Tuesday, May 1, 2012

Bulacan, Baliuag Univ. tumanggap ng Fr. Neri Satur Heroes Award


By Dino Balabo
LUNGSOD NG MALOLOS – Dalawang magkahiwalay na parangal ang tinanggap ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at ng Baliuag University (BU) sa taunang Fr. Neri Satur Environmental Heroes Award noong Abril 23.

Ito ang ikatlong pagkilalang tinanggap ng indibidwal, samahan o ahensiya ng gobyernong nakabase sa Bulacan mula noong 2005 matapos na pagkalooban ng posthumous award si Pastor Wilfredo Montecillo ng Assemblies of God na pinaslang sa Barangay San Mateo, Norzagaray ng mga hinihinalang timber poacher noong Marso 2, 2005.

Ang prestihiyosong “Fr. Neri Satur Environmental Heroes Award” para sa kategoryang Disaster Risk Reduction and Management ay tinanggap ni Gob. Wilhelmino Alvarado para sa lalawigan noong Abril 23. 

Ito ay isinagawa sa tanggapan ng National Broadcasting Network sa Lungsod ng Quezon.

Ang parangal sa taong ito ay may temang “Year for Sustainable Energy and Cooperatives,” at ipinagkaloob kaugnay ng pagdiriwang ng Earth Day noong Abril 22.

Ang parangal na tinanggap ng kapitolyo ay bilang pagkilala sa maagap na rehabilitasyon ng Angat Dam upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng dam na maaaring magdulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan at katabing lugar.

“Alam kong marami pa ang dapat gawin. But this award will inspire all of us para lutasin ang anumang suliranin na darating sa aming lalawigan. Ito ay hindi lamang aking karangalan kundi karangalan din ng buong Bulacan.

We are very thankful that they recognized our advocacy on the preservation of the environment,” ani Alvarado.

Matatandaan na noong 2009, ibinulgar ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Dr. Renato Solidum na ang Angat Dam ay naka-upo sa West Marikina Valley Faultline (WMVF) na kung gagalaw anumang oras ay maaaring maghatid ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ang nasabing lindol, ayon kay Solidum ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng dike ng dam at magbunga ng di masukat na kapahamakan sa mga Bulakenyo kapag bumulwak ang tubig na raragasa sa mga pamayanan.

Bilang bise gobernador noon, nanawagan si Alvarado sa Malakanyang na bigyang prayoridad ang pag-aaral at pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ngunit hindi agad ito nabigyan daan, at binatikos pa si Alvarado ng kanyang mga kritiko sa pagsasabing siya ay isang “doomsayer” o tinatakot ang mga Bulakenyos.

Ang pagnanais ni Alvarado na matiyak ang kaligatasan ng mga Bulakenyo ay nagkahugis noong 2010 sa pagsisimula ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Agad na inilatag ni Alvarado ang posibilidad ng delubyo sa Bulacan at tinugon naman ito ng Pangulo sa pamamagitan ng pag-aatas para sa mabilisang pag-aaral sa katatagan ng dam.

Ang nasabing pag-aaral ay natapos nitong Marso kung saan ay nakumpirma na ang dike ng dam ay naka-upo nga sa sanga ng WVMF.

Dahil dito, pinaplano na sa Hunyo ang pagpapasubasta ng kontrata para sa pagkukumpuni o rehabilitasyon ng dam.

Bukod sa kapitolyo, tumanggap rin ng pagkilala ang Baliuag University sa kategoryang Carbon Footprints:

Green Building and Energy Conservation (educational system).

Tinaguriang kauna-unahang gusali na energy sufficient sa Bulacan, ang apat na palapag na  Information Technology (IT) building sa BU dahil ito ay solar-powered na lumilikha ng 85 porsyentong kuryente na kailangan ng gusali para sa operasyon nito.

Mayroon ding sariling rain water harvesting facility ang gusali ng BU na nagsu-suplay ng tubig. Bukod pa dito, ang ginamit na pintura ay nakababawas ng polusyon at volatile organic compounds.

Ang iba pang tumanggap ng Fr. Neri Satur Environmental Heroes award sa taong ito ay sina Fr. Fausto “Pops” Tentorio, ang paring Italyano na pinaslang dahil sa paglaban niya sa pangangalaga ng mga lupain ninuno ng mga Manobo sa Mindanao; at si Melanie Dirain, isang forestry specialist ng Department of Environment and Natural Resources na pinaslang dahil sa maigting na pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kabundukan ng Cagayan sa Mindanao.

Sa kategorya ng pamahalaang lokal, tumanggap ng parangal sina Alaminos Mayor Hernani Braganza at Pangasinan Governor Amado Espino, Jr., para sa sustainable eco-tourism of Hundred Islands, samantalang si Rizal Governor Casimiro Ynares ay binigyan ng pagkilala para sa public-private partnership sa GATSI at CEMEX dahil sa pamamahala sa basura na nakalikha ng enerhiya.

Tumanggap rin ng parangal ang kapilya ng Greenheart Hermitahe sa Negros Occidental-Recoletos sa Lungsod ng Bacolod, at ang bagong gusali ng Zuellig sa lungsod ng Makati para sa green building and energy conservation.

Sa pagsusulong naman ng teknolohiya upang maiwasan ang kalamidad, tumanngap ng parangal ang Coco Technologies Corp. sa Bicol na itinatag ni Justino Arboleda  at nga Manila Cathedral Basilica Foundation na pinamumunuan nina Arsobispo Luis Tagle at Msgr. Nestor Cerbo bilang rector.

Tatlong mamamahayag naman ang tumanggap ng pagkilala dahil sa kanilang mga natatanging ulat sa kalikasan at edukasyon.

Ang Father Neri Satur Award for Environmental Heroism ay programa ng Climate Change Commission, UNESCO, Philippine National Commission for Culture and the Arts, (NCCA), at ng Earthsavers Movement.

Ito ay ipinangalan sa yumaong pari, environmentalist at forest ranger na pinaslang ng mga hinihinalang illegal logger sa kagubatan ng Bukidnon noong 1991.

No comments:

Post a Comment