Saturday, May 5, 2012

Wala daw "water crisis" sa Malolos




MALOLOS—Nilinaw ng general manager ng Malolos City Water District (MCWD) na walang krisis sa inuming tubig sa lungsod na ito.

Ngunit inamin niya na mahina ang daloy ng tubig sa mga tahanan, at patuloy na natutuyo ang groundwater dahil sa init ng panahon at overwater extraction.

Inayunan din ito ng mga residente mula sa mg Barangay ng Bulihan at Sumapang Matanda.

Kaugnay nito, nagpahayag din ng pangamba sa posibilidad ng mataas na singil sa tubig ang general manager ng MCWD kapag natuloy ang panukalang Bulacan Bulk Water Project.

“Wala pong krisis sa tubig sa Malolos,” ang paglilinaw ni Nicasio Reyes, ang general manager ng MCWD ng tumawag sa Mabuhay noong Miyerkoles ng gabi, Mayo 2.

Ito ay halos 48-oras matapos mapagbalita sa telebisyon na ilang  barangay sa lungsod na ito ang kinakapos sa tubig inunim; at mahigit 30-oras matapos tangkain ng Mabuhay na kunan ng pahayag si Reyes.

“Patuloy po naming ginagawan ng paraan ang mga mahinang pressure ng tubig sa ibat-ibang lugar,” ani Reyes at iginiit na “isolated case” ang sitwasyon sa Kalye Biga sa Barangay San Pablo, dahil daw nasa bukid o dulong lugar na iyon.

Ito ay sapamamagitan ng paglalagay ng dagdag na pressure pipe sa mga water pumping station ng MCWD.

Ngunit para sa mga residente ng nasabing barangay katulad ni Eduardo Camua na ang tirahan ay di kalayuan sa MacArthur Highway, ilang linggo na nilang pinagtitiisan ang mahinang daloy ng tubig sa kanilang lugar.

Binigyang diin pa ni Camua na maging ang kanyang maybahay ay napupuyat sa pag-iipon g tubig sa hating gabi upang may magamit silang sapat na tubig kinabukasan.

Hinggil sa pahayag ni Inhinyero Elmer Magaling ng MCWDna umabot na sa tatlong metro ang ibinaba ng ground water sa Malolos, sinabi ni Reyes na mabagal lang ang pagbaba nito at walang dapat ikabahala.

“Hindi naman mabilis ang pagbaba, unti-unti lang,” aniya at iginiit na kaya pa nilang serbisyuhan ang mga residente ng lungsod.

Katulad ng mga pahayag ng mga dalubahasa, sinabi ni Reyes na hindi lamang sa Malolos nararanasan ang pagbaba ng groundwater.

“Saan man sa bansa ay nararanasan iyan,” sabi niya at ipinaliwana na iyon ay sanhi ng pagkatuyo ng ground water bunga ng over water extraction.

Ang overwater extraction ay sanhi ng mas mabilis ng paghugot ng tubig sa ilalim ng lupa bago pa iyon madagdagan ng tubig na nasipsip ng lupa at mga ugat ng punong kahoy.

Inayunan din ni Reyes na na isa sa mga dahilan nito ay ang kumbersyon ng mga lupain sakahan sa mga subdivision.

Ito ay dahil sa ang mga bukirin dati ay nakakasipsip ng tubig ulan ay natabunan at natakpan pa ng semento ang ibaba, kaya’t mas kaunting tuboig ang napupunta sa ilalim ng lupa, at sa halip ay dumadaloy sa mga kanal patungo sa mga sapa at ilog.

Samantala, bukod sa San Pablo, Bagna, at Panasahan, nagpahayag din ng reklamo ang mga residente ng Bulihan at Sumapang Matanda sa lungsod na ito hinggil sa mahinang daloy ng tubig.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment