Wednesday, May 2, 2012

Bulk Water tugon sa kapos na tubig sa Bulacan


By Dino Balabo
MALOLOS – Muling ipinanukala ng mga opisyal sa Bulacan ang pagbuhay sa proyektong Bulacan Bulk Water dahil sa kinakapos na ng tubig ang ilang mga barangay partikular sa lungsod na ito.

Ayon sa mga opisyal at mga residente, ang kakulangan ng tubig ay bunga ng pagkatuyo ng groundwater, ngunit magkaiba ang pananaw nila sa sanhi ng problema.

Para sa mga residente, ito ay dahil sa patuloy na init ng panahon at kawalan ng ulan, ngunit ayon sa ilang opisyal ito ay dahil sa over water extraction at kakulangan ng mga punong kahoy.

Ngunit anuman ang pinagmulan ng problema, patuloy ang pagdurusa ng mga mga residente ng Barangay San Pablo.

Ayon kina Andrea Cruz at Isabelita Caparas, sa gabi lamang sila nakakaipon ng tubig dahil sa mahinang daloy sa araw.

Kinumpirma naman ito ni Ed Camua na nagsabing napupuyat ang kanyang maybahay dahil hanggang alas-2 ng madaling araw ay nag-iipon ng tubig na magagamit kinabukasan.

Iginiit pa ni Camua na ilang raw na nilang inirereklamao sa Malolos City Water District ang kanilang kalagayan, ngunit walang malinaw na tugon at sagot.

Dahil dito, tinangggap na umano ng kanyang mga kapitbahay na ang kakulangan ng tubig ay sanhi ng mainit na tag-araw.

Maging sa ibang barangay ng lungsod na ito ay nararamdaman na rin ang kakulangan sa tubig.

Ayon kay Romeo Ramos ng Barangay Bagna, nagbibiyahe pa siya ng 30 minuto bawat araw para lamang makipaligo sa bahay ng kanyang anak sa Barangay Bulihan.

Para naman sa MCWD, sinabi ni Inhinyero Elmer Magaling na malalim na ang balon ng tubig sa lupa.

Iginiit pa niya na pinadadalhan na nila ng tubig ang ilang barangay na kinakapos partikular na ang Kalye Biga sa Barangay San Pablo.

Hindi rin nalingid ang sitwasyon kina Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito ay Gob. Wilhelmino Alvarado.

Ayon kay Natividad, batay sa pag-aaral ng World Bank at National Water Resources Board noong unang bahagi ng dekada 90, malaki ang posibilidad na kapusin sa tubig inumin ang mga lalawigan sa Gitnang Luzon partikular na ang Bulacan at Pampanga.

Iginiit pa niya na dapat muling buhayin ang panukalang Bulacan Bulk Water Project na unang isinulong noong 2007 ngunit natigil dahil sa ilang usaping ligal sa kontrata.

Para kay Alvarado, patuloy nilang nirerebisa ang mga panukala para sa bulk water project, at hinihiling sa mga proponent na dapat maging mas mababa ang water rate sa Bulacan kumpara sa kalakhang Maynila, Rizal at Cavite.

Ito ay dahil sa ang Angat Dam na pinagkukunan ng tubig ng mga nasabing lugar ay matatagpuan sa Bulacan.

“We are negotiating on the rates because we want lower rate for Bulacan compared to Metro Manila and Rizal,” ani Alvarado.

Ngunit ang pagpapatupad ng nasabing proyekto ay inaasahang matatagalan pa, kaya’t nagpanukala ng ibang solusyon ang mga opisyal.

Ilan sa kanilang mga payo ay ang pagtitipid sa tubig at ang rain water harvesting o pagsahod ng tubig ulan.

Hinggil naman sa panukala ng MCWD na pagbabaon ng dagdag na tubo, sinabi ni Natividad na pansamantala lamang iyon.

Binigyang diin niya na kung puro pagbabaon ng tubo ang gagawin at hindi maipapatupad ang bulk water, nahaharap sa dagdag na trahedya ang lalawigan.

Kabilang dito ay ang posibilidad ng pagbaba ng lupa o land subsidence sanhi ng overwater extraction.

“Ground water is a natural resource, we can’t repair and abuse it, otherwise, we will be courting disaster,” ani ng alkalde.

No comments:

Post a Comment