ng pagbaha, mayroon din grupo ng mga bayan at lungsod sa Bulacan na laging binabaha.

Ngunit hindi lang isang klase pagbaha ang nananalasa sa lalawigan, sa halip ay halos lahat ng klase.

Ang mga grupo ng mga bayan at lungsod na laging binabaha sa Bulacan ay  tinatawag na  “O BuMaHa Ca Pa Pu Mame BoMaBa Guimi.”

Ito ay ang pinagsama-samang unang mga letra ng pangalan ng mga bayan ng Obando, Bulakan, Lungsod ng Malolos, Hagonoy, Calumpit, Pulilan, Marilao, Lungsod ng Meycauayan, Bocaue, Sta. Maria, Balagtas, Guiguinto at San Miguel.

Sa kabuuan, umabot sa 12 bayan at dalawang lungsod sa 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan ang laging sinasagasaan ng baha.

Hindi pa kasama rito ang mga bayan ng Plaridel at Bustos na sa dalawang nagdaang taon ay nakarnas ng pagbaha na isinisisi ng mga magsasaka sa konstruksyon ng Balagtas-Bustos by-pass road.

Ang pinagsama-samang pangalan ng mga binabahang bayan sa lalawigan ay unang nabuo ng mamamahayag na ito may limang taon na ang nakakaraan.


Ngunit iyon ay limitado lamang sa “O Bumaha Ca Pa Pu” o mga bayan ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Calumpit, Paombong at Pulilan.

Sa paglipas ng mga taon, nagdagdagan ang bilang ng mga bayan sa grupo na nagpapahiwatig na higit na lumalawak ang bahagi ng lalawigan na apektado ng ibat-ibang uri ng pagbaha.

Kabilang sa mga uri ng baha ng nagpapalubog sa mga barangay sa iba-ibang bayan at lungsod sa Bulacan ay ang bahang hatid ng bagyo, flash flood o biglaang pagbaha, back flood, high tide at bahang sanhi ng malakas na ulan at pinalulubha ng mga baradong  daluyan ng tubig tulad ng mga kanal.

Ang bahang hatid ng bagyo ay karaniwang tinatampukan ng unti-unting pag-apaw ng tubig sa kailugan at pinalulubha ng pagpapatapon ng tubig mula sa mga dam tulad ng Angat, Ipo, at Bustos Dam.

Apektado nito ang ilang barangay sa bayan ng Bustos, Baliwag, Pulilan at Plaridel na matatagpuan sa gilid ng Ilog Angat.

Ngunit mas apektado mga bayan ng Calumpit at Hagonoy na noong 2011 at 2012 at kapwa lumubog.

Sa mga biglaang pagbaha, apektado ang mga bayan ng San Miguel, Santa Maria, Bocaue at Balagtas, maging ang bahagi ng Marilao at Lungsod ng Meycauayan.


Sa back flood na nagmumula sa mga lalawigan ng Auroa, Tarlac, Nueva Ecija at Pampanga, apektado ang mga bayan ng Hagonoy, Calumpit Pulilan at ilang bahagi ng Baliwag, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel.

Ang back flood ay karaniwang nananalasa limang hanggang pitong araw matapos ang may isang linggong pag-ulan sa silangang bahagi ng Gitnang Luzon.

Sa high tide, ang karaniwang apektado ay ang mga bayang matatagpuan sa baybayin ng Manila tulad ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Paombong, Marilao, Lungsod ng Meycauayan at ilang bahagi ng Bocaue.

Ayon sa mga dalubhasa, ang epekto ng high tide at pinalulubha pa ng land subsidence o paglubog ng lupa sa baybayin ng Manila Bay.

Batay pag-aaral nina Dr. Kelvin Rodolfo at Dr. Fernando Siringan, ang land subsidence ay hatid ng over water extraction of sobrang paghugot ng tubig mula sa ilalim ng lupa.

Ipinaliwanag naman ni Hilton Hernando ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC) na ang  high tide o pagtaas ng tubig sa karagatan ay hatid ng paglausaw ng niyebe sa malalamig na bansa.

Bukod sa mga nabanggit na uri ng baha, nakakaapekto din sa mga bayan at lungsod sa lalawigan ang pagbahang hatid ng malakas na ulan ngunit pinalulubha ng mga baradong kanal at iba pag daluyan ng tubig.

Kabilang sa mga bayang apektado ay ang bayan ng Guiguinto, Plaridel, Bustos, Bocaye, Balagtas at iba pa.

Ang kalagayang ito higit na natampok sa pananalasa ng bahang hatid ng malakas na ulang hatid ng hanging habagat noong nakaraang taon kung kailan, ang mga lugar na dati ay di lumulubog at lumubog sa tubig baha.

Ilan sa mga lugar na ito ay ang bahagi ng Balagtas, Bustos at Plaridel kung saan ay nasalanta ang mga pananim na palay.

Ayon kay Marangal Ruiz, municipal agriculture officer ng Balagtas, sinisisi ng kanyang kababayang magsasaka ang konstruksyon ng Balagtas-Plaridel-Bustos by-pass road.

Ito ay dahil sa napigil ng nasabing by-pass road ang daloy ng tubig dahil sa kapos sa mga box culver ang by-pass road.


Ayon kay Ruiz, “pag-tag-ulan, sobra-sobra ang tubig sa amin, pero wala naman kaming mapagtapunan, pag tag-araw, wala namang tubig.”

Binanggitdin niya na ilang bahagi ng bayan ng Balagtas ay naaapektuhan na rin ng high tide.
Bilang tugon naman sa epekto ng pagbaha, pinplano ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan ang pagpapahukay sa kailugan.

Ayon kay Mayor Ambrosio Cruz ng Guiguinto, kailangang muling mapalalim ang mga kailugan upang may madaluyan ang tubig ulan.

Inayunan din iyon ni Gob. Wilhelmino Alvarado na una nang nagpahayag ng panawagan sa Department of Public Works and Highways na buhayin ang Pampanga River Control System upang pangunahan angpamamahala sa kailugan at mga daluyang tubig. Dino Balabo

Saturday, August 3, 2013

Palaisdaang nilamon ng dagat, kukumpunihin na




HAGONOY, Bulacan—Nagagalak ang mga residente ng islang Barangay Pugad sa bayang ito dahil sa nalalapit na rehabilitasyon ng pambayang palaisdaan na katabi ng kanilang pamayanan.

Ngunit ang kanilang kagalakan ay hindi lamang dahil sa dagdag kita na ihahatid nito sa barangay o kaya ay ang dagdag na oportunidad sa trabaho at hanapbuhay.

Sa halip, higit nilang ikinagagalak ang posibilidad na mabigyan sila ng proteksyon ng itatayong pilapil ng palaisdaan laban sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay.

Ayon kay Ramon Atienza Jr., kapitan ng Pugad, nagkausap sila noong Lunes, Hulyo 22 ni Mayor Raulito Manlapaz at tiniyak sa kanya na masisimulan ang rehabilitasyon ng pambayang palaisdaan bago matapos ang taon.

“Baka daw sa November ay masimulan na,” sabi ni Atienza patungkol sa napipintong rehabilitasyon ng pamabayang palaisdaan na may sukat na 98 ektarya.

Sinabi pa ng kapitan na gagamitan ito ng draga upang mapabilis ang pagtatayo ng pilapil.

Sa pagtatanong ng mamamahayag na ito, nilinaw niya na hindi lamang lambat ang ilalagay sa pilapil, sa halip ay lupa na gagawing dike.

Ngunit ilang residente ng Pugadang nagpahayag ng posibilidad na ang lot number 2 lamang nag propius ng Hagonoy ang isailalim sa rehabiltasyon.

Ang lot number 2 ay ang may sukat na 98 ektarya, at ang lot number 1 ay ang mas malaki na may sukat na 108 ektarya.

Ayon kay Atienza, kapag muling naitayo ang pilapil ng propius na tinatawag na lot number 2, mabibigyan sila ng proteksyon nito sa malalaking alon na hatid ng storm surge kapag tag-ulan.

Ngunit para makumpleto ang proteksyon ng Barangay Pugad sa malalaking alon mula sa Manila Bay, kailangan ding makumpuni ang lot number 1.

Inayunan ito ni Kagawad Alfredo Lunes na nagsabi na halos 10 taon na rin ng abandonahin ng dating namamahala ang dalawang lote ng pambayang palaisdaan.

Dahil sa pag-abandona, napabayaan ang mga palaisdaan at tuluyang dinurog ng alon ang mga pilapil nito.

Sa pagkawasak ng mga pilapil ng propius ng Hagonoy, nalantad sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay ang Barangay Pugad lalo na kung umiihip ang hanging habagat kapag tag-ulan na pinalulubha pa ng epekto ng climate change.

Sa paglalarawan ni Lunes, sinabi niya na ang mga alon mula sa dagat ay humahampas sa bubong ng kanyang bahay na bungalow-typeoisang palapag.

Ang bahay ng kagawad ay matatagpuan sa gilid ng sea-wall dike ng barangay na nakaharap sa Manila Bay.

Hinggil sa napipintong rehabilitasyon, ipinayo ng mga residente ng Pugad pamamaraan sa pagtatayo ng dike na kanilang natutunan sa kanilang mga ninuno.

Ito ay ang pagtutulos ng mga istakang kawayan upang magsilbing pamigil sa putik at mga batong itatambak upang maging pilapil.

Ipinaliwanag nila na kung walang istaka ang itatayong pilapil, madudurog din ito katulad ng isinagawang proyekto sa nasabing barangay na ginugulan lang halos P5-M.

Ito ay ang proyektong pagtatambak sa gilid ng  barangay sa pamamagitan ng draga, ngunit nadurog din ng alon ang itinambak, maging ang tinanim na may 140,000 binhi ng bakawan ay naglaho, kaya nasayang lamang ang perang ginugol sa dalawang proyekto.

Una rito, ipinangako ni Manlapaz sa kanyang pasinayang talumpati noong Hulyo 1 na muli niyang bubuhayin  ang propius ng Hagonoy, ngunit hindi niya sinabi kung lahat ng lote ay kanilang isasailalim sa rehabilitasyon.

Noong nakaraang linggo, pinasimulan ang pagtatambak ng mga lansangan ng Pugad upang itaas iyon maging ang pagdadagdag ng apat na patong ng hollow block sa hanay ng sea wall dike.

Ngunit sa pagmamasid noong Hulyo 23 ng mamamahayag na ito, lumubog sa kasagsagan ng high tide na may lalim na 4.6 feet above sea level ang bahagi ng kalsada na pinatambakan ni Manlpaz.

Sa kabila ng tambak, umabot pa rin sa halos dalawang talampakan ang lalim ng tubig sa  ilang bahagi ng lansangan ng Pugad.

Kaugnay nito, nagpahayag ng tiwala si Bokal Felix Ople sa kakayahan ni Manlapaz na masolusyunan ang problema sa Barangay Pugad.

Sa panayam, sinabi ni Ople na dating alkalde ng bayang ito na ang pamilya ng maybahay ni Manlapaz ay ang pinakamalalaking namamalaisdaan sa bayang ito.

“They have the resources and they can do it,” ani ng Bokal na isa sa mga anak ng yumaong si Senador Blas F.Ople.  (Dino Balabo)

Higit sa P1-M halaga ng tablon, nakumpiska, pero walang naaresto





MALOLOS—Tinatayang mahigit sa P1-Milyon ang halaga ng nakumpiskang tablon o mga tablang tinistis ng mga timber poachers sa Angat at Ipo watershed kaugnay ng pinaigting na kampanya laban dito.

Ngunit sa kabila nito, walang naarestong timber poacher  at wala ring nakumpiskang chainsaw.

Kaugnay nito, nanawagan si Gob. Wilhelmino Alvarado sa mga kongresistang Bulakenyo  para amyendahan batas na sumasakop sa pangangalaga sa kagubatan at punong kahoy upang higit na lagyan iyon ng ngipin.

Batay sa ulat ng Provincial Anti-IllegalLogging Task Force (PAILTF), umabot sa mahigit 20,000 boardfeet ng tablon ang kanilang nakumpiska sa pinaigting na operasyon sa Angat at Ipo watershed.

Ang operasyon ay nagsimula noong Hulyo 16 at nagpatuloy hanggang noong Linggo, Hulyo 21.

Ang pinakuhuling nakumpiska ay ang 3,857 board feet na tablon sa bahagi ng Ipo Watershed sa bayan ng Norzagaray, Bulacan.

Kabilang dito ay mga tinistis na tablon ng lawaan, kamagong, bagtikan at guijo.

Ayon kay Bro. Martin Francisco, ang presyo ng bawat isang board feet ng tablon ay nagkakahalaga ng P50, kaya’t ang 20,000 boardfeet ay nagkakahalaga ng P1-M.

Si Francisco ay ang tagapagtatag ng Sagip Sierra Madre Environmental Society (SSMES) at kasapi ng  PAILTF.

Sa kabila naman ng malaking bilang ng tablon na nakumpiska, wala naarestong timber poacher at wala ring nakumpiskang chain saw ang mga kasapi ng PAILTF.

Ito ay dahil sa diumano’y pagiging sopistikado ng mga timber poachers.

Ayon kay Francisco, malaki ang posibilidad na papasok pa lang sila sa watershed ay naimpormahan na ang mga timber poacher ng kanilang mga tagamasid sa mga Barangay Ipo, San Mateo at San Lorenzo sa bayan ng Norzagaray.

“Mas sopistikado sila ngayon, well financed and well equipped,” ani Francisco patungkol sa mga timber poacher.

Binanggit din niya na sinasamantala ng mga timber poacher ang pagkakaroon signal ng telepono sa kabundukan kaugnay ng pagtatayo ng mga celluar tower ng ilang kumpanya ng telepono sa Hilltop,Norzagaray.

Kaugnay nito, sinabi ni Gob. Alvarado na dapat dagdagan ng ngipin ang mga forestry law sa bansa.

Sinabi niya na makikipag-ugnayan siya sa mga kongresitang Bulakenyo upang isulong ang pagdadagdag ng parusa sa mga taong lumalabag sa batas pangkalikasan.

Tiniyak din ng punong lalawigan na na ipagpapatuloy nila ang pagpapaigting ng kampanya sa pangunguna ng PAILTF.

Ayon sa gobernador, ipinagbabawa ng batas ang pagputol sa mga punong kahoy sa mga watershed katuladng Angat at Ipo Dam watershed na itinakda ng batas bilang “wilderness area.”

Sinabi pa ni Alvarado na pinag-aaralan nila ang pagkansela sa pertmit ng mga sash factory sa Norzagaray, at Lungsod ng San Jose Del Monte na hinihinalang bumibili ng mga ilegal na tablon na nagmula sa watershed.  (Dino Balabo)