Saturday, May 26, 2012

Obando SLF magiging ‘sementeryo’ ng kontaminadong burak


Makikita sa larawan ang dalawang bangkero habang dumadaan sa gilid ng palaisdaan sa Brgy. Salambao, Obando kung saan itatayo ang Bulacan Sanitary land fill.  Ang Larawang ito ay kuha noong Agosto 2011.


LUNGSOD NG MALOLOS—Kinukunsidera ng Environmental Management Bureau (EMB) ang panukalang Sanitary Landfill (SLF) sa baybayin ng Obando bilang ‘sementeryo’ ng mga burak na konataminado ng nakakalasong kemikal na huhukayin mula sa kailugan ng Marilao at Meycauayan.

Ngunit nilinaw ng EMB na ang nasabing plano ay kailangag sumailalim sa intensibong environmental impact assessment (EIA) upang matiyak na ligtas ang pagdukal at paglilipat ng mga burak sa panukalang SLF na matatagpuan sa islang barangay ng Salambao sa Obando.

Samantala, ipinagmalaki ng EMB na gumanda na ang kalidad ng tubig sa kailugan ng Marilao at Meycauayan na noong 2007 ay napabilang sa 30 pinakamaruruming lugar sa buong mundo o “Dirty 30.”

Ayon kay Lormelyn Claudio, direktor ng EMB sa Gitnang Luzon, kinukunsidera nila ang panukalang Salambao SLF upang paglagyan ng huhukaying burak sa kailugan ng Marilao at Meycauayan dahil malapit lamang ito.

Gayunpaman, sinabi ni Claudio sa esklusibong panayam na “its not final yet, but we are considering the Obando Sanitary Landfill.”

Ipinaliwanag niya na kailangan pang makapasa sa isasagawang EIA study ang nasabing SLF bukod pa sa kailangang amyendahan ang environmental compliance certificate (ECC) nito

Sa kasalukuyan, sinabi ni Claudio na batay sa ECC ng panukalang Salambao SLF, ito ay maaari lamang tumanggap ng domestic wastes o mga basurang nagmumula sa mga tahanan.

Ipinaliwanag ng direktor na kung sakaling payagang tumanggap ng mga toxic o nakakalasong basura ng Salambao SLF, kailangan pang magtayo ng pasilidad para sa nasabing uri ng basura.

Ito ay upang matiyak na hindi kakatas at tatapon sa tubig ang kontaminadong burak na huhukayin mula sa kailugan ng Marilao at Meycauayan.

Noong nakaraang Marso, inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang planong dredging project sa nasabing kailaugan na nagkakahalaga ng P1.9-Bilyon.

Sa panayam ng Mabuhay kay Public Works Secretary Rogelio Singson noong Marso 20, tiniyak ng kalihim na magihing ligtas ang paghukay sa ilog.

Ipinagmalaki niya na ito ay gagamitan nila ng makabagoing teknolohiya katulad ng tube technology, ngunit hindi niya ipinaliwanag kung paano iyon gagawin.

Matatandaan na ang kailaugan ng Marilao at Meycauayan ay napabilang sa inilathalang “Dirty 30” ng Blacksmith Institute noong 2007.

Batay sa pagsusuri ng Blacksmith Institute na naka-base sa New York, ang burak ng nasabing kailaugan ay kontaminado ng mga nakakalasong kemikal tulad ng mercury, chromium, lead at iba pang mga kemikal na nasa kategoryang heavy metal.

Ayon sa Blacksmith Institute, ang mga nasabing kemikal ay ay posibleng nagmula sa mga pabrika ng mga alahas, nga tanneries na gumagawa ng sapatos, at maging sa pabrika ng ng nareresiklo at gumagawa ng baterya.

Ito naman ay kinumpirma ng noo’y pamahalaang lalawigan ng Bulacan na nagsabing ang polusyon sa kailugan ng Marilao at Meycauayan ay sanhi ng mahigit 100 taong kapabayaan at kawalan ng ng malinaw na pamamahala.

Matapos namang ilabas ng Blacksmith Institute ang kanilang ulat, kumilos ang noo’y pamahalaang panglalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni dating Gob. Joselito Mendoza.

Nagsagawa ng pag-aaral para sa rehabilitasyon at binuo ang Marilao-Meycauayan-Obando Rivers System (MMORS) Water Quality Management Area (WQMA).

Isa sa sa mga naging rekomendasyon sa MMORS-WQMA ay ang paghukay ng burak sa ilalim ng nasabing kailugan.

Ngunit hindi pumayag si dating Gob. Mendoza dahil sa hindi pa natutukoy noon ang teknolohiyang gagamitin.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mendoza na kung hindi akma ang teknolohiya, posibleng pinsala ang ihatid ng paghuhukay sa ilog sa halip na rehabilitasyon.

Ito ay dahil sa ang mga burak na kontaminado ay iaahon at kung walang tamang paglalagyan, mas malaki ang posibilidad na makapinsala ito sa kalusugan ng mamamayan.

Samantala, ipinagmalaki ni Claudio na gumanda na ang kalidad ng tubig sa nasabing kailugan partikular na ang bio-checmical oxygen demand (BOD).

Sinabi nya na ito ay dahil sa mga interbensyon ng mga pabrika ng katad at alahas na nagsaipaglagay ng mga pollution control devices.

Bukod dito, ipinagmalaki rin ni Claudio ang pagtatayo ng sewerage facility sa Lungsod ng Meycauayan sa pangunguna ni Kint. Linabelle Villarica; at ang pagsasara ng mga open dumpsite sa gilid ng ilog ng Marilao at Meyvcauayan.

Gayunapaman, hindi matiyak ni Claudio kung bumaba na rin ang polusyon hatid ng mga heavy metals sa ilog dahil hindi pa sila muling nakapagsagawa ng pagsusuri.

Sinabi niya nab ago matapos ang taon ay muli silang magsasagaw ang pagsururi para sa heavy metal contents ng tubig mula sa MMORS.  (Dino Balabo)

Madalas na pananalasa sa Bulacan pinag-aaralan ng Pagasa


Walang natira sa bubungan ng garaheng ito matapos manalasa ang buhawi sa Calumpit noong Mayo 2011.  (Larawang kuha ni Ana Gabrielle Agravantes)

 
HAGONOY, Bulacan—Pinag-aaralan na ng the Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) ang napapadalas na pananalasa ng buhawi sa Bulacan.

Ito ay matapos na muling manalasa sa bayan ng San Miguel noong Lunes ang isang buhawi na sumira sa mahigit 50 bahay.

Ayon kay Hilton Hernando ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC), mula pa noong 2007 ay nagsagawa na ng pag-aaral ang Pagasa sa mga buhawing nananalasa sa lalawigan.

Ang PRFFWC ay isang dibision ng Pagasa, at bahagi rin ng Department of Science and Technology (DOST).

“Hindi pa namin matiyak kung epekto ito ng climate change, pero isa iyon sa kinukunsidera ng Pagasa,” ani Hernando sa panayam ng Mabuhay bago siya magsalita sa talakayan hinggil sa paghahanda sa kalamidad sa bayang ito na pinangunahan ng Provoincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at National Power Corporation (Napocor) noong Huwebes, Mayo 24.

Iginiit pa ni Hernando na malaki rin ang posibilidad na ang madalas na pag-uulat ng pananalasa ng buhawi ay dahil sa mas mabilis at madaling pagbabalita ngayon hatid ng makabagong teknolohiya.

“Posible rin na mas maganda ang reporting system natin ngayon kaya mas madalas napapaulat ang insidente ng buhawi, di katulad noong mga nakaraang taon,” aniya.

Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng PDRRMO, umabot sa mahigit 50 bahay ang napinsala ng pananalasa ng isang buhawi sa mga barangay ng Penambaran at King Kabayo sa bayan ng San Miguel noong Martes, Mayo 22, bandang ikatlo ng hapon.

Sinabi pa ni Mungcal na walang nasaktan sa insidente ngunit umabot sa 90 pamilya ang apektado ng buhawi at agad na ring nagpahatid ng ayuda ang pamahalaang panglalawigan sa mga biktima.

Bukod sa nasabing pananalasa, kinukumpirma pa ng PDRRMO ang diumano’y katulad na pananalasa ng buhawi sa bayan ng Hagonoy noong Mayo 19 ng gabi.

Matatandaan na mula noong 2007 ay sunod-sunod ang naging pananalasa ng buhawi sa lalawigan ng Bulacan.

Kabilang sa mga sinagasaan ay ang mga bayan ng Bustos, Baliuag, San Rafael, at San Miguel noong 2007.
Nasundan pa ito ng pananalasa sa bayan ng Balagtas at Bocaue noong 2008, at sa bayan ng Bustos noong 2010.

Noong nakaraang taon, dalawang beses na sinagasaan ng buhawi ang bayan ng Calumpit; at ang bayan ng Hagonoy ay sinagasaan din. (Dino Balabo)

BAWAL NA: Paliligo at pangingisda sa Bustos Dam



 
HAGONOY, Bulacan—Ipinagbabawal na ng National Irrigation Administration (NIA) ang paliligo at pangingisda sa ibaba ng Bustos Dam na matatagpaug sa kahabaan ng Ilog Angat sa pagitan ng mga bayan ng Bustos at San Rafael.

Ito ay dahil sa ang mga rubber gate ng nasabing dam ay matanda at anumang oras ay maaaring mabutas at biglang pag-ragasa ng tubig na maaaring magbunga ng trahedya kung may mga taong naliligo at nangingisda sa ibaba ng dam.

Ang babalang ito ay inihayag ni Felix Robles, ang officer in charge ng Water Control and Coordinating Unit (WCCU) ng NIA sa mga dumalo sa unang talakayan para sa paghahandsa sa kalamidad sa bayang ito na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Kapitolyo at National Power Corporation (Napocor) noong Huwebes, Mayo 24.

Ayon kay Robles, ang mga rubber gate ng dam ay may lifespan o tumatagal lamang ng 14 hanggang 15 taon.

“Kasing tanda ng rubber gate ng Bustos Dam ang rubber sa Florida (USA) na nasira kamakailan lang, kaya dapat ng palitan yung rubber gate,” ani Robles.

Ipinaliwanag niya na ang rubber gate ng Bustos Dam ay ikinabit noong 1998 ng Zenitaka Constraction, isa sa mga kontraktor ng Japan International Cooperation Agency (Jica) na nagsagawa ng rehabilitasyon sa dam.

“Hindi namin magagarantiyahan na safe yung rubber gate, kaya ipinagbabawal na namin ang paliligo at pangingisda sa apron ng dam,” aniya.

Iginiit pa ni Robles na bukod sa pagbabakod ng mga rehas sa paligid ng dam, ay humingi na rin sila ng tulong sa pamunuan ng mhga barangay malapit sa dam upang pagbawalan ang mga residente.

Ngunit hindi sapat ang kanilang pagbabawal dahil madalas daw na pinapasok ang ng mga nagsisipaligo ang daluyan ng tubig sa ibaba ng dam sa pamamagitan ng pagsira sa bagod na rehas.

Bukod dito, hindi rin mapigilan ang iba mga turistang dumadayong maligo sa ibaba ng dam lalo na ngayong tag-araw dahil na rin sa promosyon ng Provoincial Touriism Office (PTO).

Isa sa mga tarpaulin poster na ibinandila sa harap ng bakod ng kapitolyo sa Malolos ay may larawan ng Bustos Dam at may mga nakasulat na katagang “Dam Dipping.  It’s more Fun in the Philippines.”

Ayon kay Robles, kapag nasira ang rubber gate ng dam, hindi kaligayahan ang mararanasan ng turista, sa halip ay trahedya.

“Inuulit ko po, bawal na ang paliligo sa Bustos Dam, hindi po ligtas,” ani Robles.

Ang Bustos Dam ay isang natural na atraksyon dahil ito ay itinuturing na pinakamahagang  rubber gate dam sa buong Asya.

Ito ay may anim na rubber gate na may habang 80 metro ang bawat isa.  Ang bawat rubber gate ay may taas na 2.5 metro.

Ayon kay Robles, ang bawat isang rubber gate at may halagang P50-Million.

“Iyan ang presyo noong ikabit yan noong 1998, hindi ko lang alam kung magkano ang eksaktong presyo ngayon,” aniya.  (Dino Balabo)

Thursday, May 17, 2012

Posibleng quarry sa Angat WaterPark tiniyak na pipigilan



MALOLOS—Tiniyak ng mga opisyal Bulacan na hindi magkakaroonng iligal na quarry sa Ilog Angat kaugnay ng planong pagtatayo ng Angat Sports Water Park na inaasahang makakaribal ng katulad na pasilidad sa Camarines Sur.

Ito ay matapos pangunahan nina Gob. Wilhelmino Alvarado at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer Mark Lapid ang ground breaking ceremony para sa nasabing proyekto noong nakaraang linggo.

Tiniyak din ng mga opisyal na ligtas ang nasabing pasilidad dahila ang magiging operasyon nito ay sa tag-araw at lilimitahan kung tag-ulan kung kailan ay karaniwang nagpapalabas ng maraming tubig sa ilog ang Angat Dam.

“Walang dapat ipangamba, dahil kahit mag-quarry sa Angat River ay imo-monitor naming,: ani Alvarado.

Ipinaliwanag niya sa bilang isang eco-tourism project na inendorso ng TIEZA, ilang bahagi ng water park ay lalaliman sa pamamagitan ng quarry.

Ito ay upang maging pantay ang lalim ng ilog, partikula na sa bahaging mababaw.

Gayunpaman, nilinaw ni Alvarado, na ang lalim maging ang magiging lapad ng ilog at nakabatay lamang sa itatakda na akma sa proyekto.

“The river bed is un-even, so, there are parts that will be quarried, but only based on the required depth,” ani ng punong lalawigan at tiniyak na hindi maaapektuhan ang mga residenteng nakatira sa gilid ng ilog.

Iginiit pa ni Alvarado na ang Angat WaterPark ay inaasahang makakaribal ng katulad na pasilidad sa Camarines Sur.

Ilan sa bentaheng kanyang binanggit ay ang pagiging malapit ng Bulacan sa Kalakhang Maynila at ang pagiging natural ng ilog at tubig.

Ang pangmba hinggil sa di mapigil na quarry sa Ilog Angat ay muling isinatinig ng mga residente matapos pangunahan nina Alvarado at Lapid ang ground breaking ceremony.

Binanggit ng mga residente sa Mabuhay na noong 2000 at pinalano na rin ang Angat Eco-Tourism Project, ngunit ito ay ginamit lamang na dahilan ng ilang opisyal upang makapagsagawa ng quarry.

Isang residente na humiling huwag banggitin ang pagkakakilanlan ang nagsabi na noong Pebrero 24, 2003 ay pinaslang ng mga rebeldeng New Peoples’ Army (NPA) ang dating pambayang tagapamahala ng Angat dahil sa quarrying sa nasabing bayan.

Bukod dito, sinabi rin ng residente na may pagkakataon din na sinunog ng mga NPA ang mga trak at iba pang kagamitan sa quarry sa Ilog Angat.

Ayon sa residente, ang walang habas na quarry sa nagdaang mga taon sa Ilog Angat ay maaaring isa sa mgaing dahilan ng tuluyang pagkasira ng tulay sa Brgy. Sta. Lucia na nag-uugnay sa Angat at bayan ng Donya Remedios Trinidad.

Sa kasalukuyan ay nakalitaw na an gang pelote ng nasabing tulay.

Matatandaan na noong 2007 at 2008 ay sunod-sunod ang reklamong isinumite ng mga residente ng Angat sa kapitolyo laban sa di mapigil na quarry.

Ito ay tuluyan lamang napigil noong 2010 at 2011.

Ayon kay Gob. Alvarado, hindi na sila muling papayag na magpatuloy ang walang haban sa quarry sa Ilog Angat.

Sinabi pa niya na ang mga graba at bunahing na kinu-quarry sa nasabing bayan ay mataas ang kalidad.

Hinggil sa kaligtasan ng waterpark, sinabi ng gobernador na ang mga gawaing katulad ng rowing, kayaking, at dragong boat race ay isasagawa lamang kung tag-araw.

Gayunpaman, tiniyak na magpapatuloy ang operasyon ng waterpark kahit tag-ulann dahil magtatayo rin doon ng mga restorann, ziplines at iba pang gawain na makakaakit sa mga turista.

Inayunan din ito nina Mayor Feliciano Legazpi ng Norzagaray at Arnel Mendoza ng Bustos.

Ito ay matapos hikayatin ni Lapid sina Legazpi, Mendoza at maging sina Mayor Lorna Silverio ng San Rafael at Mayor Reggie Santos ng Angat na magbuo ng tourism package sa kanilang bayan kaugnay ng planong pagtatayo ng waterapark.

Ito ay dahil sa ang kahabaan ng Ilog Angat Mula sa Norzagaray, Angat, Bustos at San Rafael ang magiging sentro ng mga gawaing pangturista para sa waterpark.

Ayon kina Legazpi at Mendoza, kahit hindi pa nasisimulan ang waterpark at dinarayo na ang kanilang bayan ng mga turistang naliligo sa ilog, partikular na sa Sitio Bitbit at Sitio Pugpog sa Norzagaray.

Sa bayan ng Bustos, sinabi ni Mendoza na noong Enero ay sinubukan na nilang magsagawa ng eksibisyon ng dragon boat at kayaking sa Bustos Dam kaugnay ng pagdiriwang ng pagkakatatag ng kanilang bayan.

Iginiit pa ni Mendoz anal along dadayuhin ng mga turista ang Bustos dahil sa napipintong pagtatapos ng ikalawang bahagi ng Plaridel-Bustos-Sanarafael bypass road na nagsanga mula sa North Luzon Expressway (NLEX).

Sa kasalaukuyan ay inuumpisahan na ang ikalawang bahagi ng nasabing kalsada mula Plaridel hanggang Bustos at maglalagos sa San Rafael.

Operasyon ng open dump sa CSF ibinulgar ng Obispo



MALOLOS—Pinasinungalingan ni Obispo Pablo David ang pahayag ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Gitnang Luzon na isang controlled dumpsite ginagamit na tapunan ng basura ng Lungsod ng San Fernando.

Sa halip, isa iyong open dumpsite, ani David patungkol sa basurahan na matatagpuan sa Lara, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Bilang auxiliary bishop ng diyosesis ng San Fernando at isa sa mga nagsusulong adbokasiyang makakalikasan sa Pampanga, sinabi ni David na noong Martes lamang ay binisita niya ang nasabing open dumpsite at kinunan pa ng larawan.

“I am surprised that the director of the EMB would call it a controlled dump,” ani David samga lumahok sa dalawang araw na regional summit workshop for the academe and the environment na isinagawa sa Barasoain Center for Innovative Education (BarCIE) sa La Consolacion University –Philippines (LaCUP) sa lungsod na ito.

Nilinaw ng Obispo na an gang controlled dumpsite at natabunan na ng lupa at tinaniman ng mga halaman at punong kahoy ang ibabaw.

Ngunit hindi ito ang larawan ng basurahan sa Lara, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

“It is still an open dum, iligal iyon, at hindi lang open dump may mga nasusunog pang basura,” aniya.

Ayon kay David, hindi isang pagbatikos kay Mayor Oscar Rodriguez ang kanyang pahayag, sa halip ay pagtawag pansin at pagtutuwid sa pahayag ng Lormelyn Claudio, ang direktor ng EMB sa Gitnang Luzon.

Sinabi pa ng Obispo na kinikilala niya ang maraming nagawa ni Rodriguez sa larangan ng mabuting pamamahala sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

“Maraming nagawa sa good governance si Mayor Oca, bilib ako sa kanya. But has he succeeded in ecological solidwaste management, No,” ani David.

Iginiit rin niya na alam niyang ipagdaramdam ni Rodriguez ang pagdalaw niya sa Lara open dumpsite, dahil ginagawa naman ng alkalde ang lahata ng magagawa.

Ngunit sinabiu niya, “Mayor Oca, trying his best, but his best is not good enough.  Hindi niya kayang solusyunan ang ecological solidwaste management alone.”

Una rito, sinabi ni Claudio na sa mga lumahok sa dalawang araw na summit workshop na sinsimulan na ang isang waste to energy project sa controlled dumpsite sa Lungsod ng San Fernando.

Ang pahayag ni Claudio ay bilang tugon sa taning ng mamamahayag na ito matapos ang kanyang presentasyon sa dalawang araw na summit workshop na inorganisa ng Sentro ng Edukasyon para sa Ekonomiya at Kalikasan (SEEK) ng Bulacan State University.  (Dino Balabo)

PAYO NG OBISPO: Pamahalaang lokal, dapat ng kasuhan




MALOLOS—Idemanda na nating talaga ang mga local government units!

Ito ang payo ni Obispo Pablo David sa mga lumahok sa dalawang araw na Ora Mismo Regional Summit for the academe and the environment na isinagawa sa Barasoain Center for Innovative Education (BarCIE) sa La Consolacion University-Philippines (LaCUP) sa lungsod na ito noong Mayo 15 hanggang 16.

Ito ay dahil sa hindi pagpapatupad sa Republic Act 9003 ng mga pamahalaang lokal sa Gitnang Luzon, bukod pa sa direktang paglabag ng mga ito sa nasabing batas na kilala rin bilang “Ecological Solidwaste Management Act of 2000.

Ang payo ng Obispo ay kaugnay ng mas naunang pahayag ni Direktor Lormelyn Claudio ng Environmental Management Bureau (EMB) sa rehiyon na hindi siya pabor na idemanda ang mga pamahalaang lokal dahil daw “partner namin sila sa solidwaste management.”

Ngunit hindi kumbinsido si David sa pahayag ni Claudio.

“Kung partner sila at wala silang ginagawa, bukod pa sa lumalabas sa batas, partner’s in crime iyan,” ani David na nagsisilbing auxiliary bishop ng Diyosesis ng San Fernando sa Pampanga.

Sa kanyang presentasyon sa mga lumahok sa dalawang araw na pagtitipon, nagpahayag ng kalungkutan ni David sa pahayag ni Cludio, ngunit iginiit din niya na nauunawaan niya ang kalagayan ni Claudio.

“I think, NGOs are in a better position to file charges.  Let us file charges against local government units,” ani ng Obispo at sinabing lumalabas na walasng pag-asa ang mga Pilipino sa pagpapatupa dng batas.

Ipinaliwanag niya na ang RA 9003 at noong pang taong 2000 napagtibay at sinaundan pa ng isang circular mula sa  Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung saan ay itinakda sa taong 2006 ang pagsasara ng lahat ng open at controlled dumpsite upang palitan ng mga sanitary landfill.

Ngunit ayon sa Obispo, ang itinakdang deadline para sa pagtupad ay nawalan ng halaga.

Sinabi niya na karaniwan sa mga pamahalaang bayan, lungsod at panglalawigan sa Gitnang Luzon ay hindi sumusunod sa intakda ng batas.

Bukod dito, maraming pamahlaang lokal ang nagpapatapon ng maruming tubig sa mga sapat at ilog dahil sa kawalan ng sewerage facilities.

“Pollution is not only caused by the private sector, but by the government itself, because they have not sewerage facilities,” ani David.

Kinumpirma naman ito ni Claudio na nagsabing ang mga pamahalaang lokal ang may responsibilidad sa pagpapatayo ng mga katulad na pasilidad.

Sa mas naunang pahayag, sinabi ni Claudio na 88 sa 130 bayan at lungsod sa Gitnang Luzon ang nagpahiwatid na ng intension parra ipatupad ang solidwaste management.

Ito ay nangangahulugan na 42 bayan at lungsod pa sa rehiyon ang di tumutugon at tumutupad.

Ang pagtugon ng 88 ay kaugnay ng pagsusumite ng EMB-III ng resulta ng imbestigasyon sa National Solidwaste Commission (NSC).

Ito ay sinundan naman ng NSC ng pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban sa mga nasabing pamahalaang lokal.

“It was the NSC that file charges before the Ombudsman, but as for me, I rather not file charges because LGUs are our partners,” ani Claudio.

Ang dalawang araw na summit ay nilahukan ng mga guro at mga kinatawan mula sa ibat-ibang pamantasan at pamahalaang lokal sa sa Gitnang Luzon.

Sa kabila naman san a sa lungsod na ito isinagawa ang summit, kapansin-pansin ang na iisang halal na opisyal sa Bulacan ang lumahok sa dalawang araw na pagtitipon. (Dino Balabo)

Wednesday, May 9, 2012

Forum sa supply ng tubig sa Malolos, pangungunahan ng cityhall, simbahan



MALOLOS—Pangungunahan ng pamahalaang lungsod ng Malolos at simbahang katoliko ang isang pampublikong pagdinig hinggil sa problema sa suplay ng tubiog sa lungsod na ito.

Ngunit wala pang tiyak na araw kung kailan ito isasagawa ayon kay Mayor Christian Natividad.

Ang pagsasagawa ng pagdinig ay tugon ng pamahalaang lungsod matapos hindi magtagumpay ang isang press conference na ipnatawag ng City of Malolos Water District (CMWD) noong Biyernes ng umaga, Mayo 4.

Ayon kay Natividad, ang pagsasagawa ng pampublikong pagdinig hinggil sa kalagayan ng pagpapadaloy sa tubig sa lungsod na iuto ay tugon sa panawagan ng mga residente ng Brgy. San Pablo.

Sinabi niya sa Mabuhay na ang pagdinig ay maaaring isagawa sa Biyernes, Mayo 12, ngunit sinabi niya na “tentative” o hindi pa tiyak kung matutuloy iyon sa nasabing araw.

Ang pagsasagawa ng pagdinig ay pangungunahan ng pamahalaang panglungsod kasama ang Diyosesis ng Malolos at inaasahang dadaluhan ng mga konsesyunaryo ng CMWD).

Sinabi pa ni Natividad na marami na siyang reklamong natanggap mula sa mga konsesyunaryo at nagkipag-ugnayan na rin siya sa pamunuan ng CMWD.

Matatandaan na noong Biyernes, Mayo 4 ay nagpatawag ng isang press conference ang CMWD na dinaluhan ng ilang mamamahayag sa lalawigan.

Ngunitg hindi nagtaumpay ang nasabing press conference na maipaliwanag ang mga aksyon na kanilang ginagawa para tuginan ang problema sa mahinang daloy ng tubig sa Barangay San Pablo.

Sa halip ay pinasinungalingan ni Nicasio Reyes, general manager ng CMWD ang mga balitang lumabas na ayon sa kanya ay patungkol sa krisis sa tubig sa lungsod na ito.

“Walang water crisis sa Malolos at may sapat na tubig sa San Pablo,” ang paulit-ulit na sinabi ni Reyes sa mga mamamahayag.

Bilang tugon, ipinaliwanag ng mga mamamahayag kay Reyes na wala silang ibinalitang krisis sa tubog, sa halip ay si Reyes ang bumigkas ng mga katagang iyon.

Matapos ang paglilinaw ng mga mamamahayag, inamin ni Reyes na hindi nga nabanggit sa mga balita ang mga katagang “krisis sa tubig”, ngunit igiiit niya na “iyon ang lumabas na perception ng taumbayan.”

Kaugnay nito, iginiit nina Eduardo Camua, Chat Petallana at Fortunato Dionisio ang problema sa tubig sa Barangay San Pablo.

Gayunpaman, binigyang diin ni Camua na hindi na dapat magsisihan, sa halip ay tugunan ang problema.

“May isyu ba o wala, may problema ba o wala.  Huwag na po tayong magsisihan,” aniya.

Ayon pa Camua, dapat ay ipaliwanag ng CMWD ang buong sitwasyon sa pagpapadaloy ng tubig inumin sa lungsod upang maunawaan ito ng mga konsesynaryo.

“Hindi pwede yung puro presscon, puro papogi na lang, hindi naman natutugunan ang daing ng konsesyunaryo,” aniya.

Iginiit pa ni Camua na hindi na dapat tukuyin pa ng CMWD ang mga nagsisipagreklamong konsesyunaryo.

“Huwag na po nating hanapin yung nagsisipagreklamo, unawain na lang natin na abnormal na ang daloy ng tubig,” ani Camua.  (Dino Balabo)

Tuesday, May 8, 2012

Tistisan ng tabla babantayan, iligal na tablon nakumpiska



MALOLOS—Paiigtingin pa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbabantay sa mga sash factory sa Gitnang Luzon dahil sa ulat na tumatanggap ito ng mga ilegal na tabla.

Ito ay matapos kumpiskahin ng DENR anti-illegal logging task force ang may P70,000 halaga ng tablon sa Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan noong Lunes ng hapon, Mayo 7.

Kaugnay nito, inihahanda na ang kaso laban sa tatlo katao kabilang ay may-ari ng isang hardware  dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o ang Forestry Code of the Philippines.

Ang nasabing batas ay inamyendahan ng Executive Order Number 227 noong 1987 kung saan ay kabilang na mga bumibili ng ilegal na tablon s amga kakasuhan bukod sa mga timbe poachers.

Ayon kay Joseph Mendoza, ang intelligence officer ng DENR Anti-Illegal Logging Task Force, matagal na nilang binabantayan ang mga sash factory sa lalawiganat iba pang bahagi ng Gitnang Luzon at lalawigan ng Rizal.

Ito ay dahil sa mga ulat na bumibili ang mga ito ng mga tablon mula sa mga timber poachers.

“Nagbunga na ang monitoring namin,” ani Mendoza at idinagdag na,”kumpirmado na ang mga ulat sa amin, tiyak na mas lalong iigiting ang monitoringsa mga sash factories.”

Kabila sa kanilang binantayan ay ang Sureluck Wood Enterprises na matatagapuan sa kahabaan ng Quirino Highway in Barangay Gumaoc sa lungsod ng SJDM.

Bandang alas 4ng hapon noong Lunes, naaktuhan ng task force ang pagdidiskarga ng mga tablon sa bakuran ng Sureluck mula sa isang Isuzu closed van na may plakang CSL 394.

Ang nasabing sasakyan ay may nakasulat na “Fruit and vegetable dealer”  at nakarehistro sa isang “J. Jimenez.”

“Biglang tumakbo yung driver at pahinante ng magpakilala kami,” ani Mendoza sa panayam sa telepono.

Umabot sa 1,498.67 board feet ng tablon ang nakumpiska na tinatayang nagkakahalaga ng  P67,410.

Natuklasang walang kaukulang dokumento ang mga dinidiskargang tablon.

Ayon kay Mendoza, tintutukoy pa nila kung saan nagmula ang tablon ngunit ayon sa ilang source nila, iyon ay nagmula sa Isabela; Minalungao sa Nueva Ecija, o kaya ay sa Donya Remedios Trinidad sa Bulacan.

Tiniyak din ni Mendoza na ang mga tablon ay produkto ng mga “carabao loggers” o mga timber poachers.

Nagpahayag ng kagalakan si Mendoza sa pagkakakumpisksa sa tablon, ngunit iginiit niya na ang timber poaching ay patuloy na sumusira sa mga watershed kabilang na sa Angat Watershed.

Sinabi ni Mendoza na ang Angat Watershed ay isa s amga kritikal na watershed ng bansa.

Inayunan naman ito ni Bro. Martin Francisco ng  Sagip Sierra Madre Environmental Society (SSMES) na nakabase sa SJDM.

Ipinaliwanag ni Francisco na an gang paging kritikal ng Angat Watershed ay dahil sa ito ang pinagkukunan ng 97 porsyentong inumin ng kalakhang Maynila, bukod pa sa lumilikha din ito ng kuryente sa pamamagitan ng Angat River HydroElectric Power Plant (ARHEPP).

Samantala, sinabi ni Mendoza na inihahanda na nila ang kaso ng isasampa laban sa Sureluck at maging sa may ari ng close van at driver nito. (Dino Balabo)

Saturday, May 5, 2012

Mga pamantasan sa Gitnang Luzon kapitbisig sa kalikasan




MALOLOS—Kumilos na ang mga pamanatasan sa Gitnang Luzon para sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng isang summit sa isasagawa sa lungsod na ito sa Mayo 15 hanggang 17.

Ang summit na  may temang “Ora Mismo” the force of the academe in the care, protection of the environment ay isasagawa sa Barasoain Center for Innovative Education (BarCIE) sa bakuran ng La Consolacion University of the Philippines (LaCUP) sa lungsod na ito.

Ito ay sa pangunguna ng Sentro ng Edukasyon Para sa Ekonomiya at Kalikasan (SEEK) of the Bulacan State University (BulSU) at pakikipag-ugnayan ng Saint Augustine International Institute for Justice and Peace (SAIIJ) ng LaCUP).

Inaasahang aabot sa mahigit 100 katao ang lalahok sa nasabing magtitipon na magmumula sa ibat-ibang paaralan, pamahalaang lokal at iba pang samahan sa Gitnang Luzon.

Ito ay dahil na rin sa paglalabas ng mga pangrehiyong tanggapan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Department of Interior and Local Government (DILG) ng magkakahiwalay na mga memorandum na humihikayat sa mga guro at mga opisyal ng pamahalaang lokal na lumahok sa nasabing pagtitipon.

Ayon kay Marwin Dela Cruz, direktor ng SEEK, layunin ng summit na mabuksan ang daan para sa mga guro at opisyal ng mga paaralan upang makabuo ng mga malinaw na programa at hakbang sa pangangalaga ng kalikasan.

“We also want to organize a strong and united academe that will initiate course of action on issues of environment and sustainability,” ani Dela Cruz.

Iginiit pa niya na,” it is about time for the academe to make its stand on the issue of the environment because we have been silent for a long time.

Isa sa inaasahang magiging bunga ng serye ng summit na isasagawa ay ang integrasyon ng kaalamang mapupulot dito sa mga araling sa mga paaralan.

“If we can integrate environmental protection and conservation to our courses and curriculum, we can mitigate disasters and easily adapt to the threats of climate change,”ani Dela Cruz..

Ang Oras Mismo ay pangungunahan ni Dr. Particia Licuanan ng CHED kasama sina Monsignor Pablo David, ng Diyosesis ng San Fernando sa Pampanga; Direktor Lormelyn Claudio ng Environmental Management Bureau (EMB).

Kasama rin sa mga panauhing tagapagsalita sina Dr. Catalino Rivera ng Lyceum of Northwestern University, Dr. Reynaldo Cruz ng LaCUP, Dr. Nilo Francisco ng Centro Escolar University, Rodney Galicha ng Al Gore’s The Climate Reality Project, Bro, Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society, at Dr. Reynaldo Naguit ng BulSU.  (Dino Balabo)

Wala daw "water crisis" sa Malolos




MALOLOS—Nilinaw ng general manager ng Malolos City Water District (MCWD) na walang krisis sa inuming tubig sa lungsod na ito.

Ngunit inamin niya na mahina ang daloy ng tubig sa mga tahanan, at patuloy na natutuyo ang groundwater dahil sa init ng panahon at overwater extraction.

Inayunan din ito ng mga residente mula sa mg Barangay ng Bulihan at Sumapang Matanda.

Kaugnay nito, nagpahayag din ng pangamba sa posibilidad ng mataas na singil sa tubig ang general manager ng MCWD kapag natuloy ang panukalang Bulacan Bulk Water Project.

“Wala pong krisis sa tubig sa Malolos,” ang paglilinaw ni Nicasio Reyes, ang general manager ng MCWD ng tumawag sa Mabuhay noong Miyerkoles ng gabi, Mayo 2.

Ito ay halos 48-oras matapos mapagbalita sa telebisyon na ilang  barangay sa lungsod na ito ang kinakapos sa tubig inunim; at mahigit 30-oras matapos tangkain ng Mabuhay na kunan ng pahayag si Reyes.

“Patuloy po naming ginagawan ng paraan ang mga mahinang pressure ng tubig sa ibat-ibang lugar,” ani Reyes at iginiit na “isolated case” ang sitwasyon sa Kalye Biga sa Barangay San Pablo, dahil daw nasa bukid o dulong lugar na iyon.

Ito ay sapamamagitan ng paglalagay ng dagdag na pressure pipe sa mga water pumping station ng MCWD.

Ngunit para sa mga residente ng nasabing barangay katulad ni Eduardo Camua na ang tirahan ay di kalayuan sa MacArthur Highway, ilang linggo na nilang pinagtitiisan ang mahinang daloy ng tubig sa kanilang lugar.

Binigyang diin pa ni Camua na maging ang kanyang maybahay ay napupuyat sa pag-iipon g tubig sa hating gabi upang may magamit silang sapat na tubig kinabukasan.

Hinggil sa pahayag ni Inhinyero Elmer Magaling ng MCWDna umabot na sa tatlong metro ang ibinaba ng ground water sa Malolos, sinabi ni Reyes na mabagal lang ang pagbaba nito at walang dapat ikabahala.

“Hindi naman mabilis ang pagbaba, unti-unti lang,” aniya at iginiit na kaya pa nilang serbisyuhan ang mga residente ng lungsod.

Katulad ng mga pahayag ng mga dalubahasa, sinabi ni Reyes na hindi lamang sa Malolos nararanasan ang pagbaba ng groundwater.

“Saan man sa bansa ay nararanasan iyan,” sabi niya at ipinaliwana na iyon ay sanhi ng pagkatuyo ng ground water bunga ng over water extraction.

Ang overwater extraction ay sanhi ng mas mabilis ng paghugot ng tubig sa ilalim ng lupa bago pa iyon madagdagan ng tubig na nasipsip ng lupa at mga ugat ng punong kahoy.

Inayunan din ni Reyes na na isa sa mga dahilan nito ay ang kumbersyon ng mga lupain sakahan sa mga subdivision.

Ito ay dahil sa ang mga bukirin dati ay nakakasipsip ng tubig ulan ay natabunan at natakpan pa ng semento ang ibaba, kaya’t mas kaunting tuboig ang napupunta sa ilalim ng lupa, at sa halip ay dumadaloy sa mga kanal patungo sa mga sapa at ilog.

Samantala, bukod sa San Pablo, Bagna, at Panasahan, nagpahayag din ng reklamo ang mga residente ng Bulihan at Sumapang Matanda sa lungsod na ito hinggil sa mahinang daloy ng tubig.  (Dino Balabo)

Wednesday, May 2, 2012

Bulk Water tugon sa kapos na tubig sa Bulacan


By Dino Balabo
MALOLOS – Muling ipinanukala ng mga opisyal sa Bulacan ang pagbuhay sa proyektong Bulacan Bulk Water dahil sa kinakapos na ng tubig ang ilang mga barangay partikular sa lungsod na ito.

Ayon sa mga opisyal at mga residente, ang kakulangan ng tubig ay bunga ng pagkatuyo ng groundwater, ngunit magkaiba ang pananaw nila sa sanhi ng problema.

Para sa mga residente, ito ay dahil sa patuloy na init ng panahon at kawalan ng ulan, ngunit ayon sa ilang opisyal ito ay dahil sa over water extraction at kakulangan ng mga punong kahoy.

Ngunit anuman ang pinagmulan ng problema, patuloy ang pagdurusa ng mga mga residente ng Barangay San Pablo.

Ayon kina Andrea Cruz at Isabelita Caparas, sa gabi lamang sila nakakaipon ng tubig dahil sa mahinang daloy sa araw.

Kinumpirma naman ito ni Ed Camua na nagsabing napupuyat ang kanyang maybahay dahil hanggang alas-2 ng madaling araw ay nag-iipon ng tubig na magagamit kinabukasan.

Iginiit pa ni Camua na ilang raw na nilang inirereklamao sa Malolos City Water District ang kanilang kalagayan, ngunit walang malinaw na tugon at sagot.

Dahil dito, tinangggap na umano ng kanyang mga kapitbahay na ang kakulangan ng tubig ay sanhi ng mainit na tag-araw.

Maging sa ibang barangay ng lungsod na ito ay nararamdaman na rin ang kakulangan sa tubig.

Ayon kay Romeo Ramos ng Barangay Bagna, nagbibiyahe pa siya ng 30 minuto bawat araw para lamang makipaligo sa bahay ng kanyang anak sa Barangay Bulihan.

Para naman sa MCWD, sinabi ni Inhinyero Elmer Magaling na malalim na ang balon ng tubig sa lupa.

Iginiit pa niya na pinadadalhan na nila ng tubig ang ilang barangay na kinakapos partikular na ang Kalye Biga sa Barangay San Pablo.

Hindi rin nalingid ang sitwasyon kina Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito ay Gob. Wilhelmino Alvarado.

Ayon kay Natividad, batay sa pag-aaral ng World Bank at National Water Resources Board noong unang bahagi ng dekada 90, malaki ang posibilidad na kapusin sa tubig inumin ang mga lalawigan sa Gitnang Luzon partikular na ang Bulacan at Pampanga.

Iginiit pa niya na dapat muling buhayin ang panukalang Bulacan Bulk Water Project na unang isinulong noong 2007 ngunit natigil dahil sa ilang usaping ligal sa kontrata.

Para kay Alvarado, patuloy nilang nirerebisa ang mga panukala para sa bulk water project, at hinihiling sa mga proponent na dapat maging mas mababa ang water rate sa Bulacan kumpara sa kalakhang Maynila, Rizal at Cavite.

Ito ay dahil sa ang Angat Dam na pinagkukunan ng tubig ng mga nasabing lugar ay matatagpuan sa Bulacan.

“We are negotiating on the rates because we want lower rate for Bulacan compared to Metro Manila and Rizal,” ani Alvarado.

Ngunit ang pagpapatupad ng nasabing proyekto ay inaasahang matatagalan pa, kaya’t nagpanukala ng ibang solusyon ang mga opisyal.

Ilan sa kanilang mga payo ay ang pagtitipid sa tubig at ang rain water harvesting o pagsahod ng tubig ulan.

Hinggil naman sa panukala ng MCWD na pagbabaon ng dagdag na tubo, sinabi ni Natividad na pansamantala lamang iyon.

Binigyang diin niya na kung puro pagbabaon ng tubo ang gagawin at hindi maipapatupad ang bulk water, nahaharap sa dagdag na trahedya ang lalawigan.

Kabilang dito ay ang posibilidad ng pagbaba ng lupa o land subsidence sanhi ng overwater extraction.

“Ground water is a natural resource, we can’t repair and abuse it, otherwise, we will be courting disaster,” ani ng alkalde.

Tuesday, May 1, 2012

Bulacan, Baliuag Univ. tumanggap ng Fr. Neri Satur Heroes Award


By Dino Balabo
LUNGSOD NG MALOLOS – Dalawang magkahiwalay na parangal ang tinanggap ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at ng Baliuag University (BU) sa taunang Fr. Neri Satur Environmental Heroes Award noong Abril 23.

Ito ang ikatlong pagkilalang tinanggap ng indibidwal, samahan o ahensiya ng gobyernong nakabase sa Bulacan mula noong 2005 matapos na pagkalooban ng posthumous award si Pastor Wilfredo Montecillo ng Assemblies of God na pinaslang sa Barangay San Mateo, Norzagaray ng mga hinihinalang timber poacher noong Marso 2, 2005.

Ang prestihiyosong “Fr. Neri Satur Environmental Heroes Award” para sa kategoryang Disaster Risk Reduction and Management ay tinanggap ni Gob. Wilhelmino Alvarado para sa lalawigan noong Abril 23. 

Ito ay isinagawa sa tanggapan ng National Broadcasting Network sa Lungsod ng Quezon.

Ang parangal sa taong ito ay may temang “Year for Sustainable Energy and Cooperatives,” at ipinagkaloob kaugnay ng pagdiriwang ng Earth Day noong Abril 22.

Ang parangal na tinanggap ng kapitolyo ay bilang pagkilala sa maagap na rehabilitasyon ng Angat Dam upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng dam na maaaring magdulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan at katabing lugar.

“Alam kong marami pa ang dapat gawin. But this award will inspire all of us para lutasin ang anumang suliranin na darating sa aming lalawigan. Ito ay hindi lamang aking karangalan kundi karangalan din ng buong Bulacan.

We are very thankful that they recognized our advocacy on the preservation of the environment,” ani Alvarado.

Matatandaan na noong 2009, ibinulgar ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Dr. Renato Solidum na ang Angat Dam ay naka-upo sa West Marikina Valley Faultline (WMVF) na kung gagalaw anumang oras ay maaaring maghatid ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ang nasabing lindol, ayon kay Solidum ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng dike ng dam at magbunga ng di masukat na kapahamakan sa mga Bulakenyo kapag bumulwak ang tubig na raragasa sa mga pamayanan.

Bilang bise gobernador noon, nanawagan si Alvarado sa Malakanyang na bigyang prayoridad ang pag-aaral at pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ngunit hindi agad ito nabigyan daan, at binatikos pa si Alvarado ng kanyang mga kritiko sa pagsasabing siya ay isang “doomsayer” o tinatakot ang mga Bulakenyos.

Ang pagnanais ni Alvarado na matiyak ang kaligatasan ng mga Bulakenyo ay nagkahugis noong 2010 sa pagsisimula ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Agad na inilatag ni Alvarado ang posibilidad ng delubyo sa Bulacan at tinugon naman ito ng Pangulo sa pamamagitan ng pag-aatas para sa mabilisang pag-aaral sa katatagan ng dam.

Ang nasabing pag-aaral ay natapos nitong Marso kung saan ay nakumpirma na ang dike ng dam ay naka-upo nga sa sanga ng WVMF.

Dahil dito, pinaplano na sa Hunyo ang pagpapasubasta ng kontrata para sa pagkukumpuni o rehabilitasyon ng dam.

Bukod sa kapitolyo, tumanggap rin ng pagkilala ang Baliuag University sa kategoryang Carbon Footprints:

Green Building and Energy Conservation (educational system).

Tinaguriang kauna-unahang gusali na energy sufficient sa Bulacan, ang apat na palapag na  Information Technology (IT) building sa BU dahil ito ay solar-powered na lumilikha ng 85 porsyentong kuryente na kailangan ng gusali para sa operasyon nito.

Mayroon ding sariling rain water harvesting facility ang gusali ng BU na nagsu-suplay ng tubig. Bukod pa dito, ang ginamit na pintura ay nakababawas ng polusyon at volatile organic compounds.

Ang iba pang tumanggap ng Fr. Neri Satur Environmental Heroes award sa taong ito ay sina Fr. Fausto “Pops” Tentorio, ang paring Italyano na pinaslang dahil sa paglaban niya sa pangangalaga ng mga lupain ninuno ng mga Manobo sa Mindanao; at si Melanie Dirain, isang forestry specialist ng Department of Environment and Natural Resources na pinaslang dahil sa maigting na pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kabundukan ng Cagayan sa Mindanao.

Sa kategorya ng pamahalaang lokal, tumanggap ng parangal sina Alaminos Mayor Hernani Braganza at Pangasinan Governor Amado Espino, Jr., para sa sustainable eco-tourism of Hundred Islands, samantalang si Rizal Governor Casimiro Ynares ay binigyan ng pagkilala para sa public-private partnership sa GATSI at CEMEX dahil sa pamamahala sa basura na nakalikha ng enerhiya.

Tumanggap rin ng parangal ang kapilya ng Greenheart Hermitahe sa Negros Occidental-Recoletos sa Lungsod ng Bacolod, at ang bagong gusali ng Zuellig sa lungsod ng Makati para sa green building and energy conservation.

Sa pagsusulong naman ng teknolohiya upang maiwasan ang kalamidad, tumanngap ng parangal ang Coco Technologies Corp. sa Bicol na itinatag ni Justino Arboleda  at nga Manila Cathedral Basilica Foundation na pinamumunuan nina Arsobispo Luis Tagle at Msgr. Nestor Cerbo bilang rector.

Tatlong mamamahayag naman ang tumanggap ng pagkilala dahil sa kanilang mga natatanging ulat sa kalikasan at edukasyon.

Ang Father Neri Satur Award for Environmental Heroism ay programa ng Climate Change Commission, UNESCO, Philippine National Commission for Culture and the Arts, (NCCA), at ng Earthsavers Movement.

Ito ay ipinangalan sa yumaong pari, environmentalist at forest ranger na pinaslang ng mga hinihinalang illegal logger sa kagubatan ng Bukidnon noong 1991.