Saturday, May 26, 2012

BAWAL NA: Paliligo at pangingisda sa Bustos Dam



 
HAGONOY, Bulacan—Ipinagbabawal na ng National Irrigation Administration (NIA) ang paliligo at pangingisda sa ibaba ng Bustos Dam na matatagpaug sa kahabaan ng Ilog Angat sa pagitan ng mga bayan ng Bustos at San Rafael.

Ito ay dahil sa ang mga rubber gate ng nasabing dam ay matanda at anumang oras ay maaaring mabutas at biglang pag-ragasa ng tubig na maaaring magbunga ng trahedya kung may mga taong naliligo at nangingisda sa ibaba ng dam.

Ang babalang ito ay inihayag ni Felix Robles, ang officer in charge ng Water Control and Coordinating Unit (WCCU) ng NIA sa mga dumalo sa unang talakayan para sa paghahandsa sa kalamidad sa bayang ito na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Kapitolyo at National Power Corporation (Napocor) noong Huwebes, Mayo 24.

Ayon kay Robles, ang mga rubber gate ng dam ay may lifespan o tumatagal lamang ng 14 hanggang 15 taon.

“Kasing tanda ng rubber gate ng Bustos Dam ang rubber sa Florida (USA) na nasira kamakailan lang, kaya dapat ng palitan yung rubber gate,” ani Robles.

Ipinaliwanag niya na ang rubber gate ng Bustos Dam ay ikinabit noong 1998 ng Zenitaka Constraction, isa sa mga kontraktor ng Japan International Cooperation Agency (Jica) na nagsagawa ng rehabilitasyon sa dam.

“Hindi namin magagarantiyahan na safe yung rubber gate, kaya ipinagbabawal na namin ang paliligo at pangingisda sa apron ng dam,” aniya.

Iginiit pa ni Robles na bukod sa pagbabakod ng mga rehas sa paligid ng dam, ay humingi na rin sila ng tulong sa pamunuan ng mhga barangay malapit sa dam upang pagbawalan ang mga residente.

Ngunit hindi sapat ang kanilang pagbabawal dahil madalas daw na pinapasok ang ng mga nagsisipaligo ang daluyan ng tubig sa ibaba ng dam sa pamamagitan ng pagsira sa bagod na rehas.

Bukod dito, hindi rin mapigilan ang iba mga turistang dumadayong maligo sa ibaba ng dam lalo na ngayong tag-araw dahil na rin sa promosyon ng Provoincial Touriism Office (PTO).

Isa sa mga tarpaulin poster na ibinandila sa harap ng bakod ng kapitolyo sa Malolos ay may larawan ng Bustos Dam at may mga nakasulat na katagang “Dam Dipping.  It’s more Fun in the Philippines.”

Ayon kay Robles, kapag nasira ang rubber gate ng dam, hindi kaligayahan ang mararanasan ng turista, sa halip ay trahedya.

“Inuulit ko po, bawal na ang paliligo sa Bustos Dam, hindi po ligtas,” ani Robles.

Ang Bustos Dam ay isang natural na atraksyon dahil ito ay itinuturing na pinakamahagang  rubber gate dam sa buong Asya.

Ito ay may anim na rubber gate na may habang 80 metro ang bawat isa.  Ang bawat rubber gate ay may taas na 2.5 metro.

Ayon kay Robles, ang bawat isang rubber gate at may halagang P50-Million.

“Iyan ang presyo noong ikabit yan noong 1998, hindi ko lang alam kung magkano ang eksaktong presyo ngayon,” aniya.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment